Tahimik akong nakayuko at ipinukos ang aking atensyon sa sugat ng aking palad habang ginagamot ni Gem. Kanina pa kami nandito sa loob ng sasakyan at wala ni isang nagsasalita sa aming dalawa ngayon. Basang-basa ang mga katawan namin dahil sa buhos ng ulan kanina ngunit walang pasubali akong hinila ni Gem papasok dito sa sasakyan. Abot-abot ang tahip sa aking dibdib pero napagtanto kong gagamutin niya lang pala ang sugat ko.
Ramdam ko na hindi mapakali ang tibok ng puso ko ngayon. Hawak ni Gem ang aking kamay habang hinihipan ang palad ko at may nilagay na pangpagamot doon. Hindi ko siya kinikibuan at ganoon din siya sa akin. Hindi ko alam ang sasabihin ko gayong presko pa sa utak ko ang nangyari sa amin kanina. Pakiramdam ko umiinit ang buong mukha ko kapag naiisip iyon.
Bahagya kong palihim na sinulyapan si Gem na abalang-abala pa rin sa palad ko. Pinagmasdan ko ang seryoso niyang mukha. Biglang nanumbalik sa aking isipan ang dating Gem na nakilala namin. Ganitong-ganito rin siya noon. Kapag may isa kaming kaibigan na nagkasugat, nagkaproblema at nangangailangan, kusa siyang tumutulong na walang hinihinging kapalit.
Kahit pa man sobrang introvert niya noon, labis kong hinangaan ang pagiging mapagmahal at mapag alaga niya sa amin. Hindi lang matalino at gwapo si Gem, kung hindi may panlaban talaga siya pagdating sakaniyang mabuting ugali. Naglaho na parang bula ang lahat ng iyon noong naghiwalay sila ni Grindel.. Ngunit sa nakikita ko ngayon sa ginagawa niyang paggamot sa akin, hindi ko maiwasang mabuhayan ng pag-asang magbabalik rin ang Gem na taos-pusong minahal ko.
Kahit pa man hindi na magbalik ang dating Gem, alam ko sa aking sarili na walang pag aalinlangan ko pa ring mamahalin ng lubos si Gem.
Bigla akong nahimasmasan at naibalik sa reyalidad nang magsalubong ang paningin naming dalawa ni Gem. Napalunok ako at mabilis na ibinaba ang aking tingin.
Ilang sandali pa nang bumitaw na si Gem sa kamay ko kaya agad akong napaayos ng upo at bumaling sa mga kamay ko na ngayon ay may puting benda na. Tumikhim si Gem at nagsalita na siyang ikinahinto ng sistema ko.
"Saan mo gustong kumain?"
Naestatwa ako sa aking kinauupuan sa biglaang tanong ni Gem sa akin. Lumingon ako sakaniya dahil sa pagkagulat ko sa tanong niya.
"H-ha?"
Wala sa sariling sabi ko. Nakatingin siya sa mga mata ko. Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa amin. Unang nag iwas ng tingin si Gem na namumula ang mukha. Napalunok ako at inilipat ko rin ang aking paningin sa harapan. Naalala ko bigla ang halik niya kanina kaya nanlalamig ang kamay ko ngayon.
"Nagugutom ako. Saan mo gustong kumain tayo?"
Tanong niya. Napasalikop ko ang aking mga kamay. Pakiramdam ko inaaya niya akong magtanghalian sa labas pero hindi ko alam. Sobrang bilis ng pintig ng puso ko ngayon na para bang pinipigilan nito na humarap kay Gem at pumayag sa gusto nito.
"H-hindi na. Bababa na ako. S-salamat sa paggamot mo sa akin. Babalik na ako doon sa Cruishine."
Nauutal na sabi ko sakaniya at akma na sanang hahawakan ang pinto para buksan iyon nang mabilis na pinigilan ni Gem ang aking kabilang braso.
"S-sandali."
Tumalon ang puso ko sa sinabi niyang iyon. Kahit kinakabahan, lumingon ako sakaniya at kitang-kita ang bahagyang pagtataka sakaniyang hitsura na may halong pangungumbinsi dahil sa pag nguso niya. Nalulunod ako sa mga mata niya at naghuhuramentado ang aking sistema habang hawak niya ang braso ko ngayon.
"A-akala ko ba tuloy pa rin ang date natin?"
Malumanay na tingin ni Gem sa mga mata ko. Totohanan pala talaga ang sinabi niya kahapon na mag de-date kami ngayon? Bakit ganoon? Bakit may humaplos sa puso ko ngayon?
BINABASA MO ANG
Chastening Solecism
General FictionEndless Series #3: Fate Christellene Arena is astonishingly hailed as the marvelous queen of nurtured devotion and absolute adoration. An exquisite maiden born with stringent norms and ground rule in life. She fascinates her heart through reverence...