Punishment of the Jealous
Isang buong araw din naming sinuyod ang kahabaan ng Pilar Avenue upang hanapin si PJ, pero naging mailap siya ngayon. Nakakaasar lang, kasi madalas mangyari sa'kin ng ganito, iyong kapag hindi mo naman hinahanap ay nakikita mo siya na nandiyan lang at pakalat-kalat pa nga pero kapag hinanap mo na siya bigla na lang siyang maglalahong parang bula.
Pagod na pagod kami ni Gio kaya tumambay muna kami sa coffee shop kung saan kami 'nag-date' ni Gio dati. Nagbabaka-sakali din kasi kaming baka makita namin siya dito. Talak naman ako nang talak pero hindi naman ako kinakausap ni Giong Pilay, nakatingin lang siya doon sa labas na nakakunot ang noo.
Sinubukan ko na ang powers ko. "Uy, Gio, galit ka pa rin ba sa'kin?" Tanong kong medyo naglalambing. Tinaasan niya lang ako ng kilay kaya nagpatuloy na ako sa pagpapaliwanag. "Sorry na Gio. Hindi ko naman kasi talaga in-expect na ano... na totoong buhay si PJ..."
"Nakausap at naka-date mo na siya pero inisip mo pa ring multo siya?" Mataray pang tanong niya na mas lalong nagpapula ng mga tenga ko.
"Sorry naman! Malay ko ba na ganun ang background niya? I told you, hindi ko alam na magkakilala kayo nung una. Pero nang malaman ko na dapat patay na siya, natakot na ako nang bongga kaya inisip ko talaga na multo siya!"
Hindi makapaniwala si Gio sa sinasabi ko kaya nakakaasar na rin. Eh ano naman kung napagkamalan kong multo 'yung tao? Eh ano naman kung hindi ko sinabi sa kanya lahat ng mga nalaman ko tungkol kay PJ? Natakot lang naman ako na baka hindi ako tigilan ng multo na yun kung sakali.
"Matagal mo na pa lang kilala si PJ, hindi mo man lang binanggit sa'kin," hinampo pa ng boypren kong pilay. "Nagawan ko sana ng paraan noon ang mga nangyayari kung sinabi mo lang na nakipag-date ka sa kanya."
"Bakit, maniniwala ka ba sa'kin kung sinabi kong nagpaparamdam sa'kin si PJ? Maniniwala ka ba kung sinabi kong nakasama ko siya ng ilang beses eh di ba nga ikaw na mismo ang nagsabi na patay na siya? Saan naman ako nun lulugar, ha Gio? I'm just a girl, standing in front of a boy, asking him to love her!"
Alam kong nagpipigil lang si Gio na huwag matawa sa pinagsasabi ko dahil halata naman sa mukha niya 'yung gusto niyang matawa. Kaso nagtaray-tarayan ulit siya. "Eh bakit ka nakipag-date sa kanya? Nandito naman ako, nakuha mo pa talagang makipag-date sa karibal ko," irap niya na akala mo naman isa siyang mahal na prinsipe na nangangailangan palagi ng atensiyon ko. "Niloko mo 'ko, Elle Jean."
"Ang OA ha? Niloko agad?" Singhal ko. "For your information Giong Pilay, hindi pa tayo magjowa nung nangyari yun. Kaya 'wag kang pabebe diyan. Ang sabihin mo, nagseselos ka lang kasi naunahan ka ni PJ na makipag-date sa'kin." Humalakhak pa ako para maasar siya.
At naasar nga ang ungas. "Sinadya niya yun," reklamo niya. "Akala mo ba parang sa isang fairy tale lang, na nagkatagpo kayo at nagkakilala? I know him. Alam ko na kaya ka niya nilapitan dahil alam niyang kilala mo ako. Sinadya niya ang lahat. Hindi aksidenteng nagkakilala kayo."
Saglit naman akong napaisip dun. Pwede ngang ganun ang nangyari. Kasi napakalaking coincidence naman nun kung sakaling pareho ko silang nakilala ng hindi sinasadya. Ano yun, hanggang sa'kin magkakumpetensiya 'yung dalawa? Ang pretty ko naman sobra!
"Hi Ma'am, Sir, here's your cake," bungad sa'min ng isang lalaki kaya napasinghap ako sa gulat ng makilala ko kung sino siya. Isang chinitong lalaki ang nagse-serve ngayon ng order namin at na-starstruck ako agad sa kanya. Bigla tuloy akong na-conscious sa itsura ko ngayon.
Shocks, maganda ba ako ngayon? Maayos ba ang buhok ko? Okay lang ba kayang tingnan ang suot ko ngayon? Sana naman hindi ako mukhang haggard ngayon! Nakakahiya sa celebrity na nasa harapan ko ngayon!