Hawak ang isang bote ng tubig at ang envelop na naglalaman ng mahahalagang dokyumento. Tuloy-tuloy ang paglalakad ko sa kasagsagan ng init at polusyon.
Katulad ng nagdaang mga araw, ganito ang laging routine ko: ang humanap ng mapapasukang trabaho. Pero mukhang sa lahat ng aking pinasukang kompanya, tindahan, at kainan, wala akong natatanggap.
Nais kong umupo na lang at sumuko. Pero paano ko magagawa iyon kung may dalawa akong anak na naghihintay at umaasa sa akin?
Mapait ang tadhana sa isang katulad ko. Halos lahat ng problema'y buhat ko. Paano na ang gastusin sa bahay kung ang tanging pinagkukunan ng pera ay nasunog bigla? At ngayo'y wala pa ring tumatanggap sa akin.
Pinilit kong lakarin ang siyudad upang makatipid sa aking pera. Ngunit mukhang bukas, kailangan ko ulit suyurin ang bawat daan dahil tila wala akong napala sa araw na ito.
Nakakakungkot isipin na wala akong magawa para mabigyan ng magandang buhay ang aking mga anak. Ni hindi ko sila mabigyan ng kongkretong tirahan. Awang-awa ako sa kanila dahil kinailangan ulit naming lumipat ng tahanan upang mailayo sila sa posibilidad na kapahamakan.
Masasabi bang wala akong kwentang ina? Dahil kahit pag balik-baliktarin ang mundo, ako pa rin ang may kasalanan at punot dulo ng mga ito. Dinamay ko pa ang mga anak ko na walang kamuang-muang sa mundo. Ni hindi ko nga sila mabigyan ng buong pamilya.
Kung sana...
Kung hindi sana ako nagpakatanga. Kung sa simula pa lang sana'y lumaban na ako, wala siguro kami sa sitwasyon na ganito.
Masakit isipin tuwing magtatanong sila tungkol sa kanilang ama, at wala akong masasabi. Kita ko ang pagkislap ng kanilang mga mata, ang pagmamahal na naguumapaw para sa kanilang ama. Pero paano ko sasabihin sa kanila na ni Arro ay hindi alam na narito sila at naisilang ko sa mundo? Na ang pagmamahal nila para sa kanilang ama'y balewala?
Alam kong karapatan ng mga anak kong makilala ang kanilang ama. Pero natatakot ako. Baka kagaya ng ginawa niya sa akin, ganun rin ang maranasan ng mga anak ko. Baka pag nalaman ni Arro, ilayo at kunin niya ang mga anak ko sa akin. At yun ang bagay na pinaka-iiwasan ko.
Yung araw na nalaman kong buntis ako, halo-halong emosyon ang naramdaman ko: saya, takot, at pangamba. Paano na ako? At ang magiging anak ko? Bata pa ako at walang muwang sa pagpapalaki ng isang bata. Paano sila aalagaan? Paano ipapaliwanag ang lahat? Paano ko sasabihin na ang ama ng mga anak ko ay isang AZANO—isang maimpluwensyang angkan?
Sa mga panahong iyon, isa lang ang tumatakbo sa aking isipan: palalakihin kong mag-isa ang aking anak. Hindi ko kailangan ang tulong ni Arro, at mananatiling isang lihim para sa kanya ang magiging anak namin.
Simula nang malaman nila, inay, ang katotohanang si Arro ang ama ng aking pinagbubuntis, agad kaming lumisan sa Ilocos. Nanirahan kami sa tiyahin namin sa Rizal. Doon pinagpatuloy nina Cathy at Carlo ang kanilang pag-aaral, at doon ko isinilang ang dalawang anghel ko sa aking buhay.
Limang taon na ang lumipas mula nang huli ko siyang nakita. Limang taon akong naging masaya at malaya kasama ang aking pamilya at aking mga anak. Pinilit kong maging isang mabuting ina, pinuno ko ng pagmamahal ang pangungulila nila para sa kanilang ama. At masasabi kong naging matagumpay ako.
Pero bakit kailangan pa niyang bumalik? Kung kailan masaya at kontento na ako kapiling ang aking mga anak, bakit kailangan niya pang sirain muli ang aking buhay? At nangangamba ako na baka sa panahong ito, alam na ni Arro ang tungkol sa aming mga anak. Mayaman siya at makapangyarihan. Magagawa niya at makukuha niya ang lahat ng kanyang ninanais.
At pag dumating ang panahong iyon, lalaban ako hanggang sa sarili kong kamatayan. Hinding-hindi niya mailalayo sa akin ang aking mga anak.
Pinagpatuloy ko ang paglalakad, sa bawat hakbang ay umaasa na sana ngayong araw ay may magandang mangyayari.
BINABASA MO ANG
AZANO: Abductus
General FictionI am Arro Azano. And no one can stop me from doing anything.. especially.. Abducting her The first series of AZANO
