APPLICANT #27: THE FAIRY GOD-WITCH
Sing bilis ng pagtakbo ni Eva ang pagtibok ng kaniyang puso. Ngayon gabi ang nakatakdang pagtatagpo ni Cinderella at ni Prince Charming.
Sumandal siya sa malaking puno na siyang magkukubli sa kaniya. Ilang sandali pa'y narinig na niya ang ingay ng mga kabayo. Sa 'di kalayuan ay natanaw niya ang karuwaheng sinasakayan ni Cinderella.
Intensiyon niyang pigilan ang pagtatagpong iyon. Inilabas niya ang kaniyang wand, ikinumpas niya iyon saka bumulong ng spell. Matagal na niyang plano ito, kaya naman buo na ang loob niyang ito'y isakatuparan.
Makikintab na butil ang lumabas sa kaniyang wand at tumama iyon sa mga gulong ng karuwahe. Hindi magkandamayaw ang mga kabayo nang kusang lumilihis ang tinatahak nilang daan.
Sa halip na patungong palasyo ay sa kasalungat na direksiyon sila dumako. Masayang minasdan niya ang patuloy na pagtakbo ng karuwaheng tila tinatangay ng hangin.
Nakahinga siya nang maluwag dahil sa wakas ay hindi na magtatagpo pa sina Cinderella at Prince Charming.
Tanda pa niya noong una niyang nasilayan ang prinsipe. Mula pagkabata ay nakikita lamang niya iyon mula sa bolang Kristal, kung saan madalas pinapanood ng ina niya ang bawat kilos niyon at ni Cinderella.
Ayon sa ina niya ay nakatakda nang magkatuluyan ang dalawa simula pa noong isilang sila. Nasusulat daw iyon sa Aklat ng Wagas ng Pag-ibig.
Nakalulungkot isipan na hindi ni minsan maisusulat roon ang pangalan niya. Dahil siya ay isang fairy, ang siyang tagapagbigay ng magandang wakas sa mga istorya ng buhay ng mga mortal.
Kontento na siya sa pagiging fairy, subalit nagbago iyon nang makilala niya ang prinsipe sa hindi inaasahang pagkakataon.
Masama ang panahon, tila uulan. Malalakas na kidlat ang umaalingawngaw sa kalangitan. Kahit anong sigaw niya ay wala ni isa ang nakaririnig sa kaniya.
Humahapdi na ang mga sugat niya sa braso dahil nagpupumilit siyang makawala sa pagkakatali.
Napatiim-bagang siya nang sumariwa sa kaniyang alaala ang araw-araw na pang-aapi sa kaniya ng ibang mga fairies sa Fairy Academy. Hindi niya mawari kung bakit lagi na lamang siyang inaalipusta ng mga iyon.
Marahil dahil iyon sa pagiging top fairy ng kaniyang ina noong panahon nito. Salungat sa panahon niya kung saan, isa siya sa mga nangungulelat sa klase.
Nawawalan na siya ng pag-asa dahil dumidilim na ay wala pa ring tumutulong sa kaniya. Maging ang ina ay tila hindi rin siya naririnig.
Siguro ay abala na naman iyon sa pagbabantay kay Cinderella at sa prinsipe. Nauubos na ang enerhiya niya sa kasisigaw at parang iniwan na siya ng pag-asa.
"Tulong! Tulungan n'yo ako!"
Inakala niya noon na katapusan na niya subalit tila bumukas ang kalangitan nang marinig niya'ng yabag ng mga kabayo. Sa muling pagmulat ng mga mata ay ang prinsipe ang dumalo sa kaniya.
"Binibini, sino ang gumawa nito sa iyo?" tanong nito habang kinakalagan ang kaniyang mga braso mula sa pagkakatali.
Parang nalimutan na niya'ng magsalita.
Simula noo'y palagi nang nasa panaginip niya ang prinsipe. Mas madalas na niya iyong inoobserbahan sa bolang kristal. Hanggang sa hindi niya namalayan na tumitibok na ang puso niya para rito.
At ngayon na ang pagkakataong siya mismo ang makilala ng prinsipe at hindi si Cinderella. Kaya hindi na niya pinalagpas pa iyon. Nakalalayo na ang karuwahe nang marinig niya ang tinig ng kaniyang ina, ang fairy godmother ni Cinderella.
"Ano iyang ginagawa mo, Eva? Ibalik mo si Cinderella sa patutunguhan niya! Hindi mo maaaring baguhin ang nakatakda na!"
Marahil ay nakita siya ng ina mula sa bolang kristal.
"Hindi maaari, Ina. Palagi na lang kaligayahan ng iba ang iniisip natin. Hindi ba puwedeng sa pagkakataong ito ay sarili ko naman ang isipin ko?"
"Baguhin mo ang iyong pag-iisip kung ayaw mong matulad sa tiyahin mo na si Lucia."
"Mas gugustuhin ko pang maging isang mangangaway kesa maging talunan!"
Matapos niyang sabihin iyon ay humampas ang malalakas na hangin. Nagpaikot-ikot ang mga tuyong dahon sa ere at nang tuluyang huminto ang pag-ikot ay lumabas mula roon ang isang babae na nakasuot ng mahabang itim na bestida.
"Ganiyan nga, Eva! Matuto kang ipaglaban ang sarili mo!" ani Lucia saka tumawa nang nakakikilabot.
Sa 'di kalayuan ay makikita ang sinasakyan ni Cinderella. Kaunti na lang ay mahuhulog na iyon sa napakalalim na bangin. Napapikit siya nang marinig ang pagsigaw ng dalagita.
"Tulong! Tulungan ninyo ako!"
Mula sa maliit na bintana ng karuwahe ay nakita n'yang luhaan si Cinderella. Nagmamakaawa ito sa kaniya. Bumalik sa alaala niya ang pang-aaping ginagawa sa kaniya sa Fairy Academy.
"Mali itong ginagawa ko. Hindi ko gustong maging isang demonyong tulad nila."
Dali-dali niyang muling ikinumpas ang wand upang pigilan mula sa pagkakahulog si Cinderella pero hindi niya matandaan ang nararapat na spell para roon.
Mabuti na lamang biglang dumating ang kaniyang ina. Sa isang kumpas lang ay napahinto nito ang karuwahe na ga karayom na lamang ang agwat sa bangin.
Hindi niya inaasahan na gagamit si Lucia ng mahika at tumama iyon sa sikmura ng kaniyang ina. Kasabay ng pagbagsak ng ina ay siya ring muling pag-andar ng Karuwahe.
Nalalaglag iyon sa bangin, ngunit hindi pa huli ang lahat. Iniwagayway niya ang wand at binulong ang spell na noon lamang niya naalala. Tumama ang mahika sa karuwahe at nagkaroon ng malaking pakpak sa tagiliran niyon, maging sa tagiliran ng mga kabayo.
"Dalhin ang prinsesa sa kastilyo kung saan naroon ang prinsipe!"
Gumalaw ang mga pakpak ayon sa mga sinabi niya. Nang muli niyang harapin ang bruha ay hindi na niya iyon mahagilap. Natagpuan na lamang niya ay ang inang nakahandusay sa lupa.
------------
Maraming araw ang lumipas. Naging bali-balita ang pagpapakasal nina Cinderella at ng prinsipe. Masaya niyang pinagmamasdan ang dalawa mula sa bolang kristal.
"Ano pang hinihintay mo? Hindi ba't ngayon ang araw kung saan ikaw ay magiging ganap na Fairy godmother na?"
Nginitian niya ang ina na nagsilbing guro niya't nagturo sa kaniya na...
Ang pag-ibig ay hindi lamang matatagpuan sa magiging kapares sa buhay. Ang tunay na halaga nito'y matatagpuan din sa sinoman na umiibig nang walang hinihinging kapalit. Iyong pag-ibig na hindi nakasasakit ng kapuwa.
Tulad ng pag-ibig ng kaniyang ina.
BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions