CHAPTER 43

378 38 5
                                    

ANG SIMULA NG PAG-AALAY

SA KABILANG bahagi naman ay ang mag-inang sina Jhenn at Mrs. Cassandra na halos hindi rin maghiwalay sa pagkakayakap. Ikuwenento ng dalaga ang mga nangyari at pinagdaanan niya sa lumipas na mga taon na naririto siya sa Isla at pinanghahawakan ni Dr. Lertez at ng mga baliw na scientist.

"Mahal na mahal kita, anak." At hinigpitan pa ang pagkakayakap kay Jhenn.

Sa isang pang banda ay ang mag-amang sina Sir Jude at ang anak nitong si Jhanjo. Inalala rin nila ang masasalimuot na mga pinagdaanan at ang masayang alaala noong nabubuhay pa si Rozell.

"Kung nandirito pa sana ang iyong ina, anak," malungkot na tinig ng lalaki.

"Matatahimik na rin siya, ama kung mawawakasan na ang kasamaang binuo ni lolo. Sobrang naging matamis na nakaraan at tahanan ko na ang Islang ito." Ngiting sabi ni Jhanjo at muling niyakap ang pinakamamahal na ama.

Hanggang sa dumating na ang hatinggabi at tamang oras para sa pag-aalay at ritwal na gagawin. Tumayo si Kris mula sa pagtawag ni Sir Jude. Ginising nito ang dalagang sandaling nakaidlip sa kanyang binti.

"Bakit?" napatanong pa si Kristine.

Inalalayan siya ng binata sa pagtayo at alam na ni Kristine ang ibig sabihin ng kasalakuyang katahimikan. Nakatayo na rin sa harap ng metal na higaan sina Mrs. Cassandra, Jhenn at Jhanjo na halos pare-parehong may matatamlay at malulungkot na mga mata. Nakahawak lang si Kristine sa kamay ng binata habang tinutungo ang pag-aalayan nito.

"Ngayon pa lang ay hangang-hanga na ako sa 'yo, Kris. Lubos akong nagpapasalamat sa pagsasakripisyong gagawin mo. Ang isang buhay kapalit ng nakararami." Ngumiti si Sir Jude at tinapik ang balikat nito.

Sa labas ay matatanaw ang maliwanag na kapaligiran ng buong Isla dahil sa bilog na buwan. Wala na rin masyadong ulap kaya't ang liwanag nito ay kumakalat sa daigdig.

"Sana'y hindi masayang ang gagawin nating ito. Nais kong maisagawa ninyo ng maayos ang lahat at hindi magkakamali sa bawat salitang bibigkasin. Kristine," tawag ng binata sa dalagang katabi. "Kapag nagbalik sa dating anyo ang aking mga matatalik na kaibigan, ang The Hunters, pakisabi na nandiyan lang ako at palagi kaming buo." Ngiti nitong sabi.

Tila mas lalong tinusok ng matulis na bagay ang kanyang pusong kumikirot. Ayaw niya ng maglabas ng luha dahil hindi ito nais ng binata. Tumango na lamang siya kahit hindi pa buo sa sarili niya na mawawala ang pinakamamahal. Sinimulang buklatin ni Sir Jude ang kasulatan at pinatabi niya si Jhenn na tutulong sa pagbibigkas ng mga mahihiwagang salita. Hinubad ni Kris ang damit sa bandang itaas na may bahid pa ng dugo mula sa mga pinsalang natamo sa pakikipaglaban sa mababagsik na mga halimaw. Pinahiga na siya sa metal na higaan at ayaw ng tumingin ni Kristine sa mga mangyayari.

"Jhanjo, itali mo na sa kanyang mga kamay, paa at katawan ang mga kableng naririyan." Utos ni Sir Jude at pinag-aaralan pa nila ni Jhenn ang bawat salita upang hindi magkamali sa pagbibigkas mamaya habang dumadaloy sa katawan ni Kris ang malalakas na boltahe ng kuryente na gagapang din sa dalawang poste patungo sa pinakamataas na bahagi ng Tower.

Tumango si Jhanjo at isa-isa nga iyong inilagay. May mga pula ring kable ang nasa bahaging ulo nito.

"Kris..." may mga luha ng namumuo sa mga mata ni Kristine.

"Sabi ko, hindi ba? Bago at matapos itong ritwal ay hindi ka na maaaring umiyak? Ipangako mo 'yan?" ngiting mga tanong ng binata.

Pilit iyong pinipigil ni Kristine ngunit tuluyan na ngang dumaloy sa kanyang matamlay na mga mata ang kanina pang nagpipigil na luha. Wala ng magagawa si Kris at niyakap na siya ng dalaga ng sobrang higpit.

"Ayon dito sa iba pang mga nakasulat, kaya't kinakailangang tao ang dapat na ialay sapagkat susundin ng mga malalakas na pagkidlat ang dugong nanalaytay dito at katangian ng isang tao na nagsakripisyo. Sa pamamagitan nito, ang mga naging halimaw na dating ordinaryong tao ay babalik muli sa dating anyo kahit pa namatay na iyon. Ang mga halaman namang mahiwaga ang dahilan kung bakit mabubuhay ang mga namatay mula sa lason na nagmula rin sa halaman." Napahinga siya ng malalim at napatingin sa kanya ang lahat ng kasamahan.

"Kahit ba si Jonelyn na nailibing na natin?" patanong ni Mrs. Cassandra dahil ito ang unang pumasok sa isip niya mula sa mga pahayag na nabanggit ni Sir Jude.

"Oo, tama. Mabubuhay ang lahat ng namatay mula sa sandatang may taglay na lason na nagmula sa mga kakaibang halaman. Isama n'yo na rin ang mga nilalang sa ilalim ng lupa na alaga ni Dr. Lertez at mga ilang pinaslang nating mga halimaw." Ngumiti si Sir Jude ngunit napalitan ng lungkot ang kanyang mukha nang mapatitig sa nakikinig na si Kris.

"Masaya ako sa mga narinig ko. Simulan n'yo na ang ritwal." Utos ni Kris at tumango si Sir Jude.

Lumayo na sina Mrs. Cassandra at Jhanjo maliban kay Kristine na titig pa rin sa pinakamamahal na lalaki. Ayaw ng maalis ng dalaga sa pagkakatitig dahil kung may iba lang sanang paraan ay bakit hindi? Ngunit wala na nga. Lumapit muli si Jhanjo at hinawakan sa magkabilang braso si Kristine at inilayo sa tabi ni Kris.

"Kristine, kailangan na nating lumayo at baka tamaan ka ng malakas na boltahe ng kuryente." At sa wakas ay nagpahila ang dalaga kahit tuloy sa pagdaloy ang kanyang mga luha.

Huling titig ni Kris sa pinakamamahal bago ibaling ang tingin sa taas kung saan nakadugtong ang dalawang poste. Inilagay na sa buong katawan nito ang mga mahihiwagang halaman na sariwang-sariwa pa rin. Inutusan na ni Sir Jude si Jhanjo na lumapit sa pindutan upang lumabas at gumapang sa mga kable ang elektrisidad. Tumango ito at naghanda na sa senyas ng ama.

"A-aray..." mahinang ungol ni Kris dahil tila nag-iinit ang kanyang buong pakiramdam.

"Kris?" patawag ni Jhenn nang makitang nanginginig ang buong katawan ng binata.

Napatingin sa kanya ang lahat at naglakihan ang mga ugat ni Kris at tila mga ahas na naggagalawan.

"Ano'ng nangyayari sa kanya?" lalapit sa na si Kristine ngunit mahigpit iyong pinigil ni Mrs. Cassandra.

"B-baka maging isa akong halimaw. N-naalala kong baka may i-itinurok sa akin si Dr. Lertez habang wala akong m-malay at—" nanginginig na nahihirapan ang tinig ng binata dahil may nararamdamang kakaiba. "A-at baka ngayon lang n-nagising ang e-epekto. Sige na, Sir Jude, Jhenn. Gawin n'yo na ang ritwal." Napapagalaw ito sa kinahihigaan subalit pinipigil ang sarili na bumangon.

Kita nila Kristine ang paghihirap dahil sa pinagdadaanan nito ngayon. Tumango si Sir Jude at Jhenn. Mabilis na pinindot ni Jhanjo ang matigas na switch at mabilis na dumaloy ang boltahe ng kuryente na sa lakas ay kita ito na tila kidlat.

"Ang katawang nasa sagradong higaan ay alay namin upang wakasan ang lahat ng nilikha, binuo at pinalitan mula sa mga kakaibang halaman na galing sa kasamaan." Si Sir Jude ang unang nagbigkas sa mga Latin at nangisay ang buong katawan ni Kris.

Lumakas ang ihip ng hangin mula sa labas at loob ng tower. Mapagmamasdan sa buong kalangitan ang mga itim na ulap na biglaang naglabasan subalit nanatiling maliwanag ang bilog na buwan na hindi natabunan. Napayuko si Kristine at niyakap siya ng guro na hindi rin makatitig. Naririnig pa nila ang mga huling sigaw ni Kris bago tuluyang unti-unting dumadaloy ang boltahe ng kuryente mula sa katawan ng binata patungo sa dalawang nagtataasang poste. Gumagapang iyon paitaas.

"Ngayon ay ibinibigkas at kasama ng halamang hindi likas ay nais naming lahat ay manumbalik." Lalong naging mapangahas ang panahon at klima at tila nasa isang lugar sila na puno ng panganib. "Palayain ang mga dugong malinis at palayasin ang dugong may bahid ng kasamaan." Sa huling binigkas ni Jhenn ay gumapang na sa pinakamataas na bahagi ang boltahe at naglabasan ang mga naglalakasang kidlat sa maitim na kalangitan.

—————————————
A/N: Saklap naman. Kawawa naman si Kris, maibalik ang lahat. 😭

Mystery in Island (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon