APPLICANT #24: LAKBAY DIWA
Sa gitna ng kagubatan, nakatira ang isang mangangahoy kasama ang dalawa niyang dalagang anak. Si Aria ang nakatatanda't ang nakababata nama'y si Astrid. Kapwa nilang nakasanayang pumunta sa kakahuyan upang mamulot ng mga sanga katulad na lamang ngayon. Sa kalagitnaan ng kanilang gawain, nakakita si Aria ng isang kakaibang halaman. Ang ganda nito'y kahali-halina na siyang pumukaw sa paningin ng dalaga. Nilapitan niya ito at inamoy ang nagsisisulputang bulaklak.
Sa kanyang pagkahumaling, hindi niya napansing nag-anyong halimaw na ang halaman. Papalapit na ito at dahan-dahan nitong binubuksan ang kanyang bibig habang walang kamalayan si Aria sa mga nangyayari.
Samantala, sa hindi kalayua'y nandoon ang nakababata. Nakita niya ang lahat at mabilis s'yang tumakbo papalapit sa kanyang kapatid.
"Ate, umalis ka d'yan!" sigaw niya.
Tila wala namang narinig ang nakatatanda sapagkat patuloy pa rin ito sa pagkamangha. Ga-hibla na lamang ng buhok ang pagitan ng matatalim na ngipin ng halaman mula sa katawan nito't halos isang dipa pa ang layo niya. Kung tatakbuhin niya ito'y baka hindi na siya makaabot kaya naman pikit-mata siyang tumalon at kanyang itinulak ang ate niya dahilan upang gumulong ang huli.
"Ayos ka lang?" tanong ni Astrid.
Hindi siya sinagot ni Aria, bagkus ay nanginginig nitong itinuro ang nilalang sa kanyang likuran.
"A-Astrid, sa likuran mo."
"Ha?" Lumingon siya't eksaktong pagharap niya'y sinunggaban siya ng halimaw at nawalan ng malay.
Nagising si Astrid bunga ng isang magaang haplos na dumampi sa kanyang noo. Bumungad rin sa kanya ang mga nilalang na may pakpak.
"Nasaan ako? Sino kayo? Ba't kayo may mga pakpak? Nasa langit na ba ako? Mga anghel ba kayo?"
"Ako si Praire, siya naman si Savana. Mga diwata kami't nakita ka naming walang malay sa batuhan," saad ni Praire.
"Huwag kang mataranta, binibini. Kami'y mabubuti. Narito ka sa 'ming kampo sa kaharian ng Phantasia. Ako si Khan, ang tagapamahala dito. Ikaw?" Ngumiti ito sa dalaga't tila nakaramdam ng paghanga si Astrid dahil sa angking kakisigan nito.
"Ako si Astrid. Taga-bundok Hardene ako."
"Bundok Hardene?"
"Oo. Bundok Hardene, Terra. Hindi niyo alam ang lugar na iyon?" Nagpabalik-balik ang tingin niya sa mga nandoon samantalang nabaling naman ang atensyon ni Khan kay Strauss, ang kasama niyang matandang engkantado. Sinenyasan niya ito't matapos itong kumumpas ay lumitaw ang isang librong makapal.
"Magtapat ka nga, paano ka napunta dito?" tanong ni Strauss.
"Hindi ko alam pero sa aking pagkakatanda'y kinain ako ng isang halamang halimaw at nawalan ako ng malay. At pagkagising ko'y nandito na ako," saad niya.
Kinuha naman ng prinsipe ang libro.
"Ang halamang iyo'y tinatawag na Ivutsalak at ayon sa propesiya, lulan ng mahiwagang lagusan sa pamamagitan ng halamang kakaiba, magmumula sa Terra ang babaeng nakatadhana upang isalba ang Phantasia sa ilalim ng kamay ng kadiliman. Taglay niya ang kaluluwa ng aking namayapang amang si Haring Lakshmir bunga ng mahikang ipinatupad nito sa kanyang sarili bago siya namatay. Ipinangako n'yang siya'y magbabalik; sa ibang katauhan para iligtas ang kaharian. Sa palagay ko'y ikaw ang babaeng tinutukoy ng propesiya, Astrid. Ikaw ang reinkarnasyon ng aking ama! Kaya naman sana'y makipagtulungan ka sa paggapi sa masamang salamangkerang si Leyana," pakiusap ni Khan.
"Malaki ang pasasalamat ko sa inyo ngunit wala akong sapat na kakayahan, patawad." Akmang aalis na siya ngunit agad namang nagsalita ang kamahalan.
"Sandali lang. Astrid, makakaya mo ito dahil bago ka pa man dumating sa aming mundo, nakasulat na ang mga magaganap. Magagapi mo ang kampon ng kadiliman gamit ang antigong espada ng Kerr. Huwag kang mag-alala, hindi ka namin pababayaan. Ako mismo ang mamamatnubay sa 'yo."
Muling napalingon ang dalaga. Pinagmasdan niya ang buo kampo. Napakamiserable ng mga naroroon. Nakaramdam siya ng kurot sa kanyang dibdib at bua nito, siya'y napaisip at matapos ang ilang saglit ay ipinahayag na niya ang kanyang pakikiisa sa layunin ng prinsipe.
Matapos ito'y bumuo sila ng plano para sa napipintong pagsalakay. Nag-ensayo ang lahat kabilang na si Astrid sa ilalim ng pamamatnubay ni Prinsipe Khan dahilan upang magkalapit sila. Sa taglay na katangian ng prinsipe'y unti-unti nang nahuhulog para sa kanya ang dalaga ngunit alam nitong walang puwang ang gayong bagay ngayon.
At nang dumating na araw ng pagsalakay, magbubukang-liwayway pa lamang ay nagsimula na silang umatake. Naging madugo ang engkwentro't marami ang nalagas sa magkabilang panig.
Sa kabilang banda'y nagtungo na sa tore sina Astrid at ang kanyang mga kasamahan upa puksain a masamang salamangkera ngunit nang narating nila ang tuktok ay mabilis na kinuha ni Leyana ang batang si Savana't itinutok niya rito ang kanyang kukong matutulis.
"Subukan ninyong lumapit! Hindi ako mag-aatubiling patayin ang diwatang ito! Ikaw! Ikaw siguro ang dalagang nasasaad sa propesiya, alam kong hindi mo maaatim na mamatay siya kaya ibaba mo ang sandatang iyan dahil kung hindi-"
"Oo na! Ibaba ko na. Pakiusap, pakawalan mo s'ya." Itinaas ni Astrid ang kanyang kamay matapos bitawan ang espada.
"Hindi ko inakalang ganyan ka! Napakalambot mo!" Dinukot niya ang puso ng bata dahilan upang bawian ito ng buhay.
Humalakhak ang bruha na siyang nagpaningas sa galit ni Astrid. Walang anu-ano'y dinampot niya ang tabak at itinusok sa tapat ng dibdib nito na s'yang nagpabagsak sa masamang salamangkera.
"Savana!" Napatangis na lang siya at napayakap kay Prinsipe Khan.
Lingid sa kaalaman niya'y muling bumangon si Leyana't nagpakawala ito ng mahikang itim. Nakita ito ng prinsipe't dali-dali siyang bumiling upang sanggahin ito. Sa sobrang lakas ng salamangka'y napabulagta siya.
"Khan!"
"Mahal na Prinsipe!"
Tumakbo palapit sa kanya ang mga kasamahan nila. Sinubukan ni Strauss na pagalingin ang sugat nito ngunit wala itong epekto.
"Khan, bakit mo ginawa 'yun? Hindi mo na dapat ako iniligtas!" saad ni Astrid.
"A-Astrid.. sa likod mo," nahihirapang sambit ng prinsipe.
Napatingin ang dalaga't ikinagulat ng lahat ang kanilang nakita.
Muling nakabangon si Leyana't nagpakawala ito ng salamangka patungo sa dalaga.
Naramdaman niya ang pagdampi niyon sa kanyang dibdib.
Mainit ito't punong-puno ng boltahe na siyang nagpagising sa kanya.
Nang iminulat n'ya ang kanyang mata'y nakita niya ang isang doktor na may hawak na aparato kasama ang mga nars maging ang pamilya niyang tuwang-tuwa sa kanyang paggising mula sa pagkaratay.
BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Storie breviLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions