Applicant #48: Magos Sanctum

229 2 3
                                    

APPLICANT #48: MAGOS SANCTUM


Ang pagaspas ng malamig na hangin ay yumayakap sa aking kabuuan dulot nang isang magandang tinig na nagmumula sa kung saan. Tila ito humahaplos sa aking balat na nakakapanindig balahibo sa ganda kung kaya ay hindi ko maalis ang mabighani sa mala-ginto nitong tinig.

Malalim na ang gabi ngunit heto ako naglalakbay sa gitna ng kagubatan marinig lamang ang boses na kay sarap pakinggan. Nagmistula itong isang mahika na siyang humihila sa akin papunta sa kung saan man.

Gabi-gabi sa ilalim ng mapanglaw na kalangitan ay nakaugalian ko na ang magtungo rito. Ang marinig ang malamyos na tinig ang siyang bumubuo ng araw ko.

Ngunit, ang tanong ko ay nasaan ka? Gusto kong makita ang nagmamay-ari ng mala-gintong boses na naririnig ko.

Sa tuwing sinusundan ko ang tinig na siyang nagiging tulay upang makita kita'y may kung anong bakod naman ang siyang humaharang sa daraanan ko.

Hindi ako nito pinapalagpas patawid sa isang arko na may nakasaad na, "Magos Sanctum".

May isang lugar pa lang ganoon sa gitna ng liblib na kagubatan. Hindi ko akalaing mayroon pa lang ganito kagandang lugar kung saan tila paraiso sa ganda.

Mahiwaga. Misteryoso. Interesante.

Sinubukan kong muling ihakbang ang aking mga paa ngunit ganoon pa rin. Hindi pa rin ako makatawid sa arkong iyon. Nararamdaman ko ang matinding harang na nakapalibot roon ngunit ang nakapagtataka ay ang pagtagos ng magandang tinig palabas roon. Tila nang-aakit na pumasok ako.

Kaya naman nagmistulang hamon ito para sa akin. Ang mapasok ang Magos Sanctum.

Babalik ako. Babalik ako at mapapasok ko rin ang mala-paraisong lugar na iyon.

Inilabas ko ang kulay abo kong pakpak at ipinagaspas ito. Lumikha ito nang ingay at nagdulot ng isang malakas na hangin. Inihanda ko ang sarili ko at ilang sandali ay umangat na ang mga paa ko sa lupa at sumabay na ako sa hampas ng hangin sa itaas.

"Saan ka na naman galing, Brathen?" ang agad na bungad sa akin nang aking ama.

Hindi ako sumagot at nilagpasan siya.

"Baka sa kakalayag mo sa kung saan isang araw ay hindi ka na makabalik sa atin." ang dugtong pa niya.

Tila naging bingi ako sa mga sinaad niya. Iniwan ko siya't ni hindi man lang tinapunan ng tingin.

Dumilim ang kalangitan kasabay ng paglakas ng hangin. Dumating ang grupo ng mga uwak at tila nagbigay senyales gawa ng ingay ng mga ito sa pag-iyak. Tila takot na takot ito sa kung anong lagim ang nakasunod sa kanila. Nagsitakbuhan ang kapwa ko upang magsilisan habang ako'y naestatwa sa nagaganap. Napahawak ako sa aking ulo nang maramdaman ko ang naging pagkirot nito. Napapikit ako sanhi ng sakit na dulot nito. Maya-maya ay lumabas ang samu't-saring kaganapan sa isip ko.

Napamulat ako sa takot at agad na bumungad sa akin ang kaguluhan. Nagsisiliparan sa kung saang direksyon ang mga kapwa ko. Nakita ko kung paanong magliwanag ang kapaligiran dahil sa isang bagay na pabagsak patungo sa direksyon ko. Agad akong napaatras at mabilis na inilabas ang aking pakpak. Umangat ako sa lupa at mabilis na lumisan. Sa di kalayuan ay nakita ko kung paanong bumagsak ang bulalakaw at sumabog ito sa lupa. Narinig ko ang alingawngaw ng mga pag-iyak. Ang paghingi ng tulong ng mga ito. Hindi ko akalaing ganoong kabilis mangyayari ang kanina lang premonisyon na nagpakita sa akin. Ni hindi ko nabigyan ng paalala ang lahat. Wala akong nagawa upang mailigtas sila.

"Tulong! Tulungan ninyo ang asawa ko!" narinig ko sa hindi kalayuan. Agad ko iyong pinuntahan at laking gulat nang makita ko ang aking ama na hindi magkamayaw sa pag-iyak habang yakap-yakap si inay.

Mabilis akong lumapag sa tabi nila at doon ay mabilis kong inagaw sa ama ko ang katawan ng aking ina. Duguan ito at kitang-kita ang pinsalang nakamit nito galing sa pagsabog.

Umubo-ubo ito at pilit na inaabot ang aking pisngi. Naramdaman ko ang init ng haplos niya. Naiyak ako sa aktong iyon kung kaya't tila isang talon ang mga luhang umagos sa pisngi ko.

"Ma-hal na ma-hal k-ko kayo ng itay mo. Ma-hal na ma-hal ko kayo." Matapos bigkasin ang mga katagang iyon ni inay ay bumagsak ang kaniyang kamay indikasyon na siya'y wala ng buhay.

Mas lalong hindi nagkamayaw ang mga luha sa pisngi ko.

"Kung nakita ko lang agad ang mga pangyayari hindi sana'y walang manganganib, masasaktan, at mawawala. Kasalanan ko ito! Kasalanan ko kung bakit nawala ka, inay!" naisigaw ko nang malakas ang mga huling kataga. Galit ako sa sarili ko dahil hindi man lang kita nailigtas.


At dahil sa akin ay nawala ka, inay. Dahil sa akin kung bakit laging malungkot si itay.


Kaguluhan. Pagbagsak. Pagsabog. Iyakan. Bangkay. Dugo sa aking palad. At isang babaeng sapu-sapo ko.

MULI kong tinahak ang Magos Sanctorum. Doon ay tila nagkakaroon ako ng kapayapaan. Tila isang lugar kung saan nawawala ang aking suliranin. At ilang sandali ay tuluyan na akong nawala sa pag-iisip nang muli ay narinig ko ang isang napakagandang himig. Tila dinala ako nito sa ibang dimensyon. Sinubukan kong muling ihakbang ang mga paa ko sa arkong iyon ngunit wala pa ring nangyari. Ilang beses kong sinubukan ngunit wala hanggang sa mawala ang tinig na humihimig at napalitan nang...

"Huwag mo nang balaking ihakbang muli ang iyong mga paa. Ang bawat taong nakakatungtong dito ay hindi na muling nakakalabas. Mag-isip mabuti bago magdesisyon. Ang magpadaskol-daskol ay hindi nakakabuti. Brathen, ikaw ay may mga bagay na hindi pa natatapos. May misyong nakahain sa iyo. Ang iyong ama ay naghihintay. Hindi mo kailangang sisihin ang iyong sarili. Wala kang kasalanan sa nangyari. Ang lahat ng bagay ay may dahilan. Ang mahalaga ay magpatuloy at 'wag kalimutang may mga taong nagmamahal sa iyo."

"Si-sino ka?"

"Ako ang tagapangalaga ng Magos Sanctorum. Ako ang bantay ng mga taong naliligaw ng landas, literal man o hindi. Alalahanin mo ang mga sinaad ko. Nasa iyo ang marka ng pag-asa. Ang buwan at ang bituin," Tinanggal niya ang telang nakabalot sa mukha niya't nagulat ako sa aking nakita.

"Brathen, anak ko."

At biglang naglaho ang imahe niya.

PHASE 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon