"Bakit ka natahimik diyan? Anong iniisip mo? Huwag kang mag isip ng kung ano-ano diyan. Walang malisya roon sa ginawa ko. Alangan naman pabayaan ka namin doon na halos nahihirapan ka na ngang umahon doon. Atsaka kung iniisip mo na baka ginawa ko iyon dahil bumabawi ako sa lahat ng kagaguhang nagawa ko saiyo, nagkakamali ka."
Pamuna niya sa akin ngunit nanatiling akong nakayuko at hindi umimik. Alam ko namang napilitan lang siyang sagipin ako doon dahil baka inutusan lang siya ni Joleena na lumusong doon sa pool para tulungan ako. Ngunit kung kami lang dalawa ang naroroon sa swimming pool na iyon, tiyak wala siyang pakialam kung tuluyan man akong malunod doon. Kagaya nong ginawa niya sa birthday party ni Zeyn.
"Fate..."
Kahit pa man hindi niya alam nong gabing iyon na may hika ako, sa ngalan na kaya niya akong paghigantian o gawaran ng masamang aksyon, makakaya niyang hindi ako tulungan sa gitna ng pangangailangan ano mang oras na gusto niya. Nagkataon lang siguro sa pool na nandoon sila Sir Dexxon at maraming hadlang para magawa niya ang kaniyang maitim na balak na hindi ako tulungan, kung kaya kahit man labag sa kalooban niya, sinagip niya ako.
"Akala ko mawawala ka na ng tuluyan sa amin. Akala ko iiwan mo na kami. Akala ko huli na ang lahat para masagip kita doon."
Natigilan ako. Sasamaan ko sana siya ng tingin dahil baka nag-aasar na naman siya ngunit nang bumaling ako sakaniya ay umawang ang aking labi at hindi agad ako nakakibo. Nakayuko ang mukha niya at nakatingin lang siya sa kaniyang hita habang seryosong sinasabi iyon. Nanlamig ang aking kamay dahil sa nakita kong reaksyon mula sakaniya.
"Akala ko huli na..."
Bahagya siyang tumigil sa pagsasalita. Parang kung may anong bumabara sa lalamunan ko sa mga sandaling ito. Ilang saglit pa nang mapansin kong pinahiran niya ang kaniyang pisngi habang hindi pa rin inaangat ang mukha niya. Nagsalubong ang kilay ko ngunit tuluyan na akong natigilan nang pinunasan na naman niya ang kabilang pisngi. Naestatwa ako sa aking kinauupuan.
Umiiyak ba siya?
"A-akala ko huli na ang lahat para maayos akong makahingi ng tawad sa lahat ng mga kagaguhan at katarantaduhang nagawa ko sa'yo. Alam kong wala ako sa posisyong humingi ng kapatawaran sa dinadami-dami ba naman ng mga masasakit na salitang itinatapon ko sa'yo at sa mga mapanakit na inaasta ko sa tuwing nasa harapan mo ako. Alam kong ang lakas ng loob ko at wala akong kwentang tao dahil ang dali lang para sa akin na gawin ito pagkatapos ng mga nagawa ko sa'yo simula nong naghiwalay kami ni Grindel. Alam ko na baka iniisip mo ngayon na baka nang aasar na naman ako at walang silbi na naman ang pinagsasabi ko dahil walang katapusang pasakit lang ang naidudulot ko sa'yo palagi... pero Fate, ngayon ko lang napagtanto na ang lahat ng kabalastugan kong pagtrato sa'yo ay bumabalik lang lahat sa akin na parang isang malaking karma."
Nanginginig ang boses na sabi niya. Tumigil ang pag ikot ng aking mundo at para bang walang lumalabas na kahit anong salita sa aking bibig. Hindi ako makapaniwala sa mga pinagsasabi at sa pinapakitang emosyon ni Gem ngayon. Ito ang kauna-kaunahang pagkakataong na nakita ko siyang umiiyak sa harapan ko.
Pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit parang unti-unti akong nawawasak habang umiiyak siya? Bakit kung gaano ako kabilis mainis sa tuwing inaasar niya ako, ay siya ring kasingbilis ng sakit na nararamdaman ko ngayong umiiyak siya sa aking harapan?
"Siguro nga nakarmahan ako kasi hanggang ngayon hindi pa rin ako makabangon at makausad sa mga nangyari sa aming dalawa ni Grindel. Ang laki ng katangahan kong ibuntong sa'yo lahat ng poot, sakit at galit at hinanakit ko sa katotohanang hindi magiging kami ni Grindel dahil magkapatid kami. Ang laki ng kagaguhan kong mamulat sa katotohanang wala kang kasalanan sa mga nangyari at dapat hindi kita dinadamay sa kahayupang inaasta ko. Isinasawalang bahala ko lamang ang katotohanang nagmamalasakit ka lang sa akin bilang isang kaibigan mo sa loob ng maraming taon. Nabulag ako sa reyalidad at tuluyan akong nagbago kahit alam kong walang dahilan para magbago ako. Masyado akong nakakulong sa nakaraan namin ni Grindel na nakalimutan ko nang balikan at buong pusong harapin muli ang aking mga kaibigang na nandiyan lang palagi sa likuran ko at hinihintay ako...."
Humihikbi na ngayon si Gem at hindi ko na rin namamalayang nag uunahan na sa pag-agos ang aking mga luha patungo sa pisngi. Para akong sinasaksak ng kutsilyo ngayon dahil sa mga sinasabi ni Gem. Sa wakas, natauhan na siya pero sa paraang dinudurog ang puso ko dahil sa iyak niya.
Agad akong lumapit kay Gem at niyakap siya na ngayo'y nakayuko lang habang umiiyak. Hindi ko inaakalang makikita ko siyang ganito ngayon at gusto kong patahanin siya dahil ramdam na ramdam ko rin ang sakit na dinadala niya ngayon na parang tumagos ito patungo sa akin.
Napagtanto kong hindi ko pala kayang makitang ganito siya sa harapan ko. Huminga ako ng malalim at pilit kong pinapalakas ang aking loob bago magsalita habang tinatapik ko ang likuran niya.
"Alam mo bang gumaan ng kaunti ang pakiramdam ko ngayon, Gem? Tila ba nawala na ang napakalaking tinik na matagal ng nakabaon dito sa aking dibdib. Panatag ang loob ko kasi nagagawa mo ng ilabas ang totoong nararamdaman mo ngayon sa akin. Panatag ang loob ko kasi hindi mo na sinasarili ang iyong problema at nagagawa mo na itong ipaliwanag sa akin ngayon. Alam kong sobrang sakit pa rin sa'yo ang nakaraan ninyong dalawa ni Grindel, Gem, kung kaya maghintay ka lang at lilipas din ang lahat. Ang patuloy na pagtakbo ng oras ang pinakamabisang paraan upang unti-unting maghilom ang mga sugat sa puso mo, Gem. Magiging maayos din ang puso mo sa tamang panahon. Makakaahon ka rin sa mga mabigat na dinadala mo ngayon. Makakarating ka din doon, Gem kung kaya pinapatawad na kita at.... pinapalaya na rin kita, Gem."
Bumagsak ang buong sistema ko habang sinasabi ang mga katagang iyon ngunit alam kong ito ang nararapat kong gawin. Gayong napatawad ko na siya ay para ko na ring pinatawad ang sarili ko sa lahat ng mga nagawa ko rin sakaniya.
Aminado akong masyado akong kumakapit kay Gem kasi gusto ko siyang tulungang makabangon muli, pero ngayon na namulat na siya sa lahat ng pangyayari — oras na siguro para bumitaw na ako ngayon. Oras na para palayain ko siya upang makapagsimula na siyang muli.
Bibitaw na sana ako sa pagkakayakap sakaniya nang biglang hilahin ni Gem ang aking baywang papalapit sakaniya at mahigpit akong niyakap pabalik. Natigilan ako at halos tumalon ang puso ko sa ginawa niya. Ilang sandali pa nang maramdaman kong sinandal niya ang kaniyang ulo sa kabilang balikat ko.
Ramdam kong bumilis ang kalabog ng aking dibdib at parang may paru-parong naglalaro sa aking sikmura sa sandaling iyon. Halos makitilan ako ng hininga dahil sa pagkagulantang. Naramdaman kong bumuntong hininga siya at namamaos ang boses na nagsalita.
"Akala ko ba ang simbolo ng paboritong bulaklak mo noon ay ang paghihintay? P-pero pasensya na at hindi ko kaagad naintindihan ang ibig mong ipahiwatig noon. Ang laki kong tanga dahil pinaghintay kita sa wala pero ikaw naman kasi e' na....."
Naestatwa ako sa kinauupuan ko habang yakap-yakap niya ako. Hindi agad ako nakaimik at para bang yumanig ang sistem ko sa sinabi niya. N-natatandaan niya pa 'yung kinuwento ko sakaniya noon? Naalala niya 'yung kinuwento ko sakaniya habang ginuguhit ang bulaklak na iyon? N-naalala niya pa 'yung ibinigay ko iyon sakaniya?
Naghintay ako na dugtungan niya ang kaniyang sinasabi ngunit bahagya siyang tumigil sa pagsasalita at nagbuntong hininga muli.
"W-wala... Siguro hindi mo na natatandaan ang mga nangyari noon."
Napapikit ako ng aking mga mata at unti-unting dumaloy na naman ang masasagang luha patungo sa aking pisngi. Gustong-gusto kong isigaw sakaniya ang mga salitang gusto kong sabihin ngayon. Pero parang may pumipigil sa aking puso ngayon na ilabas ang tunay na nararamdaman ko sakaniya simula pa noon.
Gem, nagkakamali ka. Gusto rin kita noon. Gustong-gusto kita.
BINABASA MO ANG
Chastening Solecism
General FictionEndless Series #3: Fate Christellene Arena is astonishingly hailed as the marvelous queen of nurtured devotion and absolute adoration. An exquisite maiden born with stringent norms and ground rule in life. She fascinates her heart through reverence...