Labing-isa

1.1K 19 0
                                        

Ilang araw na yata akong nandito't nakatali na parang isang hayop. Mahina na ang aking pangangatawan dahil sa gutom at uhaw. Ang aking lalamunan ay tuyo't hirap na hirap na akong makapagsalita, at pawis na pawis na ako dahil sa init. Hirap din akong makakita dahil madilim ang silid na ito.

Ito na ba ang aking katapusan? Si Arro na ba ang aking kamatayan? Kung ganoon ay wala na akong magagawa. Ipagpapa-Diyos ko na lang ang aking kahahantungan. Kung ano man ang aking mga nagawang kasalanan ay mapatawad sana ako. Siya na sana ang bahala sa aking pamilya.

Pamilya...

Napaiyak na naman ako nang maisip ko sila. Kung may ginagawa man ako rito, iyon ay ang umiyak. Umiyak dahil sa sitwasyon ko. Umiyak dahil nahihirapan na ako. Umiyak dahil mukhang malabo ko nang makapiling muli ang aking pamilya. Sina Carlo, Cathy, at Inay... mamimiss ko sila. Sobra.

Ano na kaya ang nangyari sa kanila? Umiiyak kaya si Inay dahil nawawala ako? Sana'y maging malakas sila para sa akin. Huwag sana akong maging dahilan ng kanilang kalungkutan. Dahil sa tuwing naiisip kong nalulungkot sila at nasasaktan, parang tinutusok ang puso ko. Kung masasaktan man sila, gusto ko ako na mismo ang sumalo nito upang wala na silang maramdaman pa.

Ngunit kung bibigyan man ako ng pagkakataong makatakas dito, pangako ko na aalis kaming pamilya sa lugar na ito. Malayong-malayo rito. Kahit malabong matakasan ang mga Azano, gagawin ko. Para sa kaligtasan ko at ng pamilya ko.

Kahit nanghihina, sinubukan kong alisin ang mga kadena sa aking mga pulso. Ngunit kagaya kanina, nagdurugo lang ang mga ito. Manhid na ang katawan ko upang maramdaman ang sakit. Wala na akong pakialam kung maligo man ako sa sarili kong dugo—basta't makatakas lang ako sa lugar na ito, lahat ay titiisin ko.

Pero kahit anong gawin ko, mukhang malabo akong makatakas rito. Ni bintana'y wala. Tanging kama at isang mesa lang ang naririto.

Bakit nga ba ako narito? Bakit nagawa sa akin ito ni Arro? Kahit anong himay ko sa aking utak ay wala akong makitang dahilan upang gawin niya ito sa akin. Wala akong kasalanang nagawa sa kanya o kahit kaninong tao.

Kaya't bakit niya ako kinulong?

Nagulat ako nang bumukas ang pinto. Isang bulto ng lalaki ang pumasok. Kaagad kong naamoy ang mahalimuyak nitong amoy panlalaki. May hawak itong isang plastik na sa tantya ko'y pagkain.

Nasilaw ako sa liwanag nang buksan niya ang ilaw. Tiningnan niya ako saglit bago lumapit sa mesa at inilapag ang plastik na kanina'y hawak niya. Naramdaman ko ang paglundo ng kama na aking hinihigaan.

"P-pakawalan mo ako! Hayop ka, Arro!" Napahagulgol ako habang binibigkas iyon. Gusto ko nang makita ang pamilya ko. Baka kung ano na ang nangyari sa kanila.

"Don't shout at me. Dahil hindi mo magugustuhan kapag nagalit ako," mariing bigkas nito. Ang itim na itim niyang mga mata ang nagsasabing napakapanganib niya. Ngunit kung makikita niyang takot ako, baka lalo niya akong kawawain. Kaya't kahit takot ako sa kung ano man ang maaari niyang gawin, pinilit kong ipakita ang aking katapangan.

"Ikaw pa ang may ganang magalit?! Napakawalang-hiya mo talaga! Ikaw na nga itong basta na lang akong kinulong dito nang walang dahilan!" Buong pwersa kong sigaw sa kanya.

Sinong matinong tao ang magkukulong ng isang tao nang walang dahilan?

"Ginagalit mo talaga ako, ano?!" Inilapit niya ang kamay niya upang pisilin ang aking panga. Napa-aray ako sa sakit. "Walang sino man ang may karapatang sigawan ako! Do you understand, bitch?!" Saka niya binitawan ang namumula kong panga.

Dinuraan ko siya sa mukha. "At para sabihin ko sa'yo, wala ring ni isa ang may karapatang tawagin ako ng ganyan! Wala kang alam sa buhay ko! Dahil makasarili kang demonyo ka!!"

AZANO: AbductusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon