CHAPTER 2

1K 73 19
                                    

PAGLABAS NG KATOTOHANAN

KAHIT nag-umpisa na ang malakas na tugtugan ay tila naman lumilipad ang isipan ng dalaga. Nagpaalam muna ito kay Kris upang magtungo sa comfort room sandali.

"Samahan na kita?" tanong ng binata.

"Huwag na, kaya ko na mag-isa," ngiting tugon ng dalaga.

Lumakad ito at nagpunta sa likuran ng mga classrooms kung saan matatagpuan ang banyo. Napahinto siya sandali nang makarinig siya ng mga nag-uusap sa loob ng Principal's Office. Lumapit siya sa gilid ng bintana upang maging malinaw sa kanya ang pinag-uusapan dahil mukhang isa si Mrs. Cassandra sa nagsasalita.

"Hindi n'yo nahanap ang aking anak? Anong klaseng private investigator kayo? Mga walang silbi!" pasigaw ni Mrs. Cassandra at batid ni Kristine ang galit nito.

"Wala kasi kaming nakitang mga taong naninirahan sa isla, maliban dito." At iniabot ng lalaking nakaitim ang isang plastik na lalagyan.

Maigi itong pinagmasdan ng guro at marahang binuksan. Isang bracelet ang nasa loob nito at bigla na lamang tumulo ang luha sa mga mata ni Mrs. Cassandra.

"Sa anak ko ito. Nasaan na ba talaga siya? Bakit? Bakit anak ko...." patuloy nitong hikbi.

Huh? Nawawala si Jhenn? Teka, papaano? naguguluhan ang isipan ng dalaga.

Hindi muna siya umalis at nais niya pang marinig ang ibang impormasyon dahil ang sabi sa kanila ng guro ay nag-transfer ito sa ibang school 'tapos ngayon ay malalaman niyang nawawala pala ito?

"Huwag kayong tumigil sa paghahanap. Mahal na mahal ko si Jhenn. Pakiusap, hanapin n'yo siya." Halos mawalan na ito ng tinig.

"Gagawin po namin ang lahat. Magtutungo kaming muli sa isla ng Danayon upang mag-imbestiga," wika ng isa sa mga lalaki.

"Magpapaalam na po kami, Madame Cassandra," wika naman ng isa subalit hindi na muling nagsalita ang guro dahil sa nararamdamang pangungulila.

Lumabas ang dalawang lalaki at muli namang tinitigan ni Mrs. Cassandra ang bracelet na ibinigay nito sa anak na si Jhenn noong ika-18 na kaarawan nito. Naaalala niya pa ang matatamis na ngiti sa labi dahil sa labis na katuwaan.

Napansin ng guro ang pagsulyap ni Kristine sa bintana at nang makita siya ng dalaga ay dali-dali itong naglakad paalis.

"May tao ba diyan?" patanong ng guro subalit wala ng may sumagot dahil nakaalis na ito.

Pagpasok sa banyo ay agad na naghilamos ng mukha ang dalaga. Matapos ay diretso siyang tumitig sa malaking salamin na nasa harap nito.

"Jhenn? Ang tagal mo na palang nawawala? Pero bakit nagsinungaling ang mama mo sa amin? Bakit hindi niya sinabi ang totoo? Dapat sana ay nakatulong kami sa paghahanap." Pinunasan ng dalaga ang mukha gamit ang panyo na kinuha sa bulsa. "Si Jeaneth kaya? Kasama mo rin bang nawawala?" labis ang pagtataka nito.

Huminga siya ng malalim at agad na binuksan ang pinto upang lumabas.

"Jusko!" para siyang hihimatayin dahil nasa harap na nito si Kris na nagpagulat sa kanya.

"Pasensya na, napatagal kasi pagbabanyo mo," paliwanag ng binata.

"Puwede bang sa susunod ay kumatok ka?" napahawak pa sa dibdib ang dalaga. "May mahalaga tayong pag-uusapan mamaya," dagdag nito.

Hindi na nagtanong si Kris dahil alam niyang seryoso ang pagsasalita ng nobya. Bumalik sila sa concert at patapos na rin 'yon. Ilang minuto pa'y bumaba na sa stage ang tatlong kumanta.

"Wow! Bilib na ako sa inyo mga 'tol." Isa-isang nakipag-apir si Kris dahil matatalik nitong kaibigan ang mga iyon.

"Kami pa!" may pagmamayabang na sabi ni Jerry.

"Kayo Girls? Hindi n'yo ba kami babatiin?" itinaas ni Gemini ang kanang kamay.

"Sus! Oo na, magaling na nga kayo!" halata sa mukha ni Andrei ang pagkakilig mula sa titig ni Gemini.

"Mas idolo ko siya." Itinuro si Marjon. "At saka ang gwapo pa!" namumulang sabi ni Jonelyn.

Agad naman siyang binigyan ng nakakaakit na kindat ng binata. Matapos mag-usap tungkol sa mga bagay na masasaya ay sabay-sabay silang nagtungo sa english park dahil ito ang madalas tambayan ng magkakaibigan. Partner by partner silang umupo. Si Andrei kay Gemini, Jonelyn kay Marjon, Mariane kay Jerry at Kristine kay Kris.

Napansin ng binata na kahit naglalakad sila kanina ay hindi man lang naglabas ng tinig ang dalaga.

"Ano ba 'yung sasabihin mo?" binasag ang nakabibinging katahimikan sa pagitan nila.

"Hindi pa ako handa. Nalilito pa ako ng sobra. Kailangan ko pa ng patunay," tugon ni Kristine na talagang nagbigay pagtataka kay Kris.

"Huh? Tungkol saan ba 'yan?" tanong muli ng binata.

"Tungkol sa kaibigan nating si-" putol nitong sabi.

"Hey, Kristine! Kris! Ba't kayo lang ang nag-uusap?" ngiting tanong ni Andrei.

Napahinga muli ng malalim ang dalaga dahil sa kinakabahan ito para sa matalik na kaibigang si Jhenn. Hinayaan na lamang siya ng mga kaibigan dahil bakas sa mukha nito ang lungkot. Lumayo muna sila ni Kris upang makapag-isip si Kristine. Hindi lang ang mga narinig dahil pati ang napanaginipan niya kagabi ay lubos na gumugulo sa kanyang isipan. Paano kung isang masamang pangitain iyon? Paano kung talagang may nangyaring masama kay Jhenn at Jeaneth?

"Uwi na muna ako. Gusto ko na talagang magpahinga," paalam ng dalaga.

"Sige, hatid na kita sa bahay n'yo," tugon ng binata.

Kahit nasa sasakyan ay pinagmamasdan ni Kris ang nobyang kanina pa malalim ang iniisip. Naaawa siya rito dahil ngayon lang ito sobrang naging ganito. Pagdating sa harap ng bahay ay marahang bumaba ang dalaga.

"Salamat, mag-ingat ka sa pag-uwi." Mahinang bigkas ni Kristine sabay talikod at naglakad papasok ng kanilang bahay.

Hinintay muna ng binata na tuluyang makapasok ito bago muling sumakay sa sasakyan at paandarin ito. Pagsapit ng gabi ay muling nanaginip ang dalaga.

-----

"Kristine, tulong! Hindi ko na kaya...." Tinig ni Jhenn na tumatangis.

"Nasaan ka ba?" tanong ng dalaga at hinanap niya ito.

Siya ngayon ay nasa isang malaking bahay. Asul ang pintura ng bawat pader. Sa unahan ay nakita niya ang puting lamesang mahaba na may mga gamit tulad sa mga scientist. Nagtataka itong lumapit at talagang nakaramdam siya kakaibang kaba at takot. Tinitigan niya ang nasa loob ng mga botelyang may pulang tubig. Para itong masusuka nang mapagmasdang lamang-loob ang nakalagay dito.

"Kristine!" tawag na agad niyang hinanap kung saan nagmumula.

Napatingin siya sa kaliwang direksyon at kitang-kita niya ang kaibigang nakataas ang nagdurugong mga mga palad. Wala na ang isang mata nito at sa harapan ay nakatayo ang isang taong nakasuot ng mahaba at puting damit. Napaatras ang dalaga nang makitang iniaangat ng lalaki ang napakatalim na kutsilyo at itinusok sa dibdib ng kanyang kaibigan.

"Hindi, Jhenn..." at diretso siyang napabagon sa kama.

-----

Hindi nito napansin ang pagdaloy ng luha sa mga mata. Takot na takot siyang niyakap ang sarili. Nanginginig ang buo nitong katawan. Alam niyang masama na talaga itong pangitain sapagkat dalawang beses niya na itong napapanaginipan. Tumingin ang dalaga sa bilog na orasan at mag-aalas tres na pala ng madaling araw. Hindi na siya makatulog dahil hindi mawala sa kanyang isipan ang mukha ng kaibigang hirap na hirap.

Napapatingin din siya sa paligid dahil pakiramdam niya ay nasa tabi lang nito ang taong may hawak ng kutsilyo.

-------------
A/N: Stay tune! Heto na ang umpisa ng matinding adventure. 😇

Mystery in Island (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon