Isa

4.4K 58 5
                                    


NAPAPATULALA ako sa tuwing nakikita ko ang puting kabaong ng aking itay kung saan siya'y nakalagak. Halos 'di ako makapaniwala na sa isang iglap lang ay gumuho ang lahat ng aking pangarap. Sa isang iglap lang nawala siya.

Nawala ang pinakamamahal kong ama.

Pinunasan ko ang tubig na nagmula sa aking mata. Hindi ko napansin napaluha na pala ako dahil sa mga nakaabang na problema.

Paano na ngayon? Paano na kami mabubuhay magkakapatid? Ang munting tricycle ni itay kung saan  kinukuha ang pang araw-araw naming gastusin ay naibenta na para pandag-dag sa panlibing nito.  Ang munting taniman ng niyogan naman ni inay ay nabagyo pa, kung kaya't ito ay nasira. Kaya saan na kami ngayon kukuha ng aming gastusin? Sa totoo nga niyan ay marami pa kaming utang na hindi pa mabayaran.
Walang tigil ang pagatak ng aking luha. Hiindi  ko na alam kung ano ang gagawin ko. Wala na ang kuya na siya sanang magtataguyod saamin gayong wala na si itay. Bigla na lang itong umalis, at ang huling balita namin rito ay may sarili na itong pamilya. Kaya't bilang pangalawang anak, ako na ngayon ang inaasahan ng aming pamilya. Ngunit saan naman ako kukuha ng trabaho? Eh 3rd year college palang ako, at sa nangyari ngayon tiyak na hindi pa ako makakapag-aral sa kadahilanang said na said na talaga kami.

"Cecilia..anak.." Lumapit ang inay kong luhaan rin. Mugto ang kaniyang mata at ramdam naming magkakapatid kung gaano niya kamahal ang itay kaya't alam ko na siya ang mas lalong nasasaktan sa pagkawala ng aming butihing ama. Makita ang inay na umiiyak, ay talagang nasasaktan ako.

Napayakap ako sakaniya at ganun rin ang ginawa niya. Hinimas-himas niya ang aking buhok upang pakalmahin ako.

"I-nay.."

"A--anak ang itay mo..wala na..'' gara

Kung ako nasasaktan sa pagkawala ni itay, malamang mas lalo itong nasasaktan. Mahal na mahal ni inay si itay, at hindi namin iyon ipagkakaila dahil nasaksihan namin ang pagmamahalan nila. Na kahit said kami sa pera, hindi ito naging dahilan para tibagin ang pagmamahalan na mayroon sila. Lagi kong nakikita ang mga magagandang ngiti nila tuwing dadako ang kanilang mata sa isat-isa at sa nangyari ngayon, mukhang malabo na namin itong makita.

"Ni hindi ko man lang naihayag sa kaniya na mahal na mahal ko siya.." garalgal na pahayag nito.

Pinakalma ko ang inay. Ito na siguro ang isa sa pinakamalungkot na pangyayari sa buhay ko. Ang makitang wala na si itay, at ang makitang malungkot si inay.

"Paano na ang pagaaral niyo nila Cathy at Carlo? Mukhang hindi na magkakasya ang pagtitinda ko ng mga kakanin. Nasalanta pa ng bagyo ang punong niyog natin. Dyusko! Ano bang nangyayari sa amin." Humagulgol pa nang napakalakas si inay.

" 'Nay 'wag na po kayong umiyak. Baka atakihin na naman kayo sa puso. 'Wag na po kayong mag alala at ako na po ang bahala."

'Yun pa pala ang problema, kailangan pa ng gamot ni inay para sa sakit niya sa puso. Kaya't kailangan ko na talagang makahanap ng trabaho. Kahit na tagawalis lang ng kalsada basta't may trabaho at may maipapakain ako sa aming pamilya, lahat ng klase ng trabaho gagawin ko. At kahit pa kamo gawin kong umaga ang gabi ay gagawin ko para sa ikakabuti namin.

"Inay...Ate.." Napatingin kami kay Carlo. Ang pangatlo kong kapatid. Second year college na siya. At ayokong huminto ito sakaniyang pag aaral. Mas mabuti ng ako na lang muna ang magpaubaya para sakan'ya.

"Wala pang balita anak?" Tanong ni inay rito. Namumula na  ang ilong at mata nito at bakas na rin ang labis na pagod sa kaniyang mukha.

"Nay, magpahinga na po kayo at ako na lang po ang magsasabi sa inyo mamaya." Dahan-dahan itong tumango sa amin, at bago umalis ay pumunta muna siya sa kabaong ni itay at nakita ko na naman ang pag-alog ng balikat nito, senyales na umiiyak na naman siya.

"Cathy..Ang inay.." Pinuntahan ng bunso kong kapatid si inay upang alalayan ito paalis roon. Nang mawala sila sa aming paningin, ay saka ko hinarap si Carlo.

"Ate, wala pa ring balita ang mga pulis sa isa pang bangkay.." Malungkot nitong pahayag. Napapikit ako ng mariin dahil hindi ko maiwasang hindi maging malungkot para sa pamilya ng isa pang biktima na sangkot sa insidente.

Dalawang pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay. Nasawi ang itay dahil sa isang aksidente na ikinasawi rin ng isang babae lulan ng sinasakyan nitong kotse. Base sa balita na nakalap ng mga pulis, bandang alas-quatro 'y media ng hapon ng magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng isang kotse at tricycle. Nahulog sa bangin ang kotse na naging dahilan ng pagkasunog nito samantalang tumilapon naman ng ilang metro ang sinasakyan ni itay na dahilan ng pagkasawi nito. At tanging bangkay lang ni itay ang natagpuan kaya't magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap ang labi ng isa pang biktima.

"Hindi ko akalain na mangyayari ang lahat ng ito sa atin.." Nakayukong pahayag nito sa akin. Pinisil ko naman ang kamay nito at maluha-luhang tumingin rito.

Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng tao sa mundo ay sa amin pa nangyari ito. Kung bakit kay itay pa nangyari iyon, namatay si ito na isang mahirap na hindi man lang namin naiparanas ang masagana't magandang buhay na pangako namin para sa kaniya.

"Hindi ko na alam kung ano na ba ang kahihinatnan nating pagkatapos ng ito, Carlo."

"Hayaan mo,  ate at titigil na lang muna ako sa pag-aaral para makatulong ako sa mga gastusin sa bahay."  Napatingin ako dito at tila nagpintig ang tenga ko dahil sa sinabi niya.

"Huwag kang magsalita ng ganiyan! At walang titigil sa pag aaral!  Hindi mo ba natatandaan ang laging bilin ni itay? Gusto niyang tuparin mo ang pangarap niya, kaya kailangan makapagtapos ka. Kahit 'yun lang ang maging regalo natin sakaniya, Carlo. Ang maging isang ganap kang Arkitekto." Nakita kong lumambot ang ekspresyon ng mukha nito at tumango na lang sa akin.

Naalala ko noong mga panahon na laging sinasabi ni itay na gusto niya na maski isa sa mga anak niya ay maging isang ganap na arkitekto balang araw, dahil iyon ang isa sa mga pangarap niya. Samantalang si inay naman ay pinangarap na maging chef dahil talaga nga namang masarap itong magluto na aking namana, kaya ngayon ay iyon ang kursong kasalukuyan kong kinukuha. Hayskul lang kasi ang natapos ng mga magulang namin dahil na rin sa kahirapan. Kaya nga hangga't maaari ay nais naming ipagpatuloy ang mga naudlot nilang pangarap dahil batid namin kung anong hirap ang pinagdaanan nila upang itaguyod ang aming pag-aaral.

Mahirap para sa amin ang lahat ng ito, lalo na ngayong nawala na ang haligi ng aming tahanan. Kung may kakayahan lang akong hatakin pabalik ang mga oras ay gagawin ko para maibalik ang panahon na masaya at buo pa ang aming pamilya.

Pero kung nasaan man si itay, nais ko sana na maging masaya siya dahil kahit anong mangyari at kahit mag-isa lang siya doon ay mananatili naman siya sa aming mga puso. Babaunin namin ang lahat ng masasayang ala-ala na binuo namin na kasama siya.

Nangilid ang luha sa aking mga mata na agaran ko ring pinunasan gamit ang paniyong hawak ko.  Mahirap pero kailangan kong kayanin.

"Makakayanan natin ang lahat ng ito, ate.." Mapait akong ngumiti kay Carlo at malungkot kong pinagmasdan ang kabaong na nasa aking harapan at ang litratong nakapatong rito.

"Kakayanin.."  Mahinang tugon ko.


AZANO: AbductusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon