4:46 a.m., April 11, 2017.
Tinignan ko ang orasan na nakasabit sa dingding, saka ang kalendaryong nakapatong sa maliit na lamesita. Isang pulang marka ang nakabilog sa ika-labing-tatlong araw ng Marso—March 13—ang araw na tuluyan akong nawala at napalayo sa aking pamilya.
Kung tatansyahin, halos tatlumpung araw na akong narito, kapiling si Arro. Halos isang buwan na rin kung tutuusin. Hindi ko nga maintindihan kung paano ko kinayang magtagal sa lugar na ito. Sa tuwing nalulungkot ako, iniisip ko na lamang ang aking pamilya. Paulit-ulit kong itinatatak sa isip ko na habang buhay pa ako, may pag-asa pa. Na kahit anong mangyari, naroon pa rin sila—naghihintay sa aking pagbabalik, kahit gaano pa katagal. Alam kong maghihintay sila.
Isang malungkot na ngiti ang namuo sa aking labi habang nakatanaw ako sa labas ng bintana. Matatayog na gusali at walang katapusang hanay ng mga sasakyan ang aking nakikita—malayong-malayo sa kinalakihan kong puro puno at palayan ang tanawin.
Mas maayos na ang kalagayan ko ngayon. Hindi na ako nakakadena, at hindi na rin ako sinasaktan ni Arro. Laking pasasalamat ko iyon sa Diyos, dahil kahit papaano'y unti-unti nang bumabalik ang aking lakas. Naghihilom na rin ang mga sugat na aking natamo. Sana tuluyan na itong maghilom. Sana hindi ko na muling maranasan ang mga sakit na pinagdaanan ko noon.
Ngunit malinaw na malabo na akong makatakas dito. Kahit wala na ang mga kadena at malaya na akong nakakagalaw sa loob ng bahay, wala pa rin akong paraan para makaalis. Lahat ng pinto at bintana ay nakakandado—matitibay, at hindi basta-bastang masisira. Ang lahat ng matutulis na bagay tulad ng kutsilyo ay nakatago; ni isa ay hindi ko makita. Malinaw na wala talagang balak si Arro na palayain ako.
Kung ano man ang balak niyang gawin sa akin, hindi ko rin alam.
Mabuti na lamang at napapayag ko siyang maglagay ng orasan at kalendaryo, para kahit papaano'y may ideya pa rin ako sa oras at petsa.
"Breakfast?"
Si Arro ang bumungad sa akin, may dalang tray ng pagkain at isang ngiting hindi ko malaman kung paano babasahin. Pinagmasdan niya ang aking mukha, tila sinusukat ang magiging reaksyon ko. Nginitian ko na lamang siya, pilit itinatago ang aking pag-aalinlangan.
Hindi ninyo ako masisisi kung hindi pa rin ako lubusang naniniwala sa ipinapakita niya. Kahit wala na siyang ginagawang masama sa akin ngayon, nananatili pa rin ang takot ko sa kanya. Matapos ang lahat ng kanyang ginawa at ipinaranas sa akin, hindi ganoon kadaling magpatawad—o magtiwala. Hindi ko rin alam kung totoo ba ang lahat ng ito, o kung bahagi lamang ng mas malaking plano niya.
Pero aminin ko man o hindi, habang lumilipas ang mga araw, unti-unting gumuguho ang mga pader na itinayo ko upang ipagtanggol ang aking sarili. Unti-unti niyang nahuhuli ang aking puso, pinapaniwala ako sa bawat kilos na ipinapakita niya. Pinipilit kong labanan ito—para sa sarili kong kapakanan. Dahil alam ko kung ano ang maaaring mangyari kapag tuluyan akong nahulog. Ngunit hanggang kailan ko pa ito kayang labanan?
"You should eat this one, Cecilia..."
Isusubo na sana niya ang prutas na hawak niya, ngunit pinigilan ko siya.
"Kaya ko na 'yan." Inabot ko sana ito, ngunit mabilis niyang inilayo ang kanyang kamay.
"No. I insist."
Wala na akong nagawa nang isubo niya ito sa akin. Naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang daliri sa aking labi, dahilan upang mamula ang aking mukha. Pagkatapos kong nguyain ang prutas, agad akong umiwas ng tingin.
Mas lalo pang uminit ang aking pisngi nang marinig ko ang kanyang tawa. Pilit niyang hinahawakan ang aking mukha, tila gustong makita ang pamumula nito. Halatang-halata na siguro ako, dahil patuloy akong umiiwas.
BINABASA MO ANG
AZANO: Abductus
Fiksi UmumI am Arro Azano. And no one can stop me from doing anything.. especially.. Abducting her The first series of AZANO
