Applicant #16: Gutom si Tomtom

169 7 12
                                    

APPLICANT #16: GUTOM SI TOMTOM


"Kumain ka na anak," ika-sampung beses na pagmamakaawa ng mommy ni Tomtom sa kanya para siya'y kumain, ngunit sampung beses din na inayawan ni Tomtom ang alok ng kanyang ina.

"Pagod na talaga ako sa 'yong bata ka, bahala ka nga, sana parusahan ka ng mga diyosa ng pagkain para ika'y matuto. Alam mo ba na sa buong mundo ay maraming nagugutom at walang makain?" bulyaw ng kanyang mommy, naiinis na ito kanina pa.

"Bakit po? Kapag kinain ko po ba 'tong pagkain na 'to, mabubusog po sila? Hindi naman po, 'di ba?" pangangatuwiran ni Tomtom.

"Argh! Bahala ka nga, kung ayaw mong kumain, magutom ka sana!" sa galit ng kanyang mommy, umalis nalang ito at pumunta sa kanyang kuwarto.

***

"Reyna Foodey, hindi pa po ba natin parurusahan ang batang 'yan?" suhesiyon ni Kalabasey-- ang reyna ng mga kalabasan, habang nakikinig sa usapan ng mommy ni Tomtom at si Tomtom.

"Kailangan na s'yang parusahan, amidos pagkainos batos!" sambit naman ni Reyna Foodey-- ang reyna ng mga pagkain, s'ya ang pinuno ng lahat ng mga pagkain.

"Nagawa ko na ang spell, simula ngayon, lahat ng kakainin ng batang 'yan, ay hindi makakarating sa kanyang sikmura, dahilan para s'ya ay magutom." sambit ni Reyna Foodey, ang tinutukoy n'yang bata ay si Tomtom-- isang bata na ayaw kumain ng kanin at gulay, lagi nitong pinapahirapan ang kanyang mommy pagdating sa pagkain, kaya nararapat lang ang kaukulang parusa para sa kanya.

***

Pasado alas-dose ng gabi nang biglang kumalam ang sikmura ni Tomtom, nagugutom s'ya sa kadahilanang hindi s'ya kumain kanina, buong araw kasi s'yang naglaro sa kanyang kuwarto ng PSP at tanging chichirya lang ang kanyang nagsisilbing pamatay-gutom.

Tumayo si Tomtom at lumabas sa kanyang kuwarto para pumunta sa kusina at tumingin-tingin ng mga pagkain.

Nakakita s'ya ng chocolate cookies at kinuha n'ya ito, kumuha rin s'ya ng chichirya at softdrink.

"Ang sarap ng midnight snack ko, yehey!" mahina, pero nasisiyahang tugon ni Tomtom.

Halos dalawang minuto ang itinagal bago naubos ni Tomtom ang sampung chocolate cookies; isang bag ng chichirya; at isang eight once na apple flavor softdrink.

"Hay! Ang sarap! Hindi ako makapaniwala na naubos ko ang lahat ng 'yon," hindi makapaniwalang sambit ni Tomtom sa kanyang sarili, ngayo'y bahagyang nakahiga si Tomtom sa sofa, malapit lang kasi ang kusina sa kanilang sala kaya doon na s'ya kumain.

Ilang sandali ang makalipas, bigla na namang kumalam ang sikmura ni Tomtom.

"Bakit bigla na naman akong nagutom? May sakit ba ako?" pagtatakang tanong ni Tomtom sa kanyang sarili matapos makaramdam ulit ng matinding gutom.

Dali-dali s'yang pumunta sa kusina at muling binuksan ang refrigerator, kumuha ulit s'ya ng chocolate cookies at minadali s'ya itong kinain dahil namimilipit na s'ya sa sakit dahil sa sobrang gutom. Matapos n'ya itong nguyain at lunukin ay kumuha pa s'ya ng isa pa at kinain n'ya ito muli, hanggang sa maubos ang cookies. Ngunit, laking gulat n'ya nang hindi pa rin s'ya nabusog. Hindi pa s'ya kuntento sa cookies kaya't kumuha s'ya ng chichirya at uminom s'ya ng dalawang apple flavor softdrinks.

