Silver Lining
"Loweill..."
Umiiyak na naman ako. Pero ngayon, dahil sa pagkakabigla. Sa mga sinabi niya. Sa ginagawa niya ngayon.
Seryoso siyang nakatitig sa'kin. "Alam kong hindi ito ang usapan natin, pero hindi na ako makapaghihintay pa, Elle Jean. Kaya tatanuningin ulit kita. Will you marry me?"
Namumutla na ako, at ang bilis na ng tibok ng puso ko. "Loweill... I'm... I'm sorry..." Kaagad ko siyang inabot at niyakap. "Sorry," bulong ko sa tenga niya habang nag-uunahan na sa pagtulo ang mga luha ko. "Sorry." Ramdam ko na nanigas siya sa naging sagot ko. Hindi siya nagsasalita, at hindi rin siya kumikilos, kaya nagpatuloy lang ako sa pagsasalita. "Loweill... hindi ko pa kayang magpakasal..."
Huminga siya nang malalim. At dahil nakayakap ako sa kanya, damang-dama ko ang buntong-hininga niya. "D-Dahil ba kay G-Gio?" Garalgal na ang boses niya kaya pakiramdam ko ako na talaga ang pinakamasamang tao sa balat ng lupa.
"Maniniwala ka ba kung sasabihin kong hindi siya ang dahilan?" Sagot ko na nakatitig sa maamo niyang mukha. Yun nga lang, nag-iwas siya ng tingin sa'kin. Bakas sa mga mata niya ang sakit na alam kong ako ang nagbigay sa kanya.
"Eh ano?" Mahinang tanong niya.
"Mula nang dumating ako rito sa Cebu, madami akong naging realizations, Loweill. At isa na dun ay 'yung realization ko sa sarili ko na hindi na ako 'yung dating ako noong single pa ako."
"No..." bulong niya. "Elle Jean..." Umiiling siya na para bang alam na niya kung ano pa ang sunod na sasabihin ko.
"Habang nandito ako, nagliliwaliw at naglalakwatsa mag-isa, naramdaman ko na na-miss ko rin pala talaga 'yung mga panahong ako lang mag-isa... Na wala akong ganitong problema..."
"Don't do this to me, Elle Jean..." pakiusap niya. Hinawakan na niya ako ulit sa mga kamay ko. "Please..."
"Ayoko rin namang mawala ka sa buhay ko, Loweill," sagot kong hinuhuli ang tingin niya, kasi nakatungo siya at sa mga kamay namin siya nakatingin. "Kaya nga pumayag ako sa usapan natin na lumayo muna ako para makapag-isip-isip. Pero kung...kung tatanungin mo ako kung gusto ko bang magpakasal sa estado nating ito ngayon, patawarin mo 'ko Loweill but I have to reject your proposal."
"B-Bakit?"
"Kasi hindi ko pa nakikita ang sarili ko na lumagay na sa tahimik. And to tell you the truth, pakiramdam ko pagod na pagod na ako sa mga problema... At hanggang ngayon nga, feeling ko pagod pa rin ako. Emotionally, physically... Drained na ako at ngayon ko lang na-realise yun. Ngayon na parang nakakahinga ako nang maluwag, gusto ko munang sulitin ang mga panahong 'to dahil alam ko na kailangan kong i-recharge ang sarili ko bago ako bumalik ng Manila."
"Gusto mo na bang makipaghiwalay sa'kin?" Diretsahan niyang tanong.
"S-Siguro."
Nag-iwas ako ng tingin dahil ayokong makita kung paano siya masaktan sa mga sinasabi ko ngayon. "Pinili mo si Gio."
Umiling ako agad sa sinabi niya. "Wala akong pinipili sa inyo!" Giit ko pero sinusubukan ko pa ring maging malumanay ang pagkakasabi ko nun sa kanya. "Dahil kung si Gio rin ang nag-alok sa akin ngayon ng kasal, hindi rin ako magdadalawang-isip na tanggihan siya."
"Maybe you're going to reject him if he proposed to you," sabi niya agad na may hinanakit sa kanyang mga mata, "pero sa tingin ko Elle Jean, makikipagbalikan ka sa kanya."
Iling ako nang iling, kahit hindi ko na alam kung paano ko ipaliliwanag sa kanya ang gusto kong maintindihan niya. "Hindi ako makikipagbalikan sa kanya, Loweill," giit ko. "Maniwala ka naman sa'kin oh. Bakit ko ide-deny sa'yo kung totoo 'yang sinasabi mo, kung malalaman mo rin ang tungkol dun sa huli, di ba? Magpinsan kayo. Imposibleng hindi mo yun mababalitaan. Kaya bakit pa ako magsisinungaling sa'yo kung yun talaga ang plano ko?"