" Ate pahingi pong barya. Pambili lang po ng pagkain. Nagugutom po ako."Nag-isip muna si Cassandra. Eksakto na lamang ang pera niya para pamasahe sa trycicle. Tiningnan niya ang gusgusing batang lalaking naghihintay sa sagot niya. Gusto niya itong tanggihan pero tiyak na uusigin siya ng kanyang konsensiya magdamag. Tutal galing din lang naman siya ng gym, mas mabuting ituloy-tuloy niya na ang pageexercise sa pamamagitan ng paglalakad pauwi.
Sa halip na bigyan ng pera ang bata, niyaya niya itong sabayan siya sa paglalakad. Nang may madaanang tindahan saka niya ito ibinili ng tinapay.
"Salamat ate!" natutuwang sambit ng bata habang tinatanggap ang pagkain.
"Gabi na umuwi ka na sa inyo. Huwag kang pakalat-kalat sa kalye. Saan ka ba nakatira?" wika niya.
Itinuro ng bata ang kanto kung saan nakapuwesto ang isang karitong binububungan lamang ng isang malaking sirang payong. Nakaupo sa tabi nito ang isang patpating matandang tila may dinadamdam na sakit.
" Tatay mo ba siya?" napapalunok na tanong niya.
"Lolo."
"Where are your parents?"
"Ano po?"
"I mean nasaan ang mga magulang mo?"
"Hindi ko po alam. Lolo ko lang po ang kasama ko simula maliit pa lang ako."
Biglang may kumurot sa puso niya. May natitira pang barya sa bulsa niya. Muli niya itong dinukot at bumili ulit ng tinapay. "Eto ibigay mo rin sa kanya."
"Salamat po!"
Hinabol niya ng tingin ang tumatakbong bata papalapit sa kanyang lolo. Sabik nitong ibinigay ang tinapay sa matanda. Bumuntong-hininga siya saka itinuloy ang paglalakad. Ilang saglit niyang ininda ang kirot sa dibdib sa tanawing nakita.
Nakatungo niyang binaybay ang tabing kalsada. Natigilan siya nang may nakitang mga batang nag-uumpukang may sinisinghot na nakapaloob sa plastik. Huminto siya ng ilang sandali. Tumitig sa mga batang nagtatawanan at wala sa katinuan. Mga nasa pito hanggang labindalawang taong gulang lamang ang mga ito. Nakaramdam siya ng awa at galit. Gusto niyang pag-aagawin ang mga sinisinghot nito ngunit bigla siyang natakot na baka pagtulung-tulungan siya ng mga bata o baka may iba pang mga kasama ito sa paligid.
Nakita siya ng isang bata. Inilahad nito ang palad at naglakad papalapit sa kanya. Dali-dali niyang itinuloy ang paglalakad. Mabibilis ang hakbang na iniwasan niya ang bata. Itinuloy niya ang paglalakad nang hindi na lumingon pa sa kanyang likuran. Mabigat ang dibdib na inisip-isip niya ang mga nasaksihan. Bakit hinahayaan lamang na may mga batang hayagang naliligaw ng landas, gumagawa ng masama? Nasaan ang mga taong dapat ay gumagabay sa kanila? Anong malay ng pito o walong taong gulang na sinisira na pala nila ang kanilang mga sarili? Bigla siyang nainis sa sarili. Siguro ay katulad niya rin kasi ang iba. Walang magawa dahil naduduwag kung kaya't hinahayaan na lamang ang mga nakikitang mali sa paligid.
"Ano ba padaanin niyo kami!"
Napahinto ulit siya. Natanaw niya sa kabilang tabing kalsada ang dalawang dalagitang hinaharangan sa pagdaan ng dalawang lalaki. Medyo madilim ang bahagi ng kalsada. May pailan-ilang dumadaan pero walang mga pakialam. Itutuloy niya na sana ang paglalakad subalit di niya na maatim ang hiyang nararamdaman sa sarili. Nasaan ang prinsipyo niyang magligtas kung bawat makitang mali ay magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan siya.
Tumawid siya upang subukang awatin ang mga lalaki.
"Ano bang problema mo?!" galit na sambit ng isa sa mga dalagita. Mas maganda at maputi ito.
"Ano bang ayaw mo sa akin ha?! Ba't mo ako binasted?! Pasalamat ka nga ay niligawan pa kita!" wika ng tila lasing na lalaki na sinusuportahan lamang ng ngingisi-ngising kasama.
BINABASA MO ANG
THE AWESOME HEIRESS Road to Ambition
ActionGreat parents doesn't always mean great children. Some are lucky to become even greater... but there are those who shed blood just to achieve a piece of what their parents had. THE TALE OF CASSANDRA MARLENE MONTEVERDE BOOK 1