Applicant #19: Cassiopeia Forest

170 3 5
                                    

APPLICANT #19: CASSIOPEIA FOREST


Ang kaharian ng Lenora ay isang kahariang tinitingala dahil sa walang katapusan nitong suplay ng yamang gubat. Matatagpuan kasi rito ang pinakamalaking gubat noong panahon na iyon--ang Cassiopeia Forest.

At dahil nga sa hindi nauubos na pinagkukunang yaman, ginamit ni Haring Adonis ang mga ito upang pagkakitaan. Walang awa nilang pinagpuputol ang mga puno dahil alam nilang dalawang araw lamang ay matayog na puno na naman ulit ang nakatayo sa pinagputulan nito.

Hindi nila alam kung paano iyon nangyayari o sino ang may gawa niyon pero hindi na nila ito inalintana. Itinuon na lamang ng kaharian ang pansin sa pagpapayaman sa pamamagitan ng paggamit ng walang katapusan nilang pinagkukunang yaman.

Isang araw, biglang nagkasakit ang hari. Walang halamang gamot ang makapag-ibsan ng sakit ng ulo niya kaya't nanatili siyang nakaratay. Isa sa mga tagasunod niya ang nag-suhestiyon tungkol sa isang epektibong halamang gamot na ginamit nito upang mapagaling ang kaniyang anak. At ang halamang gamot na ito ay matatapuan sa Cassiopeia forest kaya't nagmadali ang tagasunod na ito na kuhain ang sinasabi nitong halamang gamot.

Laking gulat niya nang pagtapak niya sa bungad, unti-unting namamatay ang kagubatan. Nalalanta ang mga halaman at nalalaglag ang mga dahon sa lupa. Nangingitim ang mga punong kahoy at rumurupok. Nangamatay rin ang mga bulaklak at ang mga damo na bumabalot sa buong kagubatan. Nabalot ng itim ang buong kagubatan.

Nang alisin niya ang paa niya sa bungad ng kagubatan upang sana'y bumalik sa kaharian at magbalita, biglang bumalik ang lahat sa buhay. Muling tumubo ang mga dahon ng puno. Muling nabuhay ang mga halaman at damo. Muling bumuka ang mga bulaklak at bumalik sa dating kulay ang kagubatan.

Tumakbo pabalik ng palasyo ang tagasunod at agad na ibinalita sa hari ang nasaksihan. Narinig ito ng nag-iisang anak ng hari, si Prinsipe Constantine.

"Kung gayon, ako ang pupunta sa gubat at ako ang kukuha ng halamang gamot," saad ng prinsipe.

"Ngunit, anak, masyadong mapanganib. Bakit hindi na lang ang mga kawal natin ang papuntahin natin?"

Nakinig ang mahal na Prinsipe sa kaniyang ama ngunit bumalik ang mga kawal nito na walang dalang halamang gamot. Sinubukan na rin nilang maghanap ng halamang gamot sa ibang kaharian ngunit hindi nila mahanap ang kailangan ng Hari. Kaya naman, nagbakasali si Prinsipe Constantine na subukan.

"Mahal na hari, payagan ninyo ako at pinapangako ko sa inyo na hindi ako babalik dito na walang dalang halamang gamot."

"Binabasbasan ko ang iyong paglalakbay. Sige at humayo ka."

Dala lamang ang matalim niyang espada, nagpunta ang mahal na Prinsipe sa Cassiopeia forest. At nang sandaling dumikit ang mga paa niya sa bungad nito, nasaksihan niya ang sinasabi ng tagasunod nila sa palasyo.

Gayunpaman, nagpatuloy sa paglalakad si Prinsipe Constantine. At sa kalagitnaan ng paglalakbay niya, nakarinig siya ng kakaibang tunog. Hinugot niya ang dala niyang espada at inihanda ang kaniyang sarili.

Biglang lumabas ang isang nakakatakot na nilalang. May hawig ito sa kambing ngunit mabangis ang itsura nito. Kulay itim ang balat niya, makapal ang dalawa nitong sungay, kulay pula ang kaniyang mata at nakatayo na parang tao.

Agad nitong sinugod ang Prinsipe kaya agad naman nitong iniwasan ang papausbong na atake. Inihampas niya sa likod nito ang hawakan ng kaniyang espada kaya natumba ito. Muli itong nakabangon. Ikiniskis ang kaliwang paa sa lupa sa akmang susugod at yumuko na animo'y mansusunggab gamit ang sungay.

Naiwasang muli ng prinsipe ang atake nito ngunit hinabol siya nito. Ginamit niya ang espadang hawak niya upang panandaliang salagin ang sungay ng kalaban. Ngunit dahil mas malakas ang kakaibang nilalang na kinakalaban niya, tumalsik ang espada niya. Nanlilisik ang mata ng mabangis na kambing at inihanda nito ang sarili sa susunod na atake.

Akala ng Prinsipe ay katapusan na niya nang biglang, "Tama na 'yan!"

Narinig niyang sigaw ng isang babae na umaalingawngaw sa buong kagubatan ang tinig. Naging usa ang kaninang mabangis na kambing at tumakbo ito papunta sa likod ng isang puno. Isang napakagandang babae na may mahabang puting kasuotan at may puting liwanag na bumabalot sa katawan ang biglang lumabas mula rito. Hinimas-himas niya ang usa na tumakbo papalapit sa kaniya.

"Sino ka?" tanong ng Prinsipe.

Humarap sa kaniya ang diwata at sinabing, "Ako si Cassiopeia. Ang diwata ng kagubatan. Ikaw, sino ka at anong ginagawa mo rito? Anong kailangan mo?"

"May sakit ang aking amang Hari. Kailangan niya ng halamang gamot na matatagpuan dito. Sabihin mo, anong kailangan kong gawin para makakuha ako nito?"

Tumalikod sa kaniya si Cassiopeia at sinabing, "Wala. Wala ka ng maaring gawin para bigyan kita ng halamang gamot na hinihingi mo. Noong sagana ang kaharian ninyo dahil sa walang katapusang yamang gubat na ibinibigay ko sa inyo, naisip niyo bang bigyan ako pabalik?" Tumigil siya sandali. "Hindi niyo iyon naisip dahil ang kaharian niyo lang ang iniisip niyo! Masyado kayong makasarili! Kaya, ipinagdamot ko sa inyo ang kayamanan ng kagubatang ito. Ipinagdamot ko sa mga mapang-abusong taong katulad ninyo!"

"Ipagpaumanhin mo kung nagkamali kami." Lumapit ang Prinsipe sa diwata na tumatangis. Iniharap niya ito sa kaniya at pinunasan ang luha niya sa mata. "Huwag kang mag-alala. Pagbalik ko ng kaharian, ipag-uutos ko na pangalagaan ang kagubatan na ito para sa'yo. Nangangako akong papalitan namin ang lahat ng puno na aming kukuhain. Nangangako akong hindi ko na hahayaan na umabuso pa kaming muli kaya't huwag ka ng tumangis. Sayang ang iyong kagandahan kung malulungkot ka lamang."

Ngumiti sa kaniya ang diwata ng kagubatan bago ito nawala. Bigla namang bumalik sa buhay ang kagubatan. Hinanap ng Prinsipe ang gamot na kailangan ng ama at agad na bumalik ng palasyo nang sandaling mahanap ito.

Ibinalita niya ang nangyari. At simula noon, pinangalagaan na nila ang kagubatan. Tinupad niya ang ipinangako niya kay Cassiopeia. Naging masiglang muli ang hari at ang kaharian. Nanatili naman ang kasaganahan at kagandahan ng Cassiopeia forest.

PHASE 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon