It was around 2012 di ko sure yung exact month.
Niyaya ko mag roadtrip mga pinsan ko kasama ang ex ko. Nung mga panahong yun, lagi kami nasa tagaytay nagroroadtrip, foodtrip or nagpapalamig lang. Sanay na kaming lumabas ng madaling araw para pumunta ng Tagaytay gamit kotse ng mommy ko. Little did we know na may something na kakaiba ang mararanasan namin nung madaling araw na yun.Around 2 am natapos na kami tumambay sa viewsite. After kumain nagkayayaan pumunta ng People's Park. Hindi naman namin first time pumunta dun pero first time namin pupuntahan yun ng madaling araw. Kahit na alam kong sarado pa yun, tinuloy ko pa rin magdrive papunta doon. So ang setup is ako nagdadrive, katabi ko ex ko sa harap and tatlong pinsan ko sa likod. So nasa daan na kami papunta ng People's park (yung daan na papuntang Tagaytay Highlands) nagpapatugtog ng malakas na music, nakababa mga bintana ng sasakyan habang kumakanta ng malakas at sinasabayan ang pinapatugtog na music. Yung isang pinsan ko pala di na kinaya at natulog na. Kaya apat nalang kaming nag-iingay sa sasakyan.
Tapos laking gulat ko nang may nakita akong malaking aso na itim nakaupo sa gitna ng daan. Upong tao yung pagkaupo nung aso. Kasing laki din ng tao yung aso pero aso talaga yun. Tinuro ko sa mga kasama ko at nakita din nila at nagulat. Pero tuloy pa rin ako nagdrive at binalewala lang namin yung nakita namin. Maya-maya konti, yung pinsan kong isa na nakaupo sa may bintana, biglang sinabi, ""Isara niyo na yung bintana. Iba na nararamdaman ko."" Agad ko namang sinunod kasi parang iba na nga yung aura. 'Di rin ako nagdalawang isip na sundin siya kasi laking probinsya siya sanay sa mga kababalaghan. Yung isang pinsan ko parang ayaw pa maniwala at tinatawanan pa kami pero iba na yung pagkatahimik namin, kaya natahimik na rin siya. Yung isa ko pang pinsan naman tulog na tulog pa rin. Nung sinara ko yung bintana, nagmomoist yung windshield at mga bintana namin kaya parang naging low yung visibility pero tuloy pa rin ako sa pagdadrive.
Wag daw ako titigil sabi ng pinsan ko. Mga ilang minuto ang lumipas, sabi ng pinsan ko, ""Inaaswang tayo. Maglagay kayo ng piso sa bulsa para di kayo madala. Lakasan niyo loob niyo. Malakas tayo."" Biglang nagkaroon ng marka na hugis kamay sa tapat ng bintana na dahil nagmomoist, kitang kita yung hugis at dahan-dahang lumalaki na para bang kinalmot. Nung nakita nung pinsan ko na hindi naniniwala, bigla niyang sinabing, ""Iba na nga 'to. Naniniwala na 'ko."" Tapos sa isang kurbada na pakaliwa, may poste ng ilaw dun na puti, pagkadaan na pagkadaan namin, pumutok yung ilaw at napansin namin bago nangyari yun, parang may malaking itim na lumilipad sa taas namin. Malakas yung pagkakaputok ng ilaw pero nung nakalampas na kami, pagtingin ko sa rearview mirror, parang di naman nawala yung ilaw. Doon na namin na realize na nililigaw na kami ng aswang dahil puro kaliwa na yung daan namin. Maya-maya, may sumulpot na nagmomotor sa likod namin. Naka helmet siya na buong ulo sakop tas itim yung takip kaya wala ka makikitang mukha. Nakabuntot lang siya sa amin. Ayaw niya mag-overtake kahit na sobrang luwag naman yung daan at ang bagal lang ng takbo ko nun. Kinakabahan na rin ako at nagdasal na sana walang mangyari at biglang nawala yung motor pagtingin ko sa side mirror.
Nakarating na kami sa baba ng People's park pero na aninag ko na may gate na nakaharang sa daan na pataas. Inisip na namin na bumalik na at agad-agad kong ni-U-turn yung sasakyan. Napakalawak nung daan pero yun ata yung pinakamatagal ko na pag U-turn ng sasakyan sa buong buhay ko. Yung tipong napakabigat nung manibela parang walang power steering o parang may pumipigil sa akin. Nilalaban ko yung takot dahil alam ko na pag nahuli niya loob ko, lahat kami makukuha niya kaya nilakasan ko ang loob ko na magfocus sa pagdadrive at nagdasal na makauwi kaming ligtas. Nung nasa daan na ulit kami pabalik, lumabas nanaman yung nakamotor ganun pa rin, hindi siya nag-oovertake. Parang sinusundan lang talaga kami. Tapos bigla nanaman siyang nawala. Ngayon, yung daan namin puro kaliwa pa rin pero kahit nililigaw kami at patuloy na nagmomoist yung windshield kahit ilang punas namin tuloy pa rin ang pagbaba ng visibility ko sa daan kaya pinilit naming makabalik sa rotonda.
Mga bandang 4:30am nakarating na kami sa Rotonda sa may Tagaytay at nagpahinga sa may 7-11. Laking pasasalamat naming lahat na ligtas kami at buhay. Yung isa kong pinsan, walang kamalay-malay kung ano nangyari dahil tulog na tulog siya pero pag gising niya, pawis na pawis siya kahit sobrang lamig naman sa sasakyan. Sabi nung pinsan ko, ""Balikan natin yung lugar na nakita natin yung aso. Nabulabog natin yun humingi nalang tayo pasensya at magdasal."" So mga 6am bumalik kami dun at nagdasal. At pagkatapos nun, may nakita kaming dalawang asong itim at puti na nasa gilid ng daan na parang galing sa isang maliit na lumang bahay doon. Simula noon, naging maingat na kami sa daan pero tuloy pa rin ang pagroroadtrip namin at patuloy pa rin ang nararanasan naming mga kababalaghan.
PS. After 3 or 4 years, (di ko maalala kung last year ba or this year lang) nabalitaan namin yung nangyari sa mga batang lumabas ng madaling araw. Yung tinakas yung kotse at nagroadtrip din pero nasawi sila lahat dahil nabangga sila at nasunog. Di na rin kami nagulat kung saan yun nangyari. Dahil yung daan na yun, yung daan din na kung saan kami naaswang. Marami rin daw nakakakita dun sa aso sa may daan at isa na rin ako sa nagsasabing totoo nga yun.
Nakakalungkot lang at 'di sila nakaligtas. Kung alam lang siguro nila yung dapat gawin ay di sana nagyari yun. Swerte nalang kami nandun yung pinsan ko at alam niya yung dapat gawin pag may aswang.
Kaya mag-ingat tayo sa daan lagi.
"Di natin alam kung ano bigla ang susulpot."
-End-

BINABASA MO ANG
Spookify Stories
HorrorMga kwentong nakakakilabot, kababalaghan, base sa katotohanan. Source: Spookify ©SpookifyOfficial