APPLICANT #7: BAKIT LAGING PAGKAIN ANG INAATUPAG NG MGA HAYOP?
Noong unang panahon, ang mga hayop ay nagkakaintindihan at nagkakasundo pa. Naninirahan sila sa gubat nang masaya at walang pag-aawayan. Kasama nila si Marie, ang diwatang mapag-aruga at mapagmahal sa kalikasan.
Si Marie ang nangangalaga sa buong gubat. Mahal na mahal niya ang mga hayop. Ayon sa kanya ay siya ang ipinadala ng Maylikha upang pangalagaan sila mula sa pangangabuso ng mga tao.
Ang mga hayop noon ay hindi pa kumakain. Kapag bumibisita sa kanilang kanya-kanyang tirahan si Marie, hindi na sila nakakaramdam ng gutom at uhaw. Hindi mabubura ang ngiting nakaukit na sa kanilang mga mukha.
"Ako'y bibisita sa inyo araw-araw at ibibigay ko sa inyo ang bendisyon para huwag na kayong magutom." Iyan ang ipinangako ni Marie sa mga hayop.
Naging masunurin naman ang mga ito at sinunod ang kanyang utos na huwag ng samantalahin ang kasaganaan ng kalikasan. Umasa sila sa kanya kaya imbes na mamroblema sa kanilang tiyan ay nagsisiyahan na lang sila.
"Ang bait-bait niyo sa amin. Ano po ang magagawa namin para masuklihan ang inyong kabutihan?" usisa sa kanya ng baka nang dalawin niya ang pamilya nito.
"Igalang ninyo ang aking mga utos ang paraan ng inyong pagsukli. Sundin niyo ang bawat pangungusap na lumalabas sa aking bibig."
Tumalima lahat sa kanya. Sinunod nila ang kanyang mga pasya. Iisa lang naman ang ginawa niyang batas sa mga ito. Iyon ay ang huwag sirain at ubusin ang mga nilikha sa sanlibutan.
Isang araw, nagtipon lahat ng mga hayop. Magdiriwang daw sila. Ang bahagi ng pagdiriwang iyon ay iba't-ibang uri ng palaro.
Sa kasamaang palad, ang araw na pinagkasunduan nila ay siya ring araw ng pagbisita ni Marie sa kanila.
Hinayaan na lang ni Marie na magdiwang sila ngunit nakaramdam siya ng lungkot nang wala man lang nag-imbita sa kanya.
"Pasensya na po. Nakalimutan ka namin noong kami'y nagdiwang. Sana'y nakadalo kayo para napanood niyo rin ang mga ginawa namin." sabi ni Matsing.
"Huwag niyo iyong alalahanin. Hindi ako nagagalit sa inyo." sagot niya rito.
Habang pauwi siya, narinig niyang nag-uusap ang dalawang kambing.
"Hindi ibinigay ng ating diwata ang bendisyon niya kahapon. Pero tignan mo naman, hindi naman tayo nagutom, hindi ba?" wika ng isa.
"Tama ka diyan kaibigan, ako'y naghihinalang linoloko lang niya tayo." sagot ng pangalawa.
Hindi inakala ni Marie na malilibang ang mga hayop sa pagkakasaya. Sa mga araw ng kanyang pagbisita ay hindi niya madadatnan ang iba sa kanilang tirahan dahil sa pagdalo ng iba't-ibang kasiyahan. Ang iba naman ay nagiging mailap sa kanya at ang malubha ay tinataguan pa siya ng ilan.
Nabahala ang diwata. Tila bang nakakalimutan na siya ng mga hayop. Kumukuha na rin sila ng mga bungang-kahoy hindi para kainin kundi para sirain lamang. Wala na siyang nakitang pag-aaruga ng mga ito sa kalikasan, kundi sinasamantala na nila ito. Gayunpaman, hindi niya nakalimutang iabot ang biyaya sa mga tinitirhan ng mga ito.
At para bumalik sa dating kalagayan ay nagpatawag din siya. "Ako'y nananawagan na magkakaroon din tayo ng malakihang piging na iraraos sa aking bahay. Bawat isa ay aking iniimbitahan na dumalo."
"Maaasahan niyo po iyan, aming diwata. Dadalo kami ng buo kong angkan sa iyong ihahanda." masayang sabi ng amang aso. Sumang-ayon din ang iba. Ipinangako nilang dadalo silang lahat.
Gamit ang kapangyarihan, si Marie ay naghanda ng malaking mesa sa labas ng bahay. Plano niyang ipatikim sa mga ito ang mga pagkain na kanyang likha. Pagkain na kung kakainin ay kakain din ng biyaya.
Sumapit ang araw na iyon. Naghintay siya sa mga hayop. Dumating ang iba't-ibang angkan pero karamihan sa mga ito ay hindi dumalo. Naghintay siya ng matagal pero wala siyang napala. Pati ang mga hayop na nauna na ay nagpasyang umuwi na.
"Mauuna na po kami." pasya ng baboy-ramo. "Naiwan pa aking mag-ina sa bahay at siguradong matatakot sila kung ako'y gagabihin."
"Huwag kang mag-alala, sila'y ligtas na. Ginamit ko ang aking kapangyarihan para sila'y mapanatag."
Ngunit hindi nakinig ang baboy- ramo. Ang katwiran niya ay baka raw wala rin silang mahihintay pa. Hanggang isa-isa nang nag-alisan ang mga ito. Mayamaya pa nga ay wala ng natitira. Naiwan siya na nakaupo sa silya ng komedor. Nagalit siya sa mga inasal ng mga ito kaya kinabukasan ay ipinasya niyang dadalaw para dinggin ang mga rason ng mga ito.
"Ako'y nabasa po kahapon at nagkasakit." paghingi ng paumanhin ng isang kalapati.
Nang tanungin niya ang pagong ay kinatwirang, "Ang layo po ng inyong bahay at baka tapos na kung ako'y makakarating."
Ang sagot naman ng kalabaw ay, "Kasisilang ko lang kahapon. Nag-aalala po kasi akong iwan ang aking anak dahil baka siya'y mapahamak."
Tinanong niya ang bawat isa at pawang mga walang katuturang dahilan ang isinaad ng mga ito. Hindi niya natiis ang galit at tumaas ang tono ng kanyang boses. "Anong sinabi ko sa inyo? Palagi niyong sundin ang aking mga utos at igalang lahat ng aking pasya. Kayo'y nalibang sa kaloob kong kaginhawaan kaya sinuway at kinalimutan niyo na ako!"
"Magmula sa araw na ito ay ako na ang magiging mailap sa inyo. Pinuputol ko na ang bendisyong dumadalo'y sa inyo at magkagayo'y kayo'y magugutom at ako'y inyong hahanapin. Pero sinasabi ko sa inyong hindi ako magpapakita! Magkukubli ako gaya ng inyong inasal. At ngayon, ipinapasya ko, hindi na ako bibisita ni magpapakita pa. Hindi magtatagal at kayo'y magsisisi. Ako'y inyong hahanapin pero hindi ako magpapakita!"
Sa isang iglap nga ay dumagundong ang nakakabinging iba't-ibang huni na nagmumula sa bibig ng mga hayop. Tinangka nilang kausapin siya at ang bawat isa pero walang lumabas sa kanilang bibig na matino.
Sila'y nagkagutom at gaya ng sinabi ni Marie ay nawala na sa kanila ang bendisyon. Naghintay sila ng pagkaing iaabot ng diwata sa kanilang mga hapag-kainan ngunit walang dumating. Hangang sa lisanin na nila ang tradisyong pagkain sa komedor at wala ng inatupag kundi ang maghanap ng makakain sa iba't-ibang sulok ng kalikasan.

BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions