Applicant #26: The Criminal's Fairtyale

305 6 10
                                    

APPLCANT #26: THE CRIMINAL'S FAIRYTALE


SAKAY ng Military UH-60L Black Hawk ang kriminal na si Eugene para dalhin sa isang isla ng hilagang Pilipinas. Doon siya papatawan nang parusang Death Penalty dahil sa hindi mabilang na krimeng kinasangkutan niya.

Sa kalagitnaan nang biyahe ay nanlaban siya at pinilit na tumalon mula sa helicopter. Inasahan niya ang parachute na suot upang makaligtas pero hindi ito bumukas bago pa man siya tuluyang bumagsak sa mga naglalakihang puno ng kagubatan.

SA GITNA nang masukal na kagubatan ng Niralena natagpuan ni Sammiya ang isang lalaking dugua't walang malay. Sa pag-aalala'y minabuti niyang dalhin ang lalaki sa munti niyang tirahan upang doon gamutin.

Ang isla ng Niralena ay pinaniniwalaang engkantado. Pinangingilagan ito ng mga tao dahil ayon sa alamat, marami na raw ang nagtangkang pasukin ang gubat na ito ngunit wala ni isang nakalabas.

Mag-isa lamang siyang nakatira sa gitna ng kagubatang iyon. Doon na siya nanirahan magmula nang mamatay ang kanyang kinilalang mga magulang. Pinatawan ang mga ito nang parusang kamatayan dahil sa pagbuhay sa kanya.

Unang anak siya nina Haring Junyo at Reyna Nova ng Niralena. Ngunit sumpa sa kaharian ang turing sa kanya ng lahat dahil sa maling paniniwala ng Hari sa isang mangkukulam.

MAKALIPAS ang ilang araw, nagkamalay na rin si Eugene. Magaling na ang kanyang mga sugat at nanumbalik na rin ang dating lakas. Ngunit ipinagtaka niya ang pagkakapunta sa maliit na kubong iyon kaya agad niyang kinuha ang baril na nakatago sa kanyang binti at pinakiramdamang mabuti ang paligid.

Maya-maya pa'y nahagip ng kanyang mga mata ang isang itim na lobo. Sa takot ay agad niya itong pinaputukan ng baril. Hindi ito tinamaan. Sa halip na tumakbo ito palayo ay mabilis itong lumapit sa kanya. Kakalabitin pa sana niyang muli ang gatilyo ngunit hindi na niya nagawa iyon nang makitang nagbago ang anyo ng lobo at naging isang napakagandang dilag.

Agad siyang naging balisa nang tumambad sa harapan niya ang hubad na katawan ng inosenteng babae.

"Mabuti't nagkamalay ka na, Ginoo," nakangiting saad ng babae.

"Sino ka?"

"Ako si Sammiya. At narito ka sa kaharian ng Niralena. Dinala kita rito upang gamutin ang iyong mga sugat," paliwanag nito.

"Kaharian? Kalokohan!" Hindi parin niya inaalis ang pagkakatutok ng baril dito.

"Wala ka sa mundo ng mga tao, Ginoo. Narito ka sa kaharian ng mga engkanto." Bahagya pa siyang humakbang palapit kay Eugene.

"Lintik! Puwede ba, magdamit ka nga muna bago makipag-usap sa'kin!" galit na bulalas niya. Hindi siya makatingin dito nang diretso.

Naging balisa naman ang babae na tila hindi namalayan na nakahubad pala siya kaya agad itong nagkumpas ng kamay at sa isang iglap lang ay may suot na itong damit.

Hindi nakakilos si Eugene sa kinatatayuan dahil sa pagkamangha.

IPINALIWANAG ni Sammiya ang lahat. Ilang araw pang namalagi si Eugene sa lugar na iyon kasama ang engkantadang may kakayahang magpabago-bago ng anyo. Hindi niya magawang umalis dahil hindi nila alam pareho ang daan pabalik sa mundo ng mga tao.

