Applicant #22: Enigami

232 5 8
                                    

APPLICANT #22: ENIGAMI


Isang araw...

Nagsimula ang lahat sa isang araw lamang. Aksidente ko lang namang nabuksan ang librong iyon. Hindi iyon makapal, hindi luma, o amoy-luma man lang. Hindi ko rin masasabing bago. Isang dangkal ko ang lapad at isa't kalahati naman ang taas. Nakasiksik ang libro sa isa sa mga bookshelf sa maliit na lumang aklatan na nakita ko sa dulo ng bayan. Dinala ko ang librong iyon sa pinakasulok ng aklatan at doon ko iyon binasa. Sa dami ng upuan at mesa roon, mas pinili ko pang umupo sa sahig at doon tahimik na nagbuklat.

Maputlang asul ang makakapal na pahina, kaiba sa puti o di kaya'y kupas na kulay ng papel na natural na kulay ng mga aklat. Isang maikling liham ang nakasulat sa bandang ibaba ng unang pahina ng libro.

"Para sa munti kong mambabasa. Palawakin natin ang mundo gamit ang iilang mga salita."

Napangiti ako. Simple ang mga nakasulat ngunit malalim kung uunawain.

Muli akong nagbuklat at binasa ang laman ng aklat. Nagtaka ako dahil may pumapatak na sa pahinang mga maliliwanag na butil. Tumingin ako sa itaas.

"O!" Nagulat ako dahil isang maliit na lumilipad na bagay ang aking nakita. Humagikhik ito at lumipad-lipad sa harapan ng mukha ko.

Isang hagikhik pa at hinawakan ako nito sa ilong.

Hindi iyon insekto, alam ko. Mukha iyong maliit na taong... may pakpak.

Umupo rin ito sa pahina ng librong binabasa ko at at bigla itong nawala na parang bula.

"Ang Munting Ada," mahinang banggit ko titulo ng nasa pahina. Hindi ko naiwasan ang pagngiti dahil sa aking nakita.

Muli akong naglipat. Isang mahinhing tawa ang narinig ko sa aking gilid at nanlaki ang mga mata ko nang gumapang ang nagliliwanag na kamay ng isang babae sa braso ko.

"Mama!" Nabitawan ko ang libro at napagapang palayo sa kanya. Halos lumuwa ang mata ko sa aking nakikita.

Isang mayuming tawa mula sa babaeng marikit at nagliliwanag. Parang ginto ang buhok niyang kumikinang sa pagtama ng sinag ng araw mula sa malapit na bintana. Hinawi ng palad niya ang hangin at tila ba tinangay siya nito na parang alikabok. Bumagsak ang nagliliwanag na butil sa kahoy na sahig ng aklatan pagkawala niya.

Agad kong tiningnan ang asul na aklat sa sahig.

"Buhay ni Mariang Marikit."

Aabutin ko sana ang libro nang kusang ilipat ng hangin ang pahina. Tawa ng isang maliit na tao ang narinig ko at kinuha ng maliliit na kamay ang libro.

"Sandali!" sigaw ko at hinabol ang maliit na taong may mahabang kulay kupas na tsokolate ang buhok, nakasuot ng itim na sumbrero, berdeng damit at sapatos na patulis ang dulo.

Maliit man ito'y napakabilis naman. Dinig ko ang tawa nitong nang-aasar.

"Akin na 'yan!" malakas kong sinabi at halos liparin ko na ang hangin, maabutan lang ang maliit na taong iyon na wala pa yatang tatlong talampakan ang taas.

Maabutan ko na sana siya nang bigla siyang huminto at humarap sa akin. Napasubsob tuloy ako sa sahig dahil sa kawalan ng balanse. Tumawa na naman siya at tila ba isa siyang bulang pumutok sa hangin at nawala. Nalaglag sa sahig ang maliliit na butil ng liwanag kasabay ang librong kinuha niya.

Dahan-dahan akong gumapang palapit sa libro.

Sinilip ko ang pahina.

"Ang Tusong si Duwendeng Ikong."

Mabilis kong isinara ang aklat at agad na tumayo. Humugot muna ako ng malalim na hininga at muli kong binuksan ang pangalawa sa huling pahina.

Bahagya akong napapikit nang dumaan ang napakaraming paruparong kulay ginto sa paligid ko, patungo sa kaliwang direksyon ng aking kinatatayuan. Nakarinig din ako ng musika kaya nilingon ko ang kabila kong gilid at nakita ang isang batang babaeng naka-bestida at tumutugtog ng instrumentong biyulin.

Isang matamis na ngiti ang ibinigay niya sa akin at gaya ng mga nauna kong nakita'y naglaho rin siya sa hangin at naging nagliliwanag na alikabok na lamang.

"Ang Musika ni Monina," pagbasa ko sa nakasulat sa pahina ng librong hawak ko.

"May problema ba?" Napatingin ako sa pintuan ng aklatan at nakita ang matandang babaeng librarian.

"W-wala po!" Sinilip ko pa sandali ang libro at agad na isinara. "Wala po."

"Lulubog na ang araw, magsasara na ako ng aklatan."

Agad kong tiningnan ang bintana at nakita ang sinag ng papalubog na araw na tumatagos sa manipis na kurtina.

"Sige po," malungkot kong tugon at ibinigay sa librarian ang aklat na hawak ko.

"Maganda ba ang laman ng librong binasa mo?"

Isang ngiti ang isinagot ko sa tanong niyang iyon. "Opo, maganda."

"Nakilala mo ba ang mga karakter sa kwento?"

Tumango ako. "Nakatutuwa nga pong makilala sila. Mabuti at natapos ko siya bago kayo magsara."

"Iilan lang ang natatagalang basahin ang librong ito sa ganiyang edad mo. Karamihan, wala pang isang minuto tapos na. Ikaw, inabot ka ng mahabang oras." Tinapik niya ako sa balikat. "Bukod-tangi ka."

Hinatid niya ako palabas ng maliit na aklatan, ngunit bago kami makatapak palabas ng pintuan ay may sinabi pa siya sa akin.

"Walang ibang laman ang librong binasa mo kundi mga titulo. Hindi lahat ng nagbasa no'n ay nakita ang kung ano man ang nakita mo. Pinipili ng libro ang kanyang mambabasa, at nakagagalak na napili ka niya." Inabot niya sa akin ang libro bago ako makatapak sa kalsada.

Dahan-dahang sumara ang pinto ng aklatan nang makalabas ako. Bago ito tuluyang maipinid ay nakita ko pa ang librarian na unti-unting tinunaw ng hangin at naging maliliwanag na alikabok na lamang.

Binuklat ko ang huling pahina ng aklat at nabasa ang huling nakasulat.

"Ang Bantay sa Mundo ng Imahinasyon."

Tiningnan ko sandali ang papalubog na araw sa aking kinatatayuan at ibinalik ang atensyon sa aklatang may nakalagay sa paskil na nagsasabing sarado na iyon-hindi lang ngayon, kundi matagal nang panahon.

Napangiti ako nang tingnan ang titulo ng aklat.

"Enigami..." Tumalikod ako sa direksyon ng araw at itinaas ang aklat. Sa liwanag ko nakita kung ano ang ibig sabihin ng lahat.


PHASE 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon