APPLICANT #29: BINIBINI
Binibini. Iyan ang pangalan ng prinsesa'ng naninirahan sa malayong lupain sa silanganan. Siya'y nagtataglay ng kakaibang katangian. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang paningin, sumasaya ang sinumang nalulumbay, nalulugmok at nahahapis. Nagkakaroon ng kulay ang bawat bagay. Kung kaya't puno ng buhay at kulay ang buong palasyo. Kaya ang lahat ay yumuyukod at gumagalang sa kanya. Gayunpaman, walang sinuman ang nakakita sa kanyang mga mata at walang sinuman ang nagtangkang tumingin dito. Sapagkat kasunod ng pagtingin, ay pagtitig. At ang kahulugan ng pagtitig ay paglapastangan sa kaniyang kahalalan bilang prinsesa. At naniniwala sila na isusumpa at mamamatay ang sinumang tumitig sa kaniya.
Isang gabi, nagulantang ang buong palasyo sa malakas na ungol mula sa yungib. Ang yungib ay nasa likuran lamang ng palasyo at pinaniniwalaang tahanan ng isang uri ng nilalang na nakapangingilabot ang itsura. Kung kaya't nagulantang man ang lahat ay pinili nilang magsawalang bahala na lamang.
Subalit lumipas ang mga araw, nanatili ang ungol tuwing gabi. At mas lalo pa itong lumakas, nakakabingi at nakakarindi. Kaya ang lahat ay nabahala na, sapagkat sila'y hindi na nakakatulog sa gabi. Natatakot na rin ang mga kabataan sa palasyo. Kung kaya't isang hamon ang ini-anunsyo ng prinsesa.
"Ang sinumang makakapagpatahan sa mabangis na nilalang ay makakamit ang aking paningin at mananatili itong sa kanya habang buhay." Wika ng prinsesa.
Sila'y nahintakutan. Sapagkat sa loob ng mahabang panahon, wala ni isa man ang sumubok na pumasok sa yungib dahil mapanganib ang tumungo roon. Gayunpaman, sila'y natigagal. Sapagkat ang kapalit ng kanyang hamon ay ang kanyang paningin. Ang tanging bagay na bumubuhay sa palasyo.
"Subalit mapanganib ang pumasok sa yungib, Binibini. Maaaring ikamatay iyon ng magtatangka. At ang inyong paningin, ang bumubuhay at nagpapasaya sa buong palasyo. Di yata't kalabisan sa amin at lalo'ng lalo na sa inyo, ang inyong naisip na solusyon sa ating suliranin?" Isang alipin ang umalma.
"Ang aking isiniwalat ay tanging paraan upang matigil ang lahat ng ito." Maikling tugon ng prinsesa bago tuluyang umalis ng bulwagan.
Walang namahinga ng gabing iyon. Sapagkat lahat ay nanatiling balisa, lahat ay nag-iisip ng tungkol sa hamon ng prinsesa.
Lingid sa kanilang kaalaman, isang binatilyo na ang binabagtas ang daan patungo sa yungib. Si Tobe, anak ng isang tagapagsilbi sa palasyo. Simpleng binatilyo na nahilig sa pagguhit. At masasabi niyang ang lahat ng nilalang sa palasyo ay na-iguhit na niya. Iisa na lamang ang hindi. At iyon ay ang mga mata ng prinsesa. Kung kaya't nangarap siyang ma-i-guhit ito. Subalit siya'y mahigpit na pinagbawalan ng kanyang ina.
"Huwag ka nang magtangka na lumapit sa prinsesa, sapagkat kailanma'y hindi dadako ang kanyang magandang paningin sa isang tulad mong anak lamang ng tagasilbi sa palasyo." Madalas sabihin ng kanyang ina, kung kaya't nakukuntento na lamang ang binatilyo na pagmasdan ito sa mula sa malayo. Subalit hindi siya nawalan ng pag-asa na balang araw ay makukuha niya ang tingin nito na matagal niyang pinangarap iguhit.