At iyon din ang naging daan upang magkalapit ang kanilang loob sa isa't isa. Kahit paulit-ulit na pakitaan ni Eugene nang masasamang ugali ang engkantada ay wala itong ibang isinusukli kundi puro kabutihan. Kaya naman natutunan na rin niyang maging mabuti.

"Halika rito, magtago tayo!" nagmamadaling utos ni Sammiya sa kanya. Pumasok ito sa kubo at agad siyang niyakap. Sa isang kumpas lang nito ng kamay ay agad silang naging palaka.

Nanumbalik naman sila sa dating anyo nang maka-alis na ang mga kawal.

"Pareho pala tayong nagtatago sa batas," natatawang saad ni Eugene.

"Ipinagkait sa'kin ang buhay ko simula nang isilang ako. Gusto nila akong patayin dahil salot raw ako," umiiyak na paliwanag ni Sammiya.

Niyakap niya ang babae at pilit na inalo. "Walang makakapanakit sa'yo habang nandito ako."

Maya-maya pa'y laking gulat na lang nila nang biglang dumating ang mangkukulam na si Irabruha. May kasama itong mga kawal at ginamitan pa sila ng mahika upang hindi na makapanlaban.

Dinala sila ng mga ito sa palasyo at iniharap sa hari.

"Nahuli ko na ang salot, Kamahalan. Tama ang sinabi ko noon, siya ang magdadala nang panganib sa kaharian!" bungad ng mangkukulam. "Nagpapasok siya rito ng taga-lupa! Marapat siyang hatulan nang agarang kamatayan!"

"Hindi maaari! Anak ko siya!" umiiyak na salungat ng reyna. Kay tagal niyang nasabik sa nawalay na anak. "Kamahalan, bigyan mo siya ng pagkakataon," baling nito sa hari.

"Ngunit nagdala siya nang panganib at iyang taga-lupa ang katibayan!" giit ng mangkukulam.

"Oo, kriminal ako at mamamatay tao sa mundo namin. Pero ano ba'ng mapapala ko kung papatayin ko kayong lahat?" ani Eugene.

"Kung gano'n, bakit ka narito?" tanong ng hari.

"Dahil iniligtas ni Sammiya ang buhay ko."

Tila umaliwalas ang mukha ng hari. Bagay na lalo namang ikinagalit ni Irabruha. "Hindi ako papayag! Matagal na panahon ko nang hinintay ang pagkakataong ito. Papatayin ko kayong lahat!"

Hindi na naitago pa ng mangkukulam ang masamang balak. Inatake nito ang hari at ginamitan ng mahika na agad namang sinangga ni Sammiya. Siya ang sumalo ng kapangyarihan na agad niyang ikinamatay.

Pinagbabaril ni Eugene ang mangkukulam. Ngunit bago pa man ito mamatay ay nagawa pa siya nitong patamaan ng itim na mahika.

"Kamahalan, buhayin mo sila!" umiiyak na pagmamaka-awa ng reyna sa asawa.

"Iniligtas nila ang kaharian sa matagal na panahong kasinungalingan. Tama na ang paghihirap. Panahon na upang sila naman ang magtamasa nang katahimikan. Mamuhay nang payapa sa mundo kung saan walang may mga armas na tutugis sa kanila," malungkot na saad ng hari.

"Hindi mo sila bubuhayin?" may hinanakit na tanong ng reyna.

"Hindi sa panahon ngayon. Sa panahon na darating, Mahal na Reyna. Mabubuhay sila sa panahon kung saan sila nababagay. Kung saan maaari silang mamuhay nang payapa at masaya," paliwanag ng hari. Pagkuwa'y ginamitan niya ng puting mahika ang walang buhay na sina Sammiya at Eugene.

Lumabas sa katawan ng mga ito ang dalawang kristal at mabilis na lumipad paitaas. Naglaho ang mga iyon sa kawalan kasayaw ng hangin. Oras na para maglakbay sila patungo sa panahon kung saan sila totoong nababagay.

PHASE 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon