FATE CHRISTELLENE ARENA'S POINT OF VIEW
Unti-unti kong minulat ang aking mga mata at napatingin sa puting kisame na nasa aking harapan. Marahan kong kinurap-kurap ang mga mata ko at napatingin sa aking gilid. Natigilan ako nang mapagtantong nasa infirmary ako ng Cruishine at nakahiga dito sa kama nila. Bahagya akong humikab at inunat-unat ang aking mga braso. Sinubukan kong bumangon at umupo sa kama ngunit napapiksi na lamang ako sa sobrang sakit ng likuran ko. Naramdaman kong may gumalaw sa aking gilid.
"Hey, just stay still. Hindi pa maayos ang kalagayan mo ngayon."
Natigilan ako nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Napalingon ako sa kabilang tabi ko at nanlaki ang aking mga mata nang makitang si Gem iyon at kasalukuyang inaayos ang unan na nasa aking likuran. Babaling na sana siya sa akin kung kaya agad kong inilipat ang paningin ko sa paanan ko.
Biglang kumalabog ang puso ko. Hindi ko alam kung anong ginagawa niya dito. Huling natatandaan ko ay naglibot-libot ako doon sa 15-feet na swimming pool 'saka nahagilap ko pa sila Sir Dexxon na nakipag usap sa mga kapwa officials ng Cruishine. Pinagmamasdan ko rin ang mga acrylic paintings na nasa mga wall nong mga oras na iyon at hindi ko na napansing may nakabanggang lalaki sa akin kaya diretso akong nahulog sa pool at nawalan ng malay.
Nanlaki ang mga mata ko at nakaawang ang labi kong nakatingin kay Gem. Nagtama ang aming mga paningin at sa mga sandaling iyon, parang tumigil ang paggalaw ng oras dahil ibang-iba na naman ang titig na pinapakita niya sa akin.
Ganito niya ako titigan nang magkasalubong ang mga paningin doon sa kinaroroonan kong hammock. Hindi ko nababasa ang mga mata niya ngunit alam kong sa puntong ito, walang bahid ng kung anong inis, galit o awa sa mga mata niya. Banayad lang siyang nakatingin sa mga mata ko na para bang hinihintay niya akong magsalita. Napalunok ako nang maramdamang bumilis ang kalabog ng puso ko.
"Ikaw ba ang bumangga sa akin sa pool?"
Nagkasalubong ang kilay ko at humalukipkip sa harap niya. Kitang-kita ko na natigilan siya ngunit ilang sandali lang ay tumaas ang isang kilay niya at may nakasilay na nakakaasar na ngiti sa kaniyang labi. Sabi ko na nga ba, wala siyang araw na pinalalagpas at talagang iinisin niya naman ako! Hindi niya pinapatapos ang araw ng hindi kami nagkakairingan at hindi nagbabangayan ng sagad na sagad.
"Paano mo nasabing ako ang bumangga sa'yo? Saksi ba ng dalawang mata mo ang pagkabanggaan natin?"
Taas kilay na tanong ni Gem at humalukipkip na rin sa harap ko. Mas lalong umarko ang kilay ko sa paraan ng pagsasalita niya na tila ba gusto na naman niya akong asar-asarin ngayon. Huminga ako ng malalim at pilit pinapakalma ang sarili ko. Handang-handa na akong bigwasan at putulan siya ng dila ngayon gayong kami lang dalawa ang nandito sa loob ng infirmary.
"Hindi ko nakita ang mukha ng taong bumangga sa akin pero sigurado akong ang lintek na isang katulad mo lang ang tanging makakagawa sa akin non. Sino pa ba ang tarantadong may galit sa akin at handang handa akong ibaon sa hukay ano mang oras? Ikaw lang naman, hindi ba? Ang saya mo siguro nong nakita mo akong naglilibot na parang tanga doon sa 15-feet swimming pool, no? Iniisip mo siguro na isang bangga lang, tigok na agad ang babaeng ito. Pero kahit anong gawin mo, hinding hindi mo ako magagapi. Kung may siyam na buhay ang pusa, pwes ibahin mo ako, mas makapangyarihan pa ang kaluluwa ko kaysa sa katulad mong walang silbing mortal. Mamamatay tao!"
Inis na inis na singhal ko sakaniya. Umaakyat na naman ang dugo ko papunta sa aking buong mukha. Alam kong mukha na akong mangangain ng tao ngayon at hindi na kaaya-aya ang hitsura ko sa harap ni Gem pero wala akong pakialam, hindi ako magpapatalo hangga't hindi magtitino ang saltik na utak nitong si Gem.
BINABASA MO ANG
Chastening Solecism
General FictionEndless Series #3: Fate Christellene Arena is astonishingly hailed as the marvelous queen of nurtured devotion and absolute adoration. An exquisite maiden born with stringent norms and ground rule in life. She fascinates her heart through reverence...