Injuries
I was torn.
Hindi torn between two lovers, kundi torn between screaming and playing along. Yung matino pang side ng katauhan ko ay nagsasabing umiskapo na ako--- sipain siya sa bayag niya at tumakbo na ako, dahil ayoko ngang magkaroon ng record sa pulis dahil balak ko pang mangibang bansa. Pero yung malanding side ng gorgeous self ko ay nagsasabing sumama na lang ako dito kay Koya nang matiwasay at kahit bihagin niya pa ako at iposas sa sarili niya ay okay lang. Baka kasi siya na ang The One ko eh, aarte pa ba ako?
"Tara na sa prisinto, dadalhin kita sa pulis para maturuan ka na ng leksiyon!"
The One my ass. Dinaig pa ng kapeng barako ang mga salitang binitawan ni Koya sa'kin at nagising ako nang maaga mula sa pagpapantasya ko sa kanya kani-kanina lang.
Sinubukan kong alisin ang mga kamay niya sa mga braso ko pero ang higpit ng hawak niya, medyo masakit na. "Aray! Bitawan mo 'ko! Ikaw ang kakasuhan ko kapag nagkaroon ako ng pasa!"
"Wag ka na kasing mag-resist! Tara na sa pulis!" Pamimilit niya naman.
Siyempre pinandilatan ko siya. "Okay ka lang? Bakit naman ako sasama sa'yo? Paano kung budol-budol ka? Scammer? Nagtatanim ng bala? O manyakis? Shet pano kung stalker pala kita dati pa at gumagawa ka na ng paraan upang makausap mo 'ko dahil hindi mo na kayang tiisin yang urges mo para sa'kin? Oh my gosh sinasabi ko na nga ba may stalker ako! I just know it!"
Nawindang yata siya sa mga pinagsasabi ko dahil natulala siya ng ilang saglit, bago mapakamot sa ulo niya. "Ang dami mong sinasabi, Miss. Kung talagang inosente ka, sasama ka sa'kin para ma-clear ang pangalan mo!"
"Eh siraulo ka pala eh! Talaga namang inosente ako! Bakit naman ako magnanakaw ng cellphone? At nagkita na ba tayo dati para sabihin mong ako nga ang nagnakaw sa phone mo? Ngayon lang kita nakita!"
"Kung ganun, paano napunta sa'yo ang sim ko?"
Naha-high blood na 'ko sa lalaking ito. "Bobo ka ba? O may isang bloke ba ng tutuli diyan sa mga tenga mo kaya hindi mo marinig ang paliwanag ko? Di ba sabi ko kakabili ko lang ng sim card na ginagamit ko? Gusto mo sumama ka pa sa'kin dun sa tindahan na pinagbilhan ko para maniwala ka!"
Umiling siya. "Alam ko na 'yang mga linyahan niyong 'yan, Miss. Hindi mo ako malilinlang sa ganyan! Hindi ko na babawiin yung phone ko, 'yang sim card na lang ang kailangan ko. I freakin' need the contacts there!"
"Wala akong ibibigay sa'yo! Wala! Wala!" Halos mag-hysteric na 'ko sa mga nangyayari. Hindi kasi talaga ako makapaniwala na may nagi-exist na ganitong tao, yung ipagpipilitan niya kung ano man yung ipinaglalaban niya at hindi papansinin yung point ng iba.
Nakakaloka!
"Importanteng-importante ang laman ng sim card na 'yan, Miss. Kaya ibigay mo na habang mabait pa ako!"
Nagsalubong na ang mga kilay ko. "Eh paano kung ayaw ko?"
"Dadalhin na talaga kita sa pulis!" Banta niya.
"Asus! Alam mo, mukhang tama nga ang hinala kong budol-budol ka lang, Kuya! Kasi kung totoo 'yang pinag-ngangawa mo, eh di sana kanina mo pa ako ni-report sa pulis! Kaso puro ka lang pananakot! Bakit? Kasi hindi naman totoo ang mga pinagsasabi mo di ba? Am I right? Am I right? Naku Kuya magbagong buhay ka na! Sayang ang gwapo mo pa naman pero manloloko ka!"
"Sa dami nang sinabi mo, hindi ko alam kung pano sasagot," aniya na napapatingin na rin sa'kin nang masama. "Ayaw mo talagang makipag-cooperate? Pwes, hintay ka lang. Hintay ka lang talaga."
At yun na, bigla niyang kinuha ang phone niya mula sa bulsa niya, at may dinial siya dun. "Hello po. Police station? Opo. May ire-report lang po akong incident... Opo..."