Chapter 23

114K 3.6K 2.9K
                                    

Di mapakali ang leeg ni Harry sa maya't mayang paglingon sa paligid. Magkasama sila ni Natalie na nakaupo sa lobby ng  main academic building ng PNPA. Open area iyon kung kaya't kita ang mga dumadaan. Nakaharap ang gusali sa isa mga pangunahing kalsada sa loob ng akademya. Bukas ang eskwelahan sa mga outsiders tuwing weekend. Pwedeng gumala saan man maliban sa area ng barracks at training field ng mga kadete. 

Tatlong linggo nang nasa loob ng ekwelahan si Cassandra. Di sanay si Harry na wala siyang balita tungkol sa kaibigan nang ganoon katagal kung kaya't andun siya para magbakasakali na makita ang babae.

"Harry matagal pa ba tayo dito?" inip na tanong ni Natalie.

"Sandali na lang," sagot niya. Napapalingon agad siya tuwing may napapadaang mga kadete ngunit nadidismaya din agad kapag hindi doon kasama si Cassandra.

"Sabi mo dadaan lang tayo saglit. We've been here for an hour," ani Natalie.

"Ten minutes na lang."

Tumugon nang malalim na buntong-hininga ang girlfriend. 

"Sorry andito na rin lang tayo baka pwedeng mag-abang pa tayo ng kaunting minuto," pakiusap niya.

Kumabog ang kanyang dibdib nang biglang may matanaw na papalapit na pulutong ng mga kadeteng pulos putikan ang suot na puting t-shirt. Tumatakbo sila habang nanatili pa ring nakaayos ang formation. Napangiti agad siya nang makita si Cassandra na nasa unahang hanay. Halos hirap siyang makilala ito. Bukod sa madungis na hitsura, malaki rin ang iniitim ng balat ng kaibigan.  

"CASS!" sigaw niya nang may malapad na ngiti. Sabik na sabik na kumaway siya sa direksiyon ng mga kadete.

Sa kabila nang malakas na tawag ay hindi siya narinig ng kaibigan. Hindi ito lumingon. Wala ring naging reaksiyon ang mukha subalit napansin niyang dagling gumilid ang bilog ng mga mata patungo sa kanya. Nakangiting hinabol niya ito ng tingin hanggang sa tuluyang maglaho ang mga tumatakbong kadete. Biglang sumigla ang buong katawan niya. Nawala ang lahat ng mga pag-aalala niya. Saglit mang nasilayan ang kaibigan ay kuntento na siya. Sapat nang malaman na malakas ang pangangatawan nito at nakakatakbo pa rin nang maayos.

"Pwede na ba tayong umalis ngayon?" lukot ang mukhang bigkas ni Natalie sabay tayo. Mabilis at malalaki ang mga hakbang na naglakad patungo sa parking lot. 

Sinundan agad ni Harry ang nagtatampong kasama. Kahit galit ang girlfriend di pa rin nabawasan ang saya niya.

"Huwag na tayong pumuntang Tagaytay!" galit na sabi sa kanya ni Natalie.

"Bakit naman?" taka niya. Papunta talaga sila ng Tagaytay. Naisipan niya lang dumaan sa PNPA tutal on the way naman ito.

"Siguro excuse mo lang yung pagpunta ng Tagaytay ang totoo ay gusto mo lang talagang puntahan si Cass! Ginamit-gamit mo pa ang date natin!" 

"I agree to go with you kasi sabi mo gusto mong magpalamig sa Tagaytay," litong sagot niya. 

"No! Ang sabihin mo nakakita ka lang ng opportunity para puntahan si Cassandra!"

"Ano bang mali kung dumaan tayo dito tutal on the way naman to sa pupuntahan natin?" malumanay lang ang salita niya. "Masama bang naisin na makita ang bestfriend ko na ilang linggo ko nang hindi nakikita? She's also your friend, don't you wish to see her too?"

"Kung maghihintay din lang ako ng ilang oras at masisira ang ibang mga nakaplano ko siguro iisipin ko na sa ibang araw na lang. Pero ikaw pinamukha mo na naman sa akin na hindi ako ang priority mo. Pagdating kay Cassandra, binabalewala mo ang lahat basta para sa kanya! Kagaya ngayon, sinayang mo ang oras na sana ay nakapamasyal na tayo!"

THE AWESOME HEIRESS Road to AmbitionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon