"Hindi ka sasama sakanila?"
Ilang sandaling katahimikan ang namayani sa amin ni Grindel sa labas ng infirmary. Hindi ko alam kung bakit nagpaiwan din siya dito at hindi sumama kila Ivy nang alukin siyang maligo muli sa swimming pool. Maya-maya pa'y umupo siya sa tabi ko. Hindi ko pa rin sinasagot ang tanong niya. Hindi sa wala akong masagot pero wala akong balak makipag-usap sakaniya.
"Hindi ko akalaing natatandaan mo pa pala ang paboritong ulam ni Fate."
Natigilan ako. Hindi ko alam na narinig niya pala kanina na nabanggit ko kay Fate ang paborito niyang pasta habang pumipili kami sa buffet dining kanina. Babaling sana ako kay Grindel ngunit hindi ko nalang itinuloy at bumuntong hininga na lamang ako. Tatayo na sana ako at magpapaalam na umalis ngunit napahinto ako nang bigla siyang nagsalita.
"Kaya ngayon kampante ako na magagawa mo rin siyang mahalin pabalik, kagaya ng pagmamahal na ipinapakita niya sayo ngunit binabalewala mo lamang."
Hindi ko alam ngunit uminit ang ulo ko at may kung anong biglaang lumiyab sa loob ng aking dibdib. Tumayo ako at nakataas ang kabilang kilay habang nakatingin sakaniya. Inangat naman niya ang kaniyang paningin at tinignan ako pabalik.
"Ganoon rin ba iyon kadali para sa'yo na mahalin pabalik si Grae? Inisip mo ba na kampante ka sa magiging kahihinatnan ng lahat kaya nagawa mong suklian ang pagmamahal niya ng ganoon kadali?"
Diretsahang tanong ko sakaniya. Napansin kong nanlaki ang mga mata niya at napaawang ang labi sa hindi inaasahang mga salitang maririnig niya mula sa akin. Kahit kailanman, hindi ko nakaligtaan ang mapait na nakaraang nangyari sa akin pagkatapos ng hiwalayan namin ni Grindel.
Labis ang aking pagtatangis sa mga panahong iyon na umabot sa puntong mababaliw na ako sa kakaisip at kakatanong sa sarili kung bakit hindi niya man lang ako nagawang ipaglaban kahit alam kong may magagawa pa naman kami para maisalba ang aming matatag na relasyon.
Sa tuwing naiisip ko iyong mga panahong palagi akong naglalasing, umiiyak, nagwawala at naghihinagpis, pakiramdam ko isa akong napakalaking tanga dahil hinayaan ko ang tadhana na kunin sa akin ang babaeng ayaw kong kumawala mula sa mga bisig ko.
Ilang ulit kong sinisisi ang sarili ko dahil sinayang ko ang mga pagkakataong nakasama ko si Grindel. Hindi pa ba sapat ang pagmamahal na ipinapakita ko sakaniya? May mali ba akong nagawa na nakapagbago ng nararamdaman niya sa akin? Saan ba ako nagkulang at nagawa niyang umibig sa ibang lalaki pagkatapos ng biglaang hiwalayan namin sa isa't-isa?
Nang dahil ba sa rasong magkapatid kami kaya napilitan siyang maghanap ng ibang ipapalit sa akin? Ganoon ba kababaw ang pagmamahal niya sa akin? Ni minsan ba inibig niya ako ng lubos gaya ng pag-ibig na parati kong nararamdaman para sakaniya? Ganoon ba kadali sakaniya na ibasura ako kasi hindi niya na ako mapapakinabangan pa?
"G-gem... Akala ko ba tapos na tayo dito? H-hindi ba maayos na tayo? Bakit inuungkat mo pa rin 'yung nangyari sa nakaraan?"
Napapikit ako sa inis at pilit pinapakalma ang sarili ko. Muntik ko nang makalimutang nakatira na pala kami sa iisang bahay ngayon at magkapatid na dapat ang turingan naman sa isa't-isa.
Isang buwan na rin ang lumipas nang pinatira na ako ng aking bagong mga magulang sa tahanan nila Grindel. Noong una, hindi ganoon kadali ang lahat para sa akin. Nahihirapan akong mag adjust lalo na at parati ko siyang nakikita sa loob ng bahay ngunit hindi nagtagal ang paghihirap na iyon ay napapalitan ng inis at pagkairita lalo na kapag nakikipag usap siya sa akin na para bang walang nangyari sa amin sa nakaraan.
BINABASA MO ANG
Chastening Solecism
General FictionEndless Series #3: Fate Christellene Arena is astonishingly hailed as the marvelous queen of nurtured devotion and absolute adoration. An exquisite maiden born with stringent norms and ground rule in life. She fascinates her heart through reverence...