Kaya't nang mag-anunsyo ang prinsesa ay labis ang kanyang galak. Matutupad na ang matagal niyang mithiin. Maaaring mapanganib , subalit kakayanin niya iyon.
Sa tulong ng liwanag mula sa buwan ay nagtagumpay siyang marating ang bunganga ng yungib. At agad siyang pumasok sa kabila ng kilabot na tunog mula roon.
Ngunit nang siya'y makapasok na, nagbago ang tunog. Ang atungal ay naging isang hagulgol, ang ungol ay naging isang panaghoy na nagdudulot ng di matatawarang kalungkutan sa sinumang makarinig.
Nagsimulang magtaka ang binatilyo. Mapanganib. Iyon ang kahulugan ng yungib na ito. Subalit hindi iyon maramdaman ng binatilyo. Sa halip, masidhing kalungkutan ang bumabalot sa kanyang puso.
Narating niya ang bukana, at sa halip na mabangis at nakapangingilabot na nilalang ang naroon ay isa lamang babaing nakahandusay sa lumiliwanag na puting bato. At laking pagtataka niya nang mapagsino ito.
"B-binibini?"
Gumuhit ang mapait na ngiti sa mga labi ng prinsesa.
"Binibini, paanong kayo'y naririto?"
Walang tugon, kundi tumitig lang ito sa kaniya. At sa unang pagkakataon nasilayan ng binatilyo ang kanyang mga mata. Mga matang pinakamaganda sa lahat na ngayon ay nagsimulang manubig.
"Ako'y pagal na, nanlulumo at nalulugmok sapagkat walang sinuman ang natangkang tumingin sa aking mga mata. At kung mayroon man, ang kagandahan at kariktan nito lamang ang kanilang nakikita. At hindi ang itinatagong kalungkutan at panaghoy, dulot ng aking mahabang panahong pag-iisa. Kaya't nais ko nang magpahinga, iwan ang masayang mundo na ni minsan ay hindi ko nadama. Marahil ako'y walang karapatang manatili at maging inyong prinsesa. Patawad. " Tuluyang umagos ang tubig sa kanyang mga mata, at unti-unti na siya'y naupos.
"Sandali, Binibini!"
Subalit naglaho na ito nang tuluyan. Nanlumo ang binatilyo. Sa tagal ng panahon na siya'y nanatili, nagbigay-buhay sa halos lahat ng nilalang sa palasyo, wala man lang nakaalam na siya'y malungkot at nag-iisa. Sino nga ba naman ang mag-aakala na siya'y namimighati? Hindi naman iyon nakikita sa kanyang kilos at mga ngiti. Kundi tanging sa kanyang mga mata lamang. Na walang sinuman ang nagtangkang tumitig.
Paano ko ipaparating ang pangyayaring ito sa palasyo? At ano na ang mangyayari sa palasyo ngayong siya'y wala na? Ilang katanungan ni Tobe sa kanyang isip. Nang maalala niya ang sinabi ng prinsesa. Kung kaya't inilabas niya ang kanyang pangguhit at nagsimulang gumalaw ang kanyang mga kamay. Puno ng emosyon ang bawat detalye ng kanyang pag-guhit hanggang sa matapos niya ito.
"Napa-sa'kin nga ang inyong paningin, Binibini. At ito ang pinakamaganda sa lahat ng naiguhit ko." Nagagalak na sambit ni Tobe habang pinagmamasdan ang iginuhit niya.
Matapos noon ay nilisan na niya ang yungib. Bumalik siya sa palasyo at ibinalita ang nangyari. Ang mga tao'y nanlumo, subalit nagalak rin. Sapagkat isinabit ni Tobe ang kanyang iginuhit sa bulwagan matapos itong palakihin at lagyan ng mga salitang;
"SA MATA MAKIKITA ANG TUNAY NA NADARAMA."
Wakas.

BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Cerita PendekLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions