APPLICANT #36: SumPAngako
Tuwing mahamog ang umaga, may mga nagsasabing maririnig daw ang boses ng hangin.
"Akin ka na, habambuhay."
Sumpang nagdudulot ng takot sa lahat ng mga tagabaryo, pero hindi para sa binatang si Huwan.
Lahat ng nakakarinig sa katagang iyon ay hindi na nagtatagal sa mundo.
Bulong ng kamatayan.
"Lolo Eripu, naririnig mo na ba?" tanong ni Huwan sa matandang binabantayan. Tinutukoy niya ang kataga.
Umiling ang matanda.
Ibig sabihin hindi pa papanaw ang mahal niyang lolo. Lumuwag ang paghinga ni Huwan.
Walang anu-ano'y narinig niya ang isang pamilyar na tunog, ang pagtatama ng mga maliliit na garapon. Nanggagaling iyon sa kalsada kaya dumungaw siya sa bintana.
Gaya nang inaasahan tuwing papasikat pa lang ang araw, naglilibot na naman si Laicos. Ang misteryosang manggagamot sa kanilang baryo na usap-usapang nagsumpa sa kanilang lugar. May kasabihan pang kaya hindi siya tumatanda ay dahil inaangkin niya ang buhay ng iba. Isa siyang mangkukulam, sabi nila.
Pero hindi rin maitatanggi na walang kapantay ang husay niya sa panggagamot. Kaya ang mga paratang ay nananatili lang na bulung-bulungan.
Huminto si Laicos sa tapat ng bahay ni Eripu at kumatok. Kahit nag-aalangan ay pinagbuksan siya ni Huwan.
"Kumusta si Eripu?" tanong ni Laicos kay Huwan.
Hindi nakasagot ang binata. Tinignan niya ang matandang tila nakaratay sa higaan at hindi na makabangon. Hindi maimulat ang mata at hirap magsalita.
"Ilang taong gulang na nga ang lolo mo?" tanong ulit niya. Napansin ni Huwan ang pagkintab ng mga mata ni Laicos.
"Uhm, nasa dalawandaan," sagot ni Huwan. Maski siya ay hindi makapaniwala sa numero.
"Dalawandaan? Hmm." Napahinto si Laicos at napaisip. Ngumiti siya at naglakad palayo.
Suwerte raw na umabot sa ganitong gulang ang lolo niya, pero biyaya pa rin bang maituturing kung ang ganitong kalagayan ang sasapitin? Napailing na lamang si Huwan. Sa isang parte ng puso niya, aminin man o hindi, hinahangad niyang marinig na ng kanyang lolo ang sinumpang kataga.
Naaawa siya sa kanyang lolo.
"L...La..." Kahit lubhang nahihirapan ay may gustong sabihin si Lolo Eripu. "La...Laico..." mahinang tugon niya.
Tama! Sambit ni Huwan sa sarili. Siguradong may maipapayo ang manggagamot sa kalagayan ng lolo. Kailangan niyang magtungo doon para magtanong.
"Ano'ng kailangan mo?" tanong ni Laicos.
"Tungkol ito kay Lolo," sagot niya habang nanlaki naman ang mata ng kausap. Tinignan niya nang maigi si Huwan, tinatantya kung tunay nga ang pakay nito.
"Pumasok ka," tugon nito.
Medyo madilim ang loob ng bahay. Nakakalat sa mesa ang maliliit na garapon. May mga nakabukas, mayroon ding sarado pa. Gustong malaman ni Huwan kung para saan ba ang mga ito, dahil kung titignan ay tila wala itong laman. May pirasong papel din na nakadikit sa mga ito ngunit hindi niya lang mabasa kung ano ang mga nakasulat.
"Lalagyan ba iyan ng gamot?" hindi na niya napigilang magtanong kay Laicos.
"Ano'ng nangyari kay Eripu?" pagbasag ni Laicos sa usapang iyon.
"Hindi---" Natigilan si Huwan, hindi niya alam kung tama ba ang sasabihin niya, "Hindi ko maintindihan kung paano umabot sa gulang na iyon si Lolo," wika niya.
Napakuyom ang kamao ni Laicos at nagtagpo ang mga kilay. Nawala ang maamo nitong mukha at napalitan ng poot.
"Lapastangan!" buong lakas na sigaw niya. "Ano'ng karapatan mo?!"
Sa sobrang pagkasindak ay napaupo si Huwan.
"Ako lang ang maaaring bumawi sa ibinigay ko," huminahong muli si Laicos. Naglakad siya papunta sa mesa at kumuha ng isang garapon. "Ano ang laman nito? Tinatanong mo hindi ba? Buhay ang nakapaloob dito. Buhay ng bawat isa sa baryong ito. Kinolekta ko mula sa panggagamot. Pagkain ko ang buhay ninyo." Ginawaran niya ng mapangutyang ngiti ang natulalang si Huwan. "Mananatili kayong buhay, kahit malipasan man ng panahon, hangga't ito ay sarado." Lumapit siya at lumuhod sa harap ni Huwan.
"Pero ano ang mangyayari kapag binuksan ko ito? Gusto mo ring malaman?"
Ipinakita niya ang garapon at sa pirasong papel nakasulat doon ang pangalang--- Huwan.
Unti-unting pinihit ni Laicos ang takip. Kasabay niyon ang pagsikip ng dibdib ni Huwan.
"Akin ka na, habambuhay."
Hindi niya mapagwari kung saan nanggagaling ang boses. Umaalingawngaw ito sa kanyang tainga.
"Akin ka na, habambuhay."
"Naririnig mo na ba?" pagtutuya ni Laicos at tumawa. "Iyan ang sinumpaan naming ng pinakamamahal kong Eripu," pagtatapat niya. "Na habambuhay kaming magkakasama kaya kailanma'y hindi ko bubuksan ang garapon niya. At hindi ang isang tulad mo ang magdedesisyon sa buhay niya! Hindi!"
"At hin-hindi rin i-ikaw---" nahihirapang sagot ng binata. Tanggap niya kung ngayon na siya mamamatay. "Kung m-mahal mo siya...Ughhh..uhh...da-dapat nakikita mo ang p-paghihirap niya."
Ang paghahangad sa isang bagay ay may limitasyon.
"Na-nangingintab...uhhhh! ang mga mata mo kapag ti-tinitignan mo si Lolo. Du-dulot ng luha iyon at hindi ng pag-ibig. Ughhhh! Palayain mo na siya."
Hindi iyon titig na puno ng pagmamahal, kundi ng pagkahabag.
Mas hinigpitan pa ni Laicos ang paghawak sa takip ng garapon. Ilang saglit pa'y biglang umarko pababa ang kanyang kilay kasabay ng pagbagsak ng balikat. Muling namuo ang luha sa mga mata, puno ng pagsisisi at pagtanggap sa katotohanan.
Marahan niyang inilagay ang garapon sa kamay ni Huwan.
Tumayo siya at tumalikod.
"Sa-sana ay magawa pa niya akong mapatawad," bulong niya.
Napatingin lang si Huwan sa kawalan. Gumaan na ang kanyang pakiramdam. "Hanggang ngayon, ikaw pa rin ang bukambibig ni Lolo," nakangiting sambit ni Huwan kay Laicos. Humarap sa kanya si Laicos at gumanti rin ng ngiti.
"Palalayain ko na ang baryong ito gaya ng gagawin kong pagpapalaya sa mahal ko." Pagkatapos magwika ay naglaho si Laicos.
Nang makauwi si Huwan ay napahinga siya nang malalim bago buksan ang pinto. Inihahanda ang sarili sa makikita.
Pero wala siyang nadatnan. Tanging bakanteng kama na lamang.
Napangiti siya nang mapait. Kung sabagay, matagal nang dapat namaalam ang lolo Eripu niya.
Tuwing mahamog ang umaga, may mga nagsasabing maririnig ang boses ng hangin.
"Akin ka na, habambuhay."
Sumpa pa rin ba o isang pangako?
Nagdudulot iyon ng takot sa lahat ng mga tagabaryo pero hindi para sa binatang si Huwan.
Napapangiti siya, sa wakas ang pangakong iyon ay natupad na.

BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Kısa HikayeLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions