Chapter 24

27.8K 1.6K 682
                                    


Nakasandal sa puno at nakahalukipkip si Dominic habang tinatanaw ang mga kadeteng nagro-rope climbing sa isa sa pinakamataas na gusali ng academy. Umangat ang kanyang likuran nang si Cassandra na ang umaakyat. Nahirapan itong lumambitin pero nagagawa pa ring balansihen ang katawan. Nakaakyat ito nang hindi humihinto sa kalagitnaan at maging ang pagbaba ay nagawa rin nito nang tama bagamat may kabagalan pa rin kumpara sa iba.  Lumapit siya sa hanay ng mga nakababa ng kadete. Napangisi siya sa nasaksihan. Ito ang unang pagkakataong tila hindi kabado si Cassandra sa ginagawa. Wala siyang nabakas na mga pag-aalinlangan sa mukha nito. Sa mga nakaraang training, kaya madalas itong nahuhuli dahil masyado nitong ina-anticipate ang level ng abilidad. Hindi instinct ang pinapagana kundi ang pagdududa kung kakayanin ba o hindi ang drill.

Ligtas na nakaapak ang mga paa ni Cassandra sa lupa. Pagbitaw niya sa lubid, hinanap agad ng mga mata niya si Dominic. Sumaludo siya dito upang ipahiwatig na natapos niya na ang naturang drill. Seryoso ang kanyang mukha ngunit sa kanyang kaloob-looban ay nagtatalon sa tuwa ang kanyang puso. Di siya makapaniwalang nagawa niya ang drill sa isang subukan lamang.

Tiningnan lang siya ni Dominic. Alam niyang imposible pero umaasa siyang sana masabihan siya ng 'good job' ngunit kahit simpleng pahiwatig na tango ay di nito ginawa.

"2nd class Buenaventura, sino yung mga natagalan ang oras?" tanong ni Dominic sa tagalista at tagatingin sa timer.

Tinawag isa-isa ng 2nd class cadet ang mga pangalan niyon at kasama doon si Cassandra. Pinull-out ni Dominic ang mga tinawag at dinala sa gapangang putikan na may nilulusutang alambre. Pinagapang niya ang mga kadete sa putikang may apatnapung metro ang haba. Binigyan niya ng tig-dadalawang minuto upang tapusin ang drill. Pinapaulit ang sinumang lumampas sa oras hangga't di iyon natatapos sa loob ng dalawang minuto.

Sa unang sabak ni Cassandra ay inabot siya ng dalawang minuto at labing isang segundo. Ang pangalawa ay inabot na lamang ng isang minuto at limampu't limang segundo.

Hindi ulit makapaniwala si Dominic. Patay malisya siyang lumapit sa kinaroroonan ng babae. Nakaupo ito sa lupa at humahangos pa rin habang seryosong pinapanood ang mga kasamahang pinapaulit mag drill. Sa labing limang kadeteng pinull-out niya sa rope climbing drill, panglima si Cadette Monteverde sa mga naunang nakatapos sa barbed wire crawl. Dapat ay huling drill na nila sa araw na yun ang rope climbing pero naisipan niyang dagdagan ang training ng mga hindi pa rin kagalingang kadete. Isa pa ay gusto niyang makumpirma kung nakatsamba lang si Cassandra sa rope climbing.

Panakaw na tiningnan niya ang putikang mukha nito. Hinahanapan ng galos o sugat. Nakakapagtaka na nakadalawang ulit lang ito sa paggapang at wala pa siyang makita ni kaunting galos samantalang noong huling beses nilang ginawa ang drill na iyon ay sinugod niya pa ito sa infirmary. Hindi niya na rin ito naringgan ni isang pag-aray buong araw.

Pagkatapos ng naturang drill ay tinipon-tipon niya ulit lahat ng mga kadete pati na yung mga naiwanan sa rope climbing. Pinatakbo niya ng tatlong ikot sa academic oval saka dinismiss.

Nang magkahiwa-hiwalay ang mga kadete, nakipag-unahan si Cassandra sa banyo ng mga babae pero nakita niya sina Kyla at Melanie na nasa bandang hulihan ng pila kaya nagpahuli na rin siya. Mas gusto niyang makasabay ang mga iyun para kahit papaano ay may makausap siya kahit ilang sandali. Halos maghapon siyang natuyuan ng lalamunan dahil sa init at sa hindi pagsasalita sapagkat dobleng sineryoso niya ang mga drill buong araw. 

"Ang tagal naman nina Cadet Funtanar," maingat na maingat na bulong ni Kyla.

"Hindi marunong sumunod sa oras na fifteen minutes lang kada batch," bulong din ni Melanie.

"Psst. May makarinig sa inyo," saway niya subalit sa kanyang isipan ay kutob niyang sinasadya ni Zeline na matagalan dahil alam nitong sila na ang kasunod. Kumakalam na ang kanyang sikmura at iilang oras na lang ay tiyak na may magtatawag na papuntang mess hall.

THE AWESOME HEIRESS Road to AmbitionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon