Kita ko ang paggalaw ng biyak sa likod ni Arro sa tuwing may kinukuha o ginagawa siya. Talagang mapapanganga ka sa kakisigan ng isang ito. Para bang hinulma ng isang magaling na eskultor—napakaperpekto ng bawat detalye ng kanyang katawan.
Narito kami ngayon sa kusina. Siya'y gumagawa raw ng fruit shake, samantalang ako nama'y nakaupo lamang at tahimik siyang pinapanood. Malayang-malaya ang aking mga mata na pasadahan ng tingin ang mapintig niyang katawan. Wala siyang suot na pang-itaas—tanging isang epron lamang at manipis na itim na salawal.
Minsan naiisip ko kung may nararamdaman ba sa akin si Arro. Dahil sa lahat ng ipinapakita niya, hindi ko naman maiwasang bigyan ng kahulugan ang bawat salitang binibitawan niya at ang bawat kilos na ginagawa niya.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Minsan na nga lang akong umibig, sa taong nagparanas pa ng sakit sa akin. Sa taong naglayo sa akin sa aking kasiyahan. Tunay nga—nagiging tanga ka sa pag-ibig. Kahit alam mong malulunod ka, susugal ka pa rin para sa kasiyahan ng iyong puso.
"The fruity shake for the beautiful lady is here!"
Namula ako sa sinabi niya. Mabuti na lamang at abala siya sa pag-aayos, kung hindi ay tiyak na pagtatawanan niya ako.
Kulay pink ang laman ng mataas na baso. May maliit itong payong sa gilid at makulay na straw. Sa tingin pa lang, mukhang masarap na.
Umupo si Arro sa tabi ko at kinuha ang kanya. Maya-maya'y tinikman niya ito at bumaling sa akin nang nakangiti.
"Try it, Cecilia."
Sinipsip ko ang straw. Agad bumalatay sa aking panlasa ang tamis at asim ng strawberry. Masarap—lalo na't may tsokolate sa tuktok at binudburan ng pinong cookies. Sakto ito sa panahon, dahil summer na.
"Oh? Bigla ka yatang natahimik. Don't you like my fruity shake for the beautiful lady?"
Bigla kong naalala si inay. Base sa kalendaryo, panahon na ngayon ng tag-init. Tuwing tag-init, buong pamilya kaming naliligo sa dagat. Sabay-sabay kaming lumalangoy hanggang sa mapagod at dumilim. Kung ngayon sana, masaya kaming nagtatampisaw kahit mainit. Kakain nang nakakamay, magkukwentuhan—kahit wala si itay...
Binalingan ko ng tingin si Arro na tahimik akong pinagmamasdan.
"Nami-miss ko lang sila, inay..." mahina kong sabi.
Ramdam ko ang saglit niyang pananahimik bago niya iniba ang usapan.
Napayuko na lamang ako habang nakikinig sa sinasabi niya. Kahit maayos na ang pakikitungo niya sa akin, hindi pa rin niya ako palalayain. Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa aking labi. Ang tibay ng sikmura kong ibigin ang isang tulad niya.
"Wala ka bang balak pumasok sa eskwelahan mo?"
Nasa sala na kami ngayon. Nasa tabi ko siya, nakataas ang paa sa maliit na mesa habang nanonood ng pelikula.
"I'd rather stay here with you," sagot niya, hindi inaalis ang tingin sa pinapanood. Para bang wala siyang pakialam kung lumiban siya sa klase at bumagsak ang grado niya. Ilang linggo na rin siyang hindi pumapasok.
"Sayang naman kung liliban ka. Baka bumagsak ang grado mo."
Bumaling siya sa akin at tumawa.
"Wala ka bang bilib sa akin, Cecilia? I can pass my grades and exams kahit hindi ako pumasok. Believe me."
Hindi na ako nagsalita at tumango na lamang. Siguro nga'y matalino siya. Wala rin naman talaga akong masyadong alam sa pagkatao ni Arro.
Itinuon ko na lamang ang pansin sa pinapanood. Wala talaga akong hilig sa bakbakan at barilan. Mas gusto ko ang mga nakakaiyak—mga kwento ng pag-ibig, o kaya'y cartoons.
BINABASA MO ANG
AZANO: Abductus
General FictionI am Arro Azano. And no one can stop me from doing anything.. especially.. Abducting her The first series of AZANO