"Bakit hindi pa rin ako nabubusog? Namimilipit pa rin ang tiyan ko sa sakit dahil sa matinding gutom," natatakang tanong n'ya sa kanyang sarili, kinain na n'ya lahat ang laman ng refrigerator ngunit gutom pa rin s'ya. Dumating na sa puntong wala nang laman ang refrigerator at tanging gulay nalang ang natitira-- na ayaw n'yang kainin.

"Tomtom, natuto ka na ba?" may narinig na magandang boses si Tomtom na kanyang ikinatakot, kasabay nito ang paglakad ng mga gulay papunta sa kanya.

"Mommy!" sigaw ni Tomtom at kumaripas s'ya ng takbo papunta sa kuwarto ng kanyang mommy.

"Mommy! Nagugutom po ako," reklamo n'ya rito. "A-at... at... m-may maligno po! M-minaligno ako mommy!" bulyaw ni Tomtom at pilit na binubuksan ang naka-lock na kuwarto.

"Anak! Sandali lang, ano bang nangyayari sa 'yo!?" bulyaw ng kanyang mommy, kinakabahan na rin ito. Dali-dali nitong binuksan ang pinto para pagbuksan ang kanyang anak.

"Mommy!" mahigpit na niyakap ni Tomtom ang kanyang mommy, kasabay nito ang patuloy na pagluha ng kanyang mga mata.

"Diyos ko! Anong nangyari sa 'yong bata ka!" natataranta at kinakabahang tanong ng kanyang mommy kay Tomtom.

"M-mommy, n-nagugutom po a-ako," utal-utal at takot na takot na sabi ni Tomtom sa kanyang mommy.

"Ayon lang? Sige, halika, pumunta tayo sa kusina, binabangongot ka siguro. Akala ko naman kung ano na ang nangyari sa 'yong bata ka." parang binunutan ng tinik ang mommy ni Tomtom, pero agad iyong nawala nang magsalita mula si Tomtom.

"Mommy, hindi po ako nabubusog..."

"Bilisan mo na dito, gutom lang 'yan," sambit ng kanyang ina sa kanya, kasabay nito ang kanyang pagkagulat nanh buksan nito ang refrigerator.

"Nasaan ang pagkain dito?" tanong ng mommy ni Tomtom sa kanya na may halong pagtataka.

"Kina-- Aray! Ang sakit ng tiyan ko! Aray!" bulyaw ni Tomtom dulot ng sakit sa kanyang tiyan. Napahiga nalang si Tomtom sa sahig dahil sa sakit.

"Tomtom! Ano ba ang nangyayari sa 'yo?" mangiyak-ngiyak na tanong ng mommy ni Tomtom.

"Mom--"

"Tomtom!" napahagulgol na ang mommy ni Tomtom habang yakap-yakap ang anak. Habang niyayakap ang anak ay may napapansin s'ya na parang may tumutubong dahon sa katawan nito, kaya lalo pa s'yang napahagulgol at nagdasal na.

"Helen..." napatingin ang mommy ni Tomtom sa isang dilag na napakaganda, may korona itong parang kalabasa at may kuwentas na okra, halos halo-halo ang gulay sa katawan nito.

"Sino ka? Ikaw ba ang may kagagawan nito sa anak ko?"

"Ako si Foodey, reyna ng mga pagkain at oo ako ang may kagagawan ng lahat at inuturuan ko lang po s'ya nang leksiyon, pero alam kong natuto na s'ya, kaya papatawarin ko na s'ya, babalik na sa dati ang lahat. Crosfera Identica!" Sigaw ni Reyna Foodey.

***

"Mommy, ang sarap po pala ng gulay," sambit ni Tomtom habang kumakain ng gulay.

"Talaga?" tumango si Tomtom at ngumiti.

Napatawa nalang silang dalawa ng kanyang mommy Helen ng bigla s'yang nag-barp.

"Busog na po ako. Ay sorry po, ang sarap kasi, e."

PHASE 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon