ENTRY #12: THE PRINCE AND THE GOBLIN
Madilim sa kweba na kinatatayuan ni Edama subalit bigla iyong nagliwanag nang itaas niya ang kanyang kamay.
May paparating! sigaw ng kanyang isipan. Kasabay noon ang paulit-ulit na pagpintig ng mahaba niyang tainga.
Isang tao! Ang hugis bilog naman niyang ilong ang pumintig.
Noon pa man ayaw na ni Edama sa mga tao kaya sila ang lagi niyang pinagnanakawan.
"Sige lang... lumapit ka," matapang niyang turan. Kasabay noon ang paglabas ng kanyang maliit na pangil.
Hindi na naman bago ang ganitong senaryo. Sa dami ng nanakawan ni Edama marami rin gustong tumapos sa kanya. Karamihan ay mga mandirigma na nais maghiganti. Meron din mga pantas na inupahan ng mga ninakawan niya. Malalakas ang mga ito subalit walang panama sa kanya.
Kahit tatlong pulgada lamang siya wala pa ni isa na nakatalo sa kanya.
"Sa wakas, nahanap na rin kita!"
Biglang natigilan si Edama. Pamilyar kasi sa kanya ang boses .
Napanganga na lamang siya nang tuluyang makita ang nagsalita.
Iyon ay walang iba kundi ang makisig na prinsipe ng Emereo. Si Prinsipe Neon.
HINDI TOTOO na wala pang nakatalo kay Edama. Oo, natatangi ang kanyang salamangka subalit hindi noon tinatablan si Prinsipe Neon. Pagmamay-ari kasi nito ang maalamat na espada na kung tawagin ay Blue Sword.
Isa sa mga hinarang noon ni Edama ay ang karwahe ng prinsipe. Para mapagnakawan ginawa niyang daga ang mga nakasakay dito. Laking gulat niya nang makitang hindi naging daga ang prinsipe. Inulit niya ang salamangka subalit hindi pa rin tumalab.
Bakit?
Nasagot iyon nang biglang itutok sa kanya ng prinsipe ang dala nitong espada. Bigla iyong naglabas ng kulay asul na liwanag kaya natiyak ni Edama na iyon ang maalamat na Blue Sword. Ayon sa kasaysayan namimili ng amo ang espada at sinomang mapili ay hindi tatablan ng anumang salamangka.
Sa puntong iyon alam na ni Edama na wala siyang laban kaya lumuhod siya at nagmakaawa.
Pinatawad naman siya ng prinsipe sa kondisyong hindi na niya uulitin ang pagnanakaw. Pero hindi niya iyon ginawa.
Mukhang nalaman iyon ni prinsipe Neon kaya hinanap siya nito para tuluyan nang paslangin.
"Huwag mo kong patayin!" Ayaw niya pang mamatay kaya lumuhod siya. "Pangako magbabago na talaga ako!" Nagsimula siyang magmakaawa.
"Mali ka. Hindi ako nagpunta rito para patayin ka."
Doon lamang huminahon si Edama. Napatingin siya sa prinsipe. "Hindi n'yo po ako papatayin?"
Tumango ang prinsipe bago sinabi ang tunay niyang pakay.
"Kagabi napanaginipan kita kaya naisip ko na ikaw ang makatutulong sa akin. May kilala ka bang babae na maaari kong magustuhan? Gusto na kasi ng mga magulang ko na mag-asawa ako."
Babae na magugustuhan?
May pumasok agad sa isipan ni Edama.
Si Prinsesa Garnet.
Napakaganda nito na pati siya ay nais itong maging asawa subalit bihag ito ng isang mangkukulam. Sinubukan niya itong iligtas ngunit di niya nagawa dahil hindi siya makagamit ng mahika sa teritoryo ng mangkukulam.
Sigurado si Edama na tulad ng prinsesa ang tipo ng prinsipe kaya binanggit niya ito.
Natuwa naman ang prinsipe at sinabing puntahan na nila ito agad.
Pero may ibang plano si Edama.
Gusto niya ang prinsesa kaya hindi niya ito basta ipamimigay. Gagamitin lamang niya ang prinsipe upang labanan ang mangkukulam. Habang abala ang dalawa sa pakikipaglaban ay saka niya itatakas ang prinsesa. Magpapakalayu-layo sila at magpapakasal.
Napakagandang plano. Napapangisi na lamang si Edama.
Gamit ang itim na kabayo ng prinsipe tinungo ng dalawa ang kagubatan kung saan nakalagak ang kastilyo ng mangkukulam.
Pagdating doon ay biglang nagwala ang kabayo. Inasahan na iyon ni Edama dahil nababalutan ng mahika ang buong paligid. Napilitan na lamang sila na maglakad.
Nasa unahan ang prinsipe.
Nasa likuran naman si Edama. Iniisip pa rin nito ang gagawin na pagtakas sa oras na makuha na ang prinsesa. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang makita niya ang isang kuneho na naipit ng malaking bato.
Mukhang umiiyak na ang kuneho kaya naisip niya na tanggalin ang bato.
Kasabay nang ginawa niya ang biglang paglalaho ng kuneho at paggalaw ng bato.
"Aaaah!" napasigaw si Edama. Bigla na lang kasing umahon ang bato. Isa pala itong higante na nakabaon sa lupa. Agad nitong inipit si Edama.
Naisahan ako. Naisip ni Edama. Isa palang patibong ang kuneho. Paano pa siya ngayon makakaligtas? Hindi siya makagamit ng salamangka.
Iniisip pa lamang iyon ni Edama ay bigla nang nagkapira-piraso ang bato. Dahil iyon kay prinsipe Neon. Ginamit nito ang espada para talunin ang higante at mailigtas siya.
"Ayos ka lang ba?" tanong nito.
Talaga nga bang iniligtas niya 'ko? duda si Edama. "Bakit mo ko iniligtas?" tinanong niya ang prinsipe.
"Magkaibigan na tayo, hindi ba?"
"Alam mo ba ang sinasabi mo? Tinatawag mong kaibigan ang isang masama at magnanakaw na goblin!"
"Mabuti ka. Naniniwala ako na mabuti ka. Tinulungan mo nga iyong kuneho."
Parang gustong maiyak ni Edama. Tinuturing pala siyang kaibigan ng prinsipeng gusto niyang isahan?
Mukhang ang tulad nito ang mas bagay sa mahal niyang prinsesa.
"Tayo na po. Iligtas na natin ang mapapang asawa nyo." Iyon na lamang ang sinabi niya.
Pagbukas nila sa pinto ng kastilyo bumungad sa kanila ang mangkukulam.
"Magaling! Natalo n'yo si Golem," sabi nito.
Naningkit ang mga mata ni Edama. Sa wakas ay nakita na rin niya ang mangkukulam. Hindi ito nakakatakot tulad ng inaasahan. Hindi rin ito mukhang malakas. Mukha lamang itong mahinang babae na nakasuot ng itim.
"Sige, ako naman ang harapin n'yo!" sabi nito sabay tutok sa walis niya.
Biglang inihakbang ng prinsipe ang kanyang paa.
"Mukhang gusto ng prinsipe na turuan ka ng leksyon. Tama lang dahil sa kasamaan mo. Tapos ka ngayon sa espada niya!" pananakot ni Edama.
Doon napansin ng mangkukulam ang Blue Sword. Bigla siyang napanganga at napaatras. "Ah... wag mo kong sasaktan!" sabi niya dahil alam niya na wala siyang laban.
Tumitig sa kanya ang prinsipe. "Napakaganda mo... pakasalan mo ko," sabi nito bago lumuhod.
Biglang kumunot ang noo ng mangkukulam.
Napanganga naman si Edama.
Ang mangkukulam ang tipo ng prinsipe? Hindi siya makapaniwala pero may dapat pa ba siyang ipagtaka?
BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions