Gio
"Anong pangalan mo?" Tanong nang makulit na batang babae na kalaro ko ngayon dito sa garden ng ampunan. Siya 'yung umiiyak kanina nang ibibigay na ng yaya niya kina Sister Felissa 'yung mga laruan na dala nila. Ayaw niya siguro talagang ibigay ang mga laruan niya at napilit lang ng yaya niya.
"Gion," masungit na sagot ko sa kanya.
"Jiyong?" Ulit niya sa pangalan ko na nakakunot ang noo. "Ang pangit naman ng pangalan mo!"
Ayoko talaga sa batang ito. "Bakit ikaw, ano ba pangalan mo? Sige nga, kung maganda pangalan mo," hamon ko naman sa kanya.
"Elshin," sagot nito nang mabilis kaya hindi ko narinig nang maayos ang pangalan niya, pero alam ko namang mas pangit ang pangalan niya.
"Mas maganda ang pangalan ko," natatawang sagot ko sa kanya. "Tunog ewan naman 'yang sa'yo. Ikaw lang may pangalang Elshingshing."
Bigla siyang napatayo mula sa pagkakaupo namin sa damuhan, at nagmamaktol na siya sa'kin. "Hindi yun ang pangalan ko! Ang pangalan ko ay Tiris! Oo, Tiris ang pangalan ko at diyan ako nakatira sa mansion!"
Itinuro niya pa ang direksyon ng malaking bahay malapit sa'min. Nagulat naman ako dahil kung taga doon nga siya, ibig sabihin kapit-bahay lang namin siya.
"Hindi ka naniniwala? Tiris talaga ang pangalan ko!"
"Tiris? Baka naman Therese?" Sabi kong natatawa na naman. Nakakatawa naman kasi ang batang 'to, sarili niyang pangalan hindi niya alam bigkasin.