Mapabata man o matanda kapag pumasok sa anumang eskwelahan ang unang hinahangad ay magkaroon ng bagong kaibigan. Sa isang police academy maaring matuto kang maging robot sa kilos, pananalita at pag-iisip subalit hindi pa rin pwedeng turuan ang puso sa kung ano ang dapat nitong maramdaman. Gaya ng naramdaman ni Cassandra sa kapwa kadeteng nagligtas sa kanya sa parusa at ganun din ang naramdaman sa kanya ng kadeteng napili niyang bigyan ng sapatos. Pagdating sa pansamantalang tinutuluyang barracks at sa kabila ng mga haharaping tensiyon, mas pinili nilang aliwin ang sarili sa pamamagitan ng paghahanap ng bagong kaibigan."Hi! Ako si Cadette Cassandra Monteverde. Salamat kanina ha," pabulong na pakikipagkilala ni Cassandra sa babaeng nagkataon namang katabi niya ang higaan.
"You're welcome. Sabi nga nila dito daw one for all, all for one dapat," bulong din ng babae. " Ako si Cadette Melanie Jacinto."
Ngumiti si Cassandra at nanahimik muna ng ilang saglit upang lagyan ng kaunting patlang ang pakikipag-usap. Nakakahiyang mag-ingay sapagkat halos lahat ng mga kasama niya sa silid ay tahimik at pulos abala lamang sa pag-aayos ng mga gamit.
Apatnapu't anim ang mga kadeteng babae. Magkahiwalay ang barracks ng babae't lalaki. Ang kanilang pansamantalang tinutuluyan ay mga lumang barracks na nakalaan lamang sa mga baguhang kadeteng magsisimula pa lamang ng summer training. Ang silid ng mga babae ay may nakahilerang dalawampu't limang bunk bed. Isang metro ang pagitan ng bawat higaan at sa tapat ng bawat higaan ay ang kani-kanilang mga aparador na sapat lamang ang laki para sa mga baon nilang gamit.
"Cadette Monteverde ako naman si Cadette Kyla Santiago. Salamat sa binigay mong sapatos ha. Ang dami naming nagtaas ng kamay tapos ako ang pinili mo. Salamat talaga," mahina at nakangiting bigkas ng babaeng may mahabang buhok, morena, nasa 5'6" ang taas at kahit sa simpleng suot ay bakas ang magandang hubog ng katawan. Maganda at pilipinang-pilipina ang hitsura. Labing-walong taong gulang. Pangarap sanang maging flight stewardess subalit dahil ipinanganak sa napakahirap na pamilya, naghanap ng paraan para makapag-aral ng libre.
"You're welcome," tipid na sagot ni Cassandra sa babaeng kahati niya sa bunkbed. Sa taas ito at sa baba naman siya. Hindi niya na binanggit ang dahilan kung bakit niya ito pinili. Hindi siya nagsisisi sapagkat nang aksidenteng makita niya ang iba pa nitong dalang mga sapatos lahat luma na rin at tila hindi na tatagal sa matitinding training.
"Alam mo kilala na kita. Ikaw yung nakaperfect sa admission test. Ang tali-talino mo naman. Siguro ikaw ang magiging top sa batch natin," ani Melanie. May punto ang pananagalog sapagkat laking Zamboanga. Hanggang tenga ang buhok. Halos kasing tangkad lang ni Cassandra. Dalawampu't isang taong gulang. Katamtaman subalit siksik ang pangangatawan. Medyo panlalaki ang wangis ng mukha. Dahil sa kinalakihang gulo sa Mindanao, nangarap maging sundalo o pulis upang makaambag sa kapayapaan ng kanilang bayan.
"Hindi lang naman academics yung basehan pati na rin sa performance sa mga trainings," malumanay at mapagkumbabang sagot ni Cassandra.
Biglang nanahimik, tumigil sa ginagawa at tumayo nang tuwid ang lahat nang may pumasok na dalawang babaeng upperclass. Kasunod ng mga ito si Dominic. Napalunok si Cassandra nang makita ang binata. Patay malisyang inilihis niya ang tingin sa ibang direksiyon. Tumayo sa harapan ang lalaki at matigas ang mukhang tiningnan lahat ng mga kadete mula sa kaliwa patungo sa kanan.
"I am instructor and training officer Dominic Lord Carvajal. I'll be the one in-charge for the overall supervision of new cadets. Meron pa kayong dalawang araw para makapag-relax nang kaunti at i-familiarize ang inyong mga sarili sa loob ng academy. You can roam around but you can't go outside the vicinity of the academy. Hindi kayo pwedeng maglakad-lakad nang mag-isa, it's either you go out in group or with a companion. Bukas ang cadets-parents orientation day at sa darating na lunes naman ang Reception Rites. That's when your official training starts. Starting that day you will be no longer considered as civilians. I will be carefully watching your actions. You follow the rules, you'll be fine. You don't, you'll be punished. Things will always be as simple as that. Understand?!"
BINABASA MO ANG
THE AWESOME HEIRESS Road to Ambition
ActionGreat parents doesn't always mean great children. Some are lucky to become even greater... but there are those who shed blood just to achieve a piece of what their parents had. THE TALE OF CASSANDRA MARLENE MONTEVERDE BOOK 1