Nangangati ang mga paa ni Cassandra magpuntang shooting range. Bitin pa ang mga kamay niya sa pinahawak na mga baril ng kanyang Tito James. May kulang, kailangan niyang kalabitin at paputukin.Dumaan siya ng gasolinahan. Nagpa full tank at pagkuway excited na pinaandar ang kotse. Nagpatugtog ng malakas at sinabayan ang kanta. Inapakan ang gas at tumakbo ng mabilis. Marami siyang gustong puntahan at gawin hanggang sa mapagod. Susulitin niya ang pansamantalang kalayaang regalo sa sarili. Sapagkat bukas o makalawa, iba na ang magiging buhay niya.
"Whoah! Feel free Cass!" sigaw niya habang lalo pang pinalakasan ang tugtog. "Oh yeah! I love my life!"
Binawasan niya lamang ang takbo nang papalapit na siya sa shooting range. Mabilisan niyang pinarada ang sasakyan sa tapat nito. Pagbaba ay ilang saglit munang inikutan ang kotse upang siguraduhing hindi niya ito nagalusan mahirap na baka malagot siya sa kaibigan. Papasok na siya ngunit bigla siyang napahinto nang mapansin ang isang nakaparadang adventure motorcycle. Napakunot siya nang noo at napatingin sa kanyang mga kamay. Naalala niya ang motor na nagtapon sa kanya ng band-aid. Kaparehas na kaparehas ng nakaparada. Hindi niya lang nabasa ang plate number dahil mabilis ang takbo. Kumibit balikat siya, nagkataon lang na magkaparehas kaya niya naalala pero tiyak niyang isa yun sa mga inutusan ng Daddy niya.
Itinuloy niya ang pagpasok sa loob. Pumili ng marerentahang baril. Kumuha ng G17 at bumili ng madaming bala. Magpapakasawa siya sa pagpapraktis.
Excited siyang pumasok sa firing lane. Inilapag ang gamit sa mesa para magsuot ng eye at ear protector. Natigilan siya nang may kakaibang naramdaman sa katabing mesa. Napatingin siya at agad na napalunok nang makilala si Dominic. Seryoso itong nagkakarga ng bala habang nakatingin sa baril. Bigla siyang nataranta. Di malaman kung ano ang unang gagawin, sasaludo o simpleng babati lamang. Nag-alangan siyang sumaludo dahil di pa naman siya lehitimong kadete baka isiping masyado siyang assuming. Kung babatiin niya ay hindi rin pwede dahil bawal nga na siya ang unang makikipag-usap. Napaigtad siya sa pinaghalong gulat at nerbiyos nang mapatingin ito sa kanya. Ilang saglit siya nitong tiningnan nang lukot ang noo, animong nagtatanong kung ano na naman ang ginagawa niya doon. Tumitig din ito sa kanyang buhok. Dahil di alam ang dapat gawin, wala sa sariling niyukuran niya ito.
Hindi nito pinansin ang paraan ng pagbati niya. Bumalik ito sa seryosong pagkakarga ng bala. Sa tindi ng nararamdamang pagkaasiwa, naisip niyang umalis na lamang at maghanap ng ibang firing range. Pero naisip niyang sayang ang pagkakataon na masaksihan ulit ang galing ng lalaki. Mas mabuti pang lunukin niya ang kahihiyan kesa pakawalan ang isa pang pagkakataong matuto. Patay malisya niyang kinargahan ng bala ang hawak na baril. Nagkunwaring abala sa sariling gamit hanggang sa unti-unti siyang may napagtanto. Kay Dominic kaya ang motorsiklo sa labas? Kung sa kanya yun ibig bang sabihin ay... Ilang segundo siyang napanganga, nilingon niya ang pwesto ni Dominic ngunit wala na ito doon. Tumingin siya sa firing lane at nasaksihang nagpapakawala na ng putok ang binata. Lalong lumaki ang pagkakanganga niya nang mapanood na naman ang kahusayan nito. Tila nakikisabay sa lakas ng bawat putok ang kabog ng kanyang puso sa tindi ng paghanga sa mga asintadong tira nito. Nasarapan siya sa panonood hanggang sa nakalimutan ang unang dahilan kung bakit niya ito tiningnan.
Natauhan lamang siya mula sa pagkamangha nang matapos nito ang isang round. Dali-dali siyang bumalik sa ginagawa at tinapos ito. Pupuwesto sana siya sa lane kung saan may mga agwat na tatlo o apat na lane mula kay Dominic para di nito makita ang resulta ng mga tira niya kaya lang pag ginawa niya yun, hindi niya naman mapapanood ang kahusayan ng lalaki. Napagdesisyunan niyang tumabi na lamang sa lane nito. Di bale nang masaksihan ang kanyang kapalpakan tutal naumpisahan niya na rin naman lunukin ang pride niya. Training officer ito ng academy. Mabubuking at mabubuking nito lahat ng kahinaan niya pagdating ng oras.
BINABASA MO ANG
THE AWESOME HEIRESS Road to Ambition
ActionGreat parents doesn't always mean great children. Some are lucky to become even greater... but there are those who shed blood just to achieve a piece of what their parents had. THE TALE OF CASSANDRA MARLENE MONTEVERDE BOOK 1