Applicant #8: Peyri

297 6 5
                                    

APPLICANT #8: PEYRI

Hinawi ni Peyri ang mahabang buhok na tumabon sa kanyang mukha nang umihip ang malakas na hangin. Sunod ay inayos niya ang pagkakaupo sa isang malaking bato saka bahagyang hinigit pababa ang suot niyang asul na bestida. Nang matanaw niya ang binatilyong papalapit sa kinaroroonan niya ay napangiti siya. Nagmamadali ito habang hawak-hawak sa kaliwang kamay ang isang malaking kwaderno.

"Hector! Anong kwento mo ngayon?"

Nang tuluyang makalapit ay umupo ito sa tabi niya saka marahang binuklat ang kwadernong hawak nito. "Tungkol sa palaka ang kwento ko. H-huling kwento."

"Huli?"

"M-mali ka ng dinig."

"Gano'n? Sige, simulan mo na!" Suminghap siya at napayakap sa sarili nang muling umihip ang malakas na hangin. "Ang lamig," bulong niya.

"Gusto mo na naman yata akong gumawa ng apoy."

Napangisi siya. Bumuntong-hininga naman si Hector. Ilang segundo itong pumikit at nang muli nitong idilat ang mga mata nito ay may naglalarong apoy na sa kanang kamay nito. Nanlaki ang mga mata ni Peyri, dapat ay sanay na siya roon dahil palagi naman niyang pinipilit si Hector na gawin iyon para sa kanya, ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi siya masanay-sanay.

Mahigit isang taon na rin ang nakalipas mula nang makilala niya si Hector. Ang batong inuupuan nila ay ang bato ring dahilan kung bakit sila nagtagpo. Tandang-tanda pa niya kung paano siya nanginginig na nagtago sa likod ng malaking bato na iyon para takasan ang isang mabangis na hayop na humahabol sa kanya. Araw-araw siyang pumupunta sa gubat upang kumuha ng mga prutas para sa kanyang inang may sakit ngunit iyon ang unang beses na nanganib ang buhay niya.

Mabuti na lamang at dumating si Hector. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang binatilyo dahil bigla na lang itong sumulpot. Napanganga siya nang makitang nagbato ito ng bolang apoy sa mabangis na hayop dahilan upang tumakbo iyon palayo. Nang lingunin ng binatilyo ang kinaroroonan niya ay nakadama pa rin siya ng takot. Napahikbi siya nang dahan-dahan siya nitong lapitan.

"Bakit ka umiiyak? Iniligtas kita," marahang sabi nito.

Nilipad ng malakas na hangin ang buhok niya kasabay nang marahas niyang pag-iling. "B-bakit ka may apoy?"

Umupo naman ito sa harap niya at bahagyang ngumiti. "Ako ang bantay ng gubat na 'to. May kapangyarihan ako, pero hindi ako masama." Naglaho na ang usok sa kamay nito at napalitan na ng isang pulang kwaderno.

"May ikukwento ako sa 'yo. Mabisang pampakalma ang mga kwento ko, maniwala ka." May ibinulong pa ito ngunit hindi na niya pinagtuunan ng pansin.

Ayaw man niyang magtiwala ay wala na siyang nagawa. Nang simulan kasi nitong basahin ang nakasulat sa hawak nitong kwaderno ay natagpuan na lang niya ang sarili niyang nahuhumaling sa bawat buka ng labi nito. Dala ng matinding pagkaaliw ay hindi na niya rin halos naalala ang takot na kanyang naramdaman ilang minuto na ang nakalipas.

Ang pagkikitang iyon ay nasundan nang nasundan at nasundan pa ulit. Sa bawat pagtatagpo ay may bagong kuwento, ang bawat kuwento ay bagong paglalakbay para kay Peyri.

"Nakikinig ka ba?"

Napakurap siya nang marinig ang malagong ngunit malambing na boses ni Hector. Umiling siya rito. Napangiwi siya nang makitang wala nang apoy sa kamay nito. Mukhang nalaman naman nito ang iniisip niya dahil bigla nitong iniangat ang kamay nito at iwinagayway sa ere.

"May naisip ako para 'di ka na lamigin." Ngumiti ito saka dahan-dahang pinagsalikop ang mga palad nila.

Nalaglag ang panga niya at dumagundong ang mabilis na pintig ng kanyang puso.

"Mainit palagi ang kamay ko. Kapag hawak kita, hindi ka na lalamigin," bulong nito nang hindi man lang siya tinitingnan. Nakatuon ang atensyon nito sa hawak nitong kwaderno. "Makinig ka na sa kwento ko."

Tumango siya, ngunit imbes na gawin ang gusto nito ay mas lalo pa niyang hindi magawang makinig. Panay ang lunok niya at tingin sa mga palad nilang magkasalikop. Tuloy-tuloy pa rin sa pagbabasa si Hector.

"Naging prinsipe ang palaka matapos itong halikan ng prinsesa. At namuhay sila nang masaya habambuhay," anito saka marahang isinara ang notebook. "Wakas."

Ngumiti siya kahit halos wala na siyang naintindihan sa kwento. Umamba siyang magsasalita nang maunahan na siya ng pagyakap sa kanya ni Hector. Natigilan siya at halos hindi makapaniwala. Mainit ang bisig ng binatilyo, sumiksik ito sa kanyang leeg saka huminga nang malalim.

"Salamat sa lahat. Uwi ka na," bulong nitong ikinakunot ng noo niya.

"Ha?"

"May mga kailangan pa kasi akong gawin ngayon." Nag-iwas ito ng tingin.

Ayaw pa sana niyang sundin ang sinabi nito ngunit napilitan siya nang ngumiti ito sabay senyas sa kanya na umalis na. Inisip niyang magkikita pa naman sila kaya walang problema...pero nagkamali siya, dahil hindi na muling nagpakita pa sa kanya si Hector.

----

Dalawang taon ang mabilis na lumipas. Ang mga luha ay natuyo, ang mga ngiti ay napawi at ang pag-asang makikita niyang muli si Hector ay halos mawala na.

Napagdesisyunan ni Peyri na alalahanin ang mga kwentong ibinahagi nito sa kanya at isulat sa isang lumang kwaderno. Umaasa siyang kapag ginawa niya iyon ay matuwa si Hector at muling magpakita sa kanya. Buwan ang iginugol niya sa paggawa noon. Ngunit natapos na't lahat ang pagsusulat niya sa mga kwento ay hindi pa rin nagpapakita si Hector. Kaya sa huli, dinagdagan niya ang kwento sa kwaderno, inilagay niya ang kwentong pinakamaganda para sa kanya. Isinulat niya ang kwento nilang dalawa.

Tumitig siya sa kulay kahel na kalangitan. Iyon na ang huling araw na pupunta siya sa kagubatan.Hinaplos niya ang kwaderno at niyakap pagkatapos. Nangako siyang ibabahagi niya sa iba ang nilalaman ng kwadernong iyon. Maraming makakaalam sa mga kwento ng binatilyo. Ngunit bago niya gawin iyon ay pinunit niya muna ang kwentong idinagdag niya, ang kwento nilang dalawa.

Naisip niya kasing hindi bagay ang kwento nila na ilagay roon. Lahat kasi ng kwento sa kwadernong iyon ay nagtapos sa, 'At namuhay sila nang masaya habambuhay.' Malayo sa kwento nila ni Hector na nagtapos sa, 'At hindi alam ni Peyri kung kailan ulit siya sasaya, o kung magiging masaya pa ba siya.'

PHASE 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon