APPLICANT #23: ANG ESPEJO
"Ayaw ko sa mama at papa ko!" ang nasabi ni Andrea habang hinahakbang ang mga paa sa madilim na hagdan. Umalingawngaw ang boses nito patungo sa itaas hanggang sa nawala.
Napahigpit siya sa paghawak ng flashlight nang maalala niya ang narinig sa dining hall kanina. Nag-uusap ang reyna at hari at ang pinuno ng bansang Forasen. Tungkol ito kay Prince Lenar at sa kanya, na sa oras na maging legal na ang kanilang edad, magpapakasal ang dalawa. Nang marinig ni Andrea ang huling tatlong salita, agad siyang tumakbo hanggang sa narating niya ang makipot at madilim na silid na 'to.
Buong buhay niya, ang hari at reyna na ang dumidikta sa lahat ng desisyon na tungkol sa kanya. Mula sa kulay ng gown na susuotin, kung ano ang ipapangalan sa kanyang aso, at marami pang iba. Lahat ng 'yon ay kanyang sinunod. Naisip niyang sumuway noon pero hindi maaari. Dahil bilang isang nag-iisang anak daw, dapat umakto ito nang maayos. Hinihiling niya na sana magbago na ang kanyang mama at papa.
Kanina pa siya umaakyat. Hindi na niya alam kung may hangganan pa ba ito. Hindi niya rin ito masisisi dahil malaki ang kanilang palasyo. Sa katunayan, hindi pa niya nalilibot ang buong bahay.
Pagkatapos ng paikot-ikot sa madilim na hagdanan, narating na rin niya ang dulo. Sa harapan niya, habang nakaukit ang bilog na sinag mula sa flashlight, makikita ang pintuan na gawa sa kahoy. Hinanap niya ang doorknob sa pamamagitan ng pagtaas-baba ng flashlight, pero wala siyang nakita.
Inabot niya ang balat ng pinto at idinikit ang kamay dito. Naramdaman niya ang magaspang na pintuan bago ito umatras-- bumukas. Dahil sa gulat, nagsitaasan ang kanyang mga balahibo, nanlamig ang batok at nagpakawala ng tili.
Naisip ni Andrea na baka dito kinulong ang mabangis na hayop at handa siyang talunan sa oras na pumasok siya. Baka dito naninirahan ang pangit na mangkukulam, na nagtatago na sa kumot ng kadiliman, at baka gagawin siyang paniki kapag nagkataon. Kumabog nang mabilis ang kanyang dibdib. Mas nakakatokot pa 'to sa mga ghost stories ng mga katulong.
Iniling niya ang ulo at hinigpitan ang paghawak sa flashlight. Hindi niya malalaman ang kasagutan kung 'di niya aalamain. Kaya, papasok siya.
Habang nakatutok pa rin ang ilaw sa loob, pumasok si Andrea na nanginginig ang kamay. Iginala niya ang dilaw na ilaw sa loob. Nakita niyang maliit lamang ang kuwarto. Walang makikitang anong bagay maliban sa oblong na salamin sa gilid.
Naguluhan si Andrea kung bakit ang salamin lang ang nandito. Pero mas pinili niyang ihakbang ang mga paa patungo sa bagay. Inilawan niya ang salamin kaya napapikit siya nang bahagya dahil sa sinag. Tinitigan niya ang kanyang repleksyon, hindi man klaro, makikita na magulo ang kanyang naka-ponytail na buhok, madungis ang mukha't kasuotan. Namalayan na lang niya ang sarili na idinikit ang palad sa salamin.
Sa isang iglap, umilaw ang kanyang buong katawan. Nagsiliparan pataas ang kanyang buhok at gown. Nagsilabasan mula sa kanyang katawan ang mga alitaptap, pumalibot ito sa kanyang katawan. At napagtanto na lang ni Andrea na lumulutang na pala siya.
Bumilis ang kabog ng kanyang dibdib. Gusto niyang sumigaw pero nanatiling tikom ang bibig. Gusto niyang manlaban pero 'di niya maigalaw ang mga braso.
Umilaw rin ang pabilog na salamin ng kulay puti. Hanggang sa sapilitang ipinasok ang kanyang ulo. Tapos, nagdilim na'ng lahat.
***
Nang imulat niya ang mga mata, sinalubong siya ng liwanag mula sa bughaw na kalangitan, sa mga nagsasayawang bulaklak sa gilid. Mula sa likod, naramdaman niya ang matigas na lupa na yumayakap sa kanya. Bumangon si Andrea, nilibot ang paningin sa mga bulaklak na lagpas baywang. Namataan niya ang isang batang lalaki na lumalangoy sa ibabaw ng mga bulaklak.
"Prince Arden!" sigaw ni Andrea habang nakadikit ang mga kamay sa bibig na parang umiinom.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi! Hindi! Alam niyang hindi niya intensyon na sumigaw. Hindi niya inuutusan ang sarili na tawagin ang batang si Arden. Pero paano nangyari 'yon!?
"Habulin mo ako," ani Prince Arden. Tumalikod ang bata't tumakbo palayo kay Andrea. Sumunod naman siya na hindi ayun sa gusto.
Sa isang iglap, nagbago ang paligid. Nakaupo si Andrea, sa kanyang harap ay mahabang mesa na pinapatungan ng mga pagkain. Sa dulo ng mesa, nakaupo ang babae at lalaki na may korona sa ulo.
"Gusto kong pakasalan si Prince Arden," sabi ni Andrea na kanyang ikinagulat.
Dahil ba ito sa salamin? O baka panaginip lang 'to?
Ulit, naglaho ang paligid at napalitan naman ng ibang senaryo. Nakatayo siya, suot ang mahabang puting gown. Sa tabi ni Andrea ay isang lalaki, si Prince Arden. Nakangisi ito sa kanya. Sa kanilang harapan, nakataas sa ere ang kamay ng matandang lalaki. Na may suot na parihabang puting tela sa ulo na may nakaburdang krus sa gitna. Namalayan na lang niya na naghahalikan sila ni Prince Arden.
Nawala bigla si Arden sa kanyang harapan. Sumunod ang iyak sa buong kwarto. Nakahandusay ang kanyang asawa, butas ang puso at balot ng dugo ang katawan. Si Andrea ay nakaupo at paulit-ulit na tinutusok ang kutilyo sa puso ng prinsipe.
"Taksil ka! Kaharian lang ang habol mo sa amin!" Sumunod ang ilang ulit na pagbaba ng patalim sa laman nito.
Hindi makapaniwala si Andrea. 'Di niya akalain na kaya niyang pumatay. Bata pa siya, alam niya. Napakabilis ng pangyayari. Kanina lang, nasa harapan siya ng salamin at ngayon ay nasa harapan ng lalaki. Gusto na niyang umiyak pero walang likido na tumutulo sa kanyang mga mata.
***
Mula sa kulubot na balat ni Merivet, pabata ito nang pabata. Matagal na niyang hinihintay si Andrea para ipasa ang sumpa sa kanya. Sa oras na makita na nang buo ni Andrea ang buhay ni Merivet noon, tuluyan na siyang makakalaya mula sa likod ng salamin.
Balang araw, maghihintay rin si Andrea na mayroong hahawak sa salamin para maipasa na naman ang sumpa. Balang araw, makakalabas rin si Andrea kagaya ng gagawin ni Merivet ngayon.
Idinikit niya ang palad sa maknitab na bagay.
At sa wakas, makakalabas na siya na batang-bata.
BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Historia CortaLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions