APPLICANT #45: 666
Noong unang panahon sa isang tagong bayan sa dakong silangan ay matatagpuan ang isang maharlikang pamilyang nagkukubli sa mga mayayabong na dahon ng puno ng Narra. Sila ang pamilyang kinutya at itinakwil ng madla dahil sila ay isinumpa. Sumpang tatama sa bawat panganay ng angkan. Ang unang magiging anak ng pinakapinuno ang siyang dapat ialay sa mangkukulam na nagbitaw ng sumpa para sa kanilang patriarkang lumapastangan dito. Bagaman at matagal ng pumanaw ang matanda ay nanatili naman ang sumpa hanggang sa angkan sa kasalukuyan. Ang angkan ni Teron na siyang ikaanim na raan at animnapu't anim sa angkan ng mga Malawig. Ang pinakamataas sana sa lahat ng angkan kung hindi lamang dahil sa kanilang kinasapitan. Ang angkan ni Teron ang siyang panghuling tatamaan ng sumpa.
Pero taliwas ang paniniwala ni Teron sa kanyang ibang mga kaanak. Hindi niya nais mag-alay ng anak para iligtas ang anak ng iba. Subalit sadyang magpaglaro ang tadhana dahil kahit anong pigil nila ay dumating parin sa kanila ng asawa niyang si Aliya ang araw na kinakatukan nila. Nagdalawang-tao ang babae.
"Natatakot ako, mahal ko. Natatakot ako para sa anak nating hindi pa man naisisilang." Niyakap ni Teron mula sa likod ang kabiyak para pakalmahin ito.
"Wag kang mabahala mahal dahil ako mismo ang gagawa ng paraan para hindi madamay ang anak natin sa sumpa." Kahit kinakabahan din ay pilit niyang pinatatag ang sarili.
Ilang sandaling namayani ang katahimikan bago sila agawin ng isang mahinang tikham. Nang lumingon sila ay ang Ina ni Aliya na si Misha ang bumungad sa kanila.
"Mawalang galang na, Teron, pero may ideya lang akong naisip kung inyong mamarapatin."
Hindi umimik ang mag-asawa, at hinayaan na magsalita ang matanda. Mukhang narinig nito ang usapan nila kanina.
"Maaring ako ang magdala ng aking apo sa aking sinapupunan. Sa ganoong paraan ay ituturing siyang akin."
Kapwa nanlaki ang kanilang mga mata sa sinabi nito. "Imposible po ang gusto niyo!" Iiling-iling na pahayag ni Teron.
"Walang imposible sa punong babaylan!"
Sa tulong narin ng Ina ni Aliya ay nakumbinsi nila ang kanilang punong babaylan na isagawa ang isang maselan na ritwal ng pagsasalin. Naging matagumpay ang lahat hanggang sa lumipas ang ilang buwan at nailuwal na ang sanggol.
"Babae ang ating anak, Teron." Bakas ang saya sa boses ni Aliya ng sambitin ang mga katagang iyon.
Pero natigilan siya sa sinabi ng kabiyak. "Anak ng iyong Ina Aliya! Anak lang niya!" Mahina, pero may diing turan nito.
"Siya lang ang nagsilang, pero atin siya. Dugo at laman natin siya!" Di niya napigilang umalma.
"Oo, pero mangyayari lamang iyan kapag nalampasan niya ang kanyang ikalabing walong kaarawan. Pero habang hindi pa dumadating ang araw na iyon ay kapatid mo muna siya at anak sita ng iyong Ina." Kahit nanlumo sa sinabi ni Teron ay pilit niya iyong inintindi.
"Naiintindihan kita. Pero maaari ko parin naman siyang itira sa bahay hindi ba?"
"Maari, pero kasama ang iyong ama't Ina."
Mabilis na lumipas ang taon. Ang minuto ay naging oras, ang oras ay naging araw, ang araw ay naging linggo, ang linggo ay naging buwan, at ang buwan ay naging taon. Hanggang sa sumapit na nga ang ikalabing walong kaarawan ni Elisa, ang kanilang anak.
"Maligayang kaarawan, Elisa!"
Masayang bati ng mga nagkatipong mamamayan. Pinagsaluhan nila ang isang simpleng hapunan para sa selebrasyon ng kaarawan ng dalaga.
Kasalukuyan na silang kumakain ng pumainlang ang isang mabining tugtugin at sunduin si Elisa sa kanyang upuan ng isang lalaking nakamaskara.
Nagtaka ang lahat lalo na sina Teron at Aliya dahil hindi iyon kasama sa selebrasyong hinanda nila. Pero ng makita nila kung gaano kasaya si Elisa ay 'di nila kayang ipagkait iyon dito. Ilang minutong nagsayaw ang dalawa hanggang sa may ibang lumapit naman sa dalaga, at ito naman ang nakipagsayaw dito. May dalang rosas. Nang tingnan nila ang pinanggalingan ng lalaki ay napansin nilang marami pala ang mga ito at naghihintay lang ng kanilang oras para maisayaw ng dalaga. Ilang minuto pa ulit ang lumipas at lahat ay nakisaya na rin. At dahil sa naging abala sila lahat ay 'di nila napansing ang ikalabing walo na sa pila ang kasayaw ang dalaga. Nagsayaw ng nagsayaw ang mga ito hanggang sa bigla nalang matumba ang dalaga.
"Elisa!" Gulat na bulalas ng Inang si Aliya..
Aga namang dinaluhan ng mga nandoon ang dalaga. Pero ni hindi nila ito nagawang lapitan dahil tila ito biglang nakulong sa isang di makitang kulungan kasama ang binatang huli nitong nakasayaw.
"Anong ginawa mo? Sino ka?" Dumagundong ang malakas na boses ni Teron.
Pumuno sa buong bulwagan ang tawang kawangis ng sa bruha. At habang tumatawa ay unti-unting nagbago ang anyo ng lalaki. Naging isang babae ito. Hindi lang isang ordinaryong babae kundi isang mangkukulam! Ang mangkukulam na siyang nagbigay ng sumpa sa kanilang angkan. Ang ibang mga lalaking kanina ay kasayaw lang ni Elisa ay naging mga uwak ay lumipad papunta sa bruha.
"Akala niyo ba mapaglalalangan niyo ako? Akala niyo ba hindi ko alam na siya ay anak ninyo?" Nagulat ang lahat sa rebelasyong iyon.
"At tulad ng usapan kukunin ko ang inyong panganay para maging akin habang buhay!"
Pagkasabi no'n ay bigla na lamang itong nawala.
Nanlumo silang lahat dahil sa nangyari. Akala nila ay matatapos na ang sumpa. Iyon pala ay ang anak nila ang tatamaan ng ikaanim na raan animnapu't anim na sumpa. Ang siyang tumapos ng lahat!
Tahimik namang nagdiwang ang pinsan ni Tenor na si Kaeba kasama ang kanyang asawa, ang punong babaylan. Ngayon ay malaya na sila dahil may nasakripisyo ng iba para mailigtas ang anak nila.

BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
Historia CortaLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions