APPLICANT #14: PENCIL NI CECIL
Sa hapag kainan, habang kumakain ang mag-ina ay biglang nabanggit ng mommy ni Cecil ang tungkol sa kanyang second quarter exam bukas.
"Cecil, nag-aral ka na ba para sa second quarter exam n'yo?" pagtatanong ng kanyang mommy, napahinto sa pagkain si Cecil at napalunok ng wala sa oras.
"Mangongopya nalang ako bukas kay Arya, sigurado naman ako na papakopyahin n'ya ako." Sa isip-isip ni Cecil.
"Opo, sigurado po ako na mataas po ang marka ko bukas," pagsisinungaling at paninigurado ni Cecil sa kanyang mommy at napatango nalang ito.
***
Maagang nagising si Cecil dahil nakatulog s'ya ng maayos at mahimbing. Agad s'yang naligo at kumain para maaga s'yang makapunta sa kanyang pinapasukang paaralan.
Nakarating na si Cecil sa kanyang paaralan, hinatid s'ya ng kanyang mommy sakay ang kanilang kotse.
"Saan na kaya si Arya?" pagtatanong ni Cecil, kasabay nito ay ang pagdating ni Arya.
"Oy! Arya!" agad n'ya itong nilapitan at kinausap.
"Nag-aral ka ba? Pakopyahin mo ako ha?" pasimpleng bulong ni Cecil kay Arya.
"Hindi na kita pakokopyahin Cecil," sagot naman ni Arya kay Cecil na ikinagulat nito.
"Ha? Baka nakakalimutan mo ang napagkasunduan natin? Gusto mo sabihin ko sa kanila?" pananakot ni Cecil sa kaklase nitong si Arya. Tinatakot kasi ni Cecil si Arya na kung hindi s'ya nito papakopyahin ay sasabihin n'ya sa buong klase ang sikreto nito.
"Hindi na ako takot Cecil, kahit na ipagsigawan mo pa sa buong mundo na mahirap lang kami at pangangalakal lang ang trabaho ng mga magulang ko, hindi na ako matatakot sa 'yo, proud ako sa mga magulang ko dahil nagsisikap sila para pag-aralin ako, proud ako sa kanila dahil nagtatrabaho sila ng marangal, ipinangako ko sa sarili ko na hindi ko sila ikakahiya, PROUD ako sa mga magulang ko Cecil." sabi ni Arya kay Cecil at umalis na ito.
Naiwang nakatunganga si Cecil dahil sa takot, tumatak na lang sa isip n'ya ang tanong na:
"SAAN AKO MANGONGOPYA?"
***
Nagsimula na ang pasulit, pero dahil hindi nag-aral si Cecil, wala s'yang naisagot, hindi n'ya magawang manghingi ng sagot sa iba n'yang mga kaklase dahil alam n'yang hindi s'ya papakopyahin ng mga ito. Maraming blanko sa kanyang sagutang papel, at sa oras ng pasahan, naipasa n'ya ito habang ang ibang mga katanungan ay walang sagot.
Tulala habang naghihintay si Cecil sa kanyang mommy, iniisip n'ya ang resulta ng pasulit at ang binitiwang pangako n'ya sa kanyang mommy.
"Naku! Lagot ako nito kapag hindi ako pumasa sa pasulit, magagalit na naman si mommy sa akin," halos hindi na mapakali si Cecil.
"Nene," napatingin si Cecil sa kanyang gilid, nakakita s'ya ng pulubi.
"Bakit po?" pagtatanong n'ya rito.
"May pagkain ka ba r'yan? Pahingi nene, nagugutom na kasi ako," sabi ng pulubi, naalala ni Cecil na may baon palang inilaan ang kanyang mommy sa kanya, hindi rin naman s'ya nagugutom, kaya ibinigay n'ya nalang ito sa pulubi.
"Salamat nene, heto lapis, gantimpala ko sa iyo dahil sa ginawang pagtulong mo sa akin," sabi ng pulubi kay Cecil at iniabot ang lapis sa kanya.
"Ay h'wag na po, may lapis po ako," pagtanggi ni Cecil.
"Hindi lang ito ordinaryong lapis, ito ang makakatulong sa problema mo, kaya tanggapin mo na, pero tandaan mo, mayro'n itong kapalit, at kapag may kailangan ka, puntahan mo lang ako sa library." sabi ng pulubi, kinuha nalang ni Cecil ang lapis, pinagmasdan n'ya ito, tama nga ang pulubi, kakaiba nga ang lapis na ito, mayro'ng mga letra na nakabalot sa katawan ng lapis, ngayon lang nakakita si Cecil ng ganoong lapis.
"Ale--" tatanungin na sana ni Cecil ang pulubi kung bakit ito makakatulong sa problema n'ya, ngunit bigla itong nawala.
*Tooot* *Tooot*
Napatingin si Cecil sa kotseng nagbusina, nand'yan na ang mommy n'ya, kaya agad n'yang itinago ang lapis sa bag n'ya at sumakay na s'ya sa kotse.
***
"Cecil, alam mo naman siguro na hindi ka pumasa sa exam dahil hindi ka nag-aral, 'di ba?" ipinatawag si Cecil sa principal's Office dahil hindi s'ya nakapasa sa exam, at ngayon kausap n'ya ang mismong pricipal ng kanilang paaralan.
"B-bakit po? I-ilan po b-ba ang s-score ko?" pagtatanong ni Cecil sa principal.
"Zero, zero ang score mo," sagot ng principal.
"Bibigyan kita ng isa pang pagkakataon Cecil Dimagiba, siguro naman nag-aral ka, 'di ba? Kaya magti-take ka ulit ng exam n'yo para makapasa ka." sabi ng principal.
"Lagot na naman ako! Wala na naman akong maisagot nito, patay!"
Nagsimula na ang exam, ginamit ni Cecil ang lapis na binigay sa kanya ng matanda, pagpatong n'ya palang sa sagutang papel ng kanyang lapis ay namangha s'ya, dahil kusa itong nagsasagot sa mga tanong.
Pinasa na ni Cecil ang kanyang sagutang papel at pagwasto ng guro ay namangha ito dahil na-perfect n'ya ang exam.
***
"Mommy, may surpresa ako!" bulyaw ni Cecil pagdating n'ya palang sa kanilang bahay, pero hindi n'ya akalain na maaabutan n'ya ang kanyang mommy na umiiyak.
"Mommy bakit po kayo umiiyak?" tanong n'ya.
"Nawawala ang kapatid mo, kinuha s'ya ng matanda," sabi ng kanyang mama.
"... pero tandaan mo, mayro'n itong kapalit, at kapag may kailangan ka, puntahan mo lang ako sa library."
Naalala ni Cecil ang sinabi ng matanda, kaya dali-dali s'yang pumunta sa library.
***
"Ibigay n'yo na po ang kapatid ko, promise ko po mag-aaral na po ako, hindi na po ako mangongopya at mandadaya, magsisikap po ako," umiiyak na sambit ni Cecil, nasa library s'ya ngayon.
"Sana maging aral 'to sa 'yo, Cecil. Huwag na huwag kang mangongopya at dapat pinagsisikapan mo ang nais mong maabot, huwag mong iasa sa iba ang dapat ikaw ang gumagawa. Huwag mong gamitin ang kahinaan ng iba para makamit ang iyong gusto, pinapatawad na kita, Cecil. Pero tandaan mo ang sinabi ko."
***
Bumalik na sa dati ang lahat at nag-aaral na si Cecil ng mabuti, hindi na s'ya nangongopya kay Arya.
"O, Cecil? Nag-aral ka ba para sa third quarter exam n'yo?" tanong ng mommy ni Cecil.
"Opo mommy!" sagot ni Cecil na may matamis na ngiti.

BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Cerita PendekLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions