Hope for the best but expect for the worst. Yan ang bagong paniniwala ni Cassandra. Wala siyang kasiguraduhan sa mga mangyayari sa buhay niya sa loob ng akademiya. Ang tanging ipinapaalala sa sarili ay maging handa lagi. Itinuturing na isang malaking surpresa ang bawat araw na darating.Araw ng Reception Rites. Nakahilera ang mga bagong kadete sa malawak na ground oval ng academy. Lahat nakabihis ng puting t-shirt at maong na pantalon. Mga nakatayo nang tuwid na tuwid sa gilid habang nakaharap sa entablado kung saan naroroon ang mga panauhing pandangal na may mga matataas na katungkulan. Karugtong ng entablado ay isang maliit na bukas na auditorium kung saan nakaupo ang mga nanonood na kamag-anak at kaibigan ng mga kadete. Sa gitna ng malawak na oval ay merong nagdidrill exhibition. Binubuo ito ng apat na platoon ng mga nakadrill uniform na upperclassmen.
Sa kabila ng halos mahigit isang oras nang pagkakabilad sa araw at nanatiling nakatayo, walang maramdaman ni hibla ng pagod si Cassandra. Walang reaksiyon ang mukha ngunit sa loob ng isipan ay manghang-mangha sa mga pulutong na nage-exhibition sa harap nila. Bagamat binubuo ng maraming kadete ngunit bawat martsa, galaw ng rifle at liko ng katawan ay tila iisang tao lamang ang gumagalaw. Hinahagis ang rifles sa ere at sabay-sabay na lumalapag ang sandata sa mga kamay. Walang nauuna at walang nahuhuli. Nangarap na naman siya. Balang araw mapapabilang din siya sa pulutong na iyun. Lahat ng pwedeng gawin sa loob ng akademiya ay sasalihan niya. Pagbubutihan lahat, mahirap man o madali.
Natapos ang drill exhibition, kasunod nito ay humanay ang mga limang pulutong ng mga upperclassmen na nakaregular na uniporme lamang. Sumaludo sa mga matataas na opisyal sa entablado. Tumayo ang guest speaker at malugod na humakbang patungo sa mikropono.
Habang nagsasalita ang panauhing may mataas na katungkulan sa pulisya, tahimik na nakaupo lamang si Dominic sa hanay ng mga nanonood na kamag-anak at mga kaibigan. Nasa nagsasalita ang tenga ngunit nakapako ang mga mata sa direksiyon ni Cassandra. Kahit may kalayuan ang dalaga, pilit niyang sinisipat ang hitsura nito. Kumukuha ng senyales kung handa ba ang kalooban nito sa mga mangyayari.
"Pwede ba kaming maupo dito?"
Nagulat sya nang makilala ang boses. Patay malisyang inalis niya ang pagkakatitig sa direksiyon ni Cassandra.
"Ma'am Alex!" agad-agad siyang tumayo. Mas lalo siyang nagulat nang makitang kasama rin ang Chairman ng Golden Pacific. "Mr. Monteverde!" mabilis na yumukod siya't nakipagkamay. Unti-unting nabawasan ang sigla sa mga mata niya nang madako ang paningin sa isa pang kasama. "Hi pare," pakikipagkamay niya kay Harry nang may pilit na ngiti.
"Can we sit here?" tukoy ni Alex sa mga katabing bakanteng silya.
"Yes ma'am!" sabay tingin ni Dominic sa direksiyon kung saan nakaupo ang mga bisitang VIP. "But if you want you can sit there," turo niya.
"Dito lang kami. We're here as parents not as guests," sagot ni Alex.
"Will you be fine here Mr. Monteverde?" nag-aalalang tanong ni Dominic sa chairman na nasa mga kadete na agad ang mga mata upang hanapin ang anak.
"No problem," sabay tila wala sa sarili itong naupo at dagling sumilay ang ngiti nang mamataan si Cassandra.
Naupo silang apat sa isang hilera. Napagitnaan ng dalawang binata ang mag-asawa, katabi ni Alex si Dominic at si Blake naman ay si Harry. Tila kalmado lamang si Alex subalit bakas sa bilog ng mga mata ang tonetoneladang kaba. Maya't maya itong napapabuntong hininga. Si Blake naman ay maaliwalas ang reaksiyon. Panaka-nakang napapangiti habang nakatitig sa direksiyon ng anak. Kita sa mukha na ipinagmamalaki ang simpleng narating ng kanyang panganay. Isang amang masaya para sa pangarap ng anak. Si Harry naman ay tahimik ngunit halatang di mapakali. Maya't mayang napapakagat ng labi at napapakuyakoy ng mga paa. Nakikipagkumpitensiya kay Alex sa padamihan ng buntong-hininga.
BINABASA MO ANG
THE AWESOME HEIRESS Road to Ambition
ActionGreat parents doesn't always mean great children. Some are lucky to become even greater... but there are those who shed blood just to achieve a piece of what their parents had. THE TALE OF CASSANDRA MARLENE MONTEVERDE BOOK 1