BAGONG LIKHA, BAGONG SANDATA!
NAPAMULAT ng mga mata si Kris dahil sa mga naririnig na sigaw mula sa pamilyar na tinig. Napatingin siya sa paligid at nakita niya sa mga higaan na gawa sa bakal ang mga kaibigang sina Gemini, Jerry at Marjon. Hindi niya magawang makagalaw dahil sa nakagapos ang buo nitong katawan at napakasakit pa ng kanyang batok at ulo.
"A-ano'ng g-ginagawa ninyo sa k-k-kanila?" nanginginig ang boses ng binatang nagtatanong.
"Gising na pala ang espesyal na panauhin. Iho, pagmasdan mong mabuti ang mga bagong likhang gagawin namin." At humalakhak ang baliw na scientist na siyang lolo ni Jhanjo.
Ano? naisa-isip na lamang na sabi ni Kris dahil sa galit na nararamdaman.
Sa bandang unahan ay may mga naglalakihang ulit na lalagyan na parang garapon na may malinaw na tubig. Kilalang-kilala niya ang mga nasa loob nito.
"Mariane? Jeaneth?" sa isip muli nito.
May mga kung ano pang itinurok sa katawan ng mga kaibigan ng binata at nanginginig ang mga iyon dahil sa kakaibang epekto. Nalungkot bigla ang mukha ni Kris. Naaalala niya sina Kristine. Wala pa ang mga ito. Marahil ay ligtas pa sila at naghahanap ng paraan. Ngunit nagbago ang ekspresyon sa mukha nito nang maalala ang taong pakay nila sa Isla— si Jhenn. Bakit wala ito rito? Sa mga lalagyan? Iniisip ni Kris na sana ay ligtas ito at hindi pa nagagalaw ng mga baliw na scientist.
ITINAAS ni Sir Jude ang latigo at akmang ihahampas sa nagbabadyang halimaw na susugod. Tulog pa rin ang dalaga dahil sa epekto ng halamang naamoy.
"Hah!" At hinampas niya nang hinampas ang napakalaking agila.
Kakaiba ang anyo nito at dalawa ang ulo. Ang laki nito ay kayang dalhin ang isang bahay. Muli itong lumipad ng bahagya dahil sa ginawa ng lalaki at nagpaikot-ikot sa kanila. Agad na kinuha ni Sir Jude ang palaso sa dalaga at dahon na pinitas. Dinurog niya iyon at inilagay sa dulo ng bala. Alam ng lalaki na hindi sapat ang lasong taglay nito kaya't dinagdagan niya. Itinutok ito ng lalaki sa itaas subalit tila umiiwas ang agila na tamaan. Isang bala lamang ang nalagyan nito at mahihirapan siya ulit sa ikalawa.
Hindi inaasahang nagising ang dalaga dahil sa dahon ng halamang nasa harap niya.
"Aray... ano'ng nangyayari?" napahawak siya sa ulo.
Subalit nagimbal siya nang makita ang malaking agilang kanina pa paikot-ikot.
"Kristine, bumangon ka!" sigaw ni Sir Jude.
Agad iyong sinunod ng dalaga at pinulot ang latigo.
"Saan po galing ang halimaw na iyan at bakit tila yata natatakot siya sa palaso ni Jhanjo?" pagtataka ng dalaga dahil hindi pa umaatake ang ibon.
"Sapagkat alam ng ibon na iyan na may nilagay akong lason sa bala nito. Ang agilang iyan ang nagbabantay ng mga kakaibang halaman dito." Sinusundan pa rin ng lalaki ang paglipad ng halimaw.
Biglang nag-ingay ang halimaw na agila na tila umiiyak at may tinatawag. Nanlaki ang mga mata ng lalaki dahil sa iniisip.
"Sana mali ang iniisip ko, may mga anak pa yata ang agilang ito. Ang pagkakaalam ko ay iisa lamang itong nandirito," salaysay nito.
Gimbal din ang makikita kay Kristine na halos hindi na makagalaw sa kinatatayuan.
"Huwag n'yo pong sabihing napakarami pa nila?" tinig ng dalaga.
"Oo, kailangan na nating magmadali." At ibinalik ng lalaki ang palaso kay Kristine. "Bilisan natin ang paglalakad," muling sabi nito.
Tumakbo sila patungo sa direksyon ng baybaying dagat. Mabilis na umatake ang napakalaking agila patungo sa dalawa. Walang takot na itinaas ng dalaga ang palaso at binitawan ang balang may dobleng laso. Hindi na nagawang makaiwas ng ibon at tinamaan ito sa bandang dibdib. Malakas na sigaw pa ang maririnig bago ito bumagsak sa lupa. Tila lumindol naman ng bahagya.
"Mahusay, Kristine," tanging nasambit ng lalaki.
Hindi makapaniwala ang dalaga sa nagawa. Tapang lamang pala kasabay ng mga sandata ang kailangan at susi sa Islang ito. Nawala sa mga mukha nila ang ngiti ng makarinig muli ng mga malalakas na hampas sa hangin at tunog ng agila.
"Huwag na tayong magsayang ng oras, nandirito na sila." At hinatak ni Sir Jude ang kamay ng dalaga.
Mabibilis na paghakbang ang kanilang ginawa at hindi na pinansin ang madadaanan dahil sa normal na ang mga halamang naroon. Ilang sandali ay hindi na nila naririnig ang mga anak ng agilang pinaslang nila.
"Malayo pa po ba tayo, Sir Jude?" hingal na tanong ni Kristine.
"Nandito na tayo." Huminto ito sa pagtakbo.
"Dagat?" bigkas ng dalaga dahil buhanginan na ang kinatutungtungan nila at nag-aasul na karagatan ang nasa unahan.
"Hindi diyan, nandito." Napasunod si Kristine sa paglakad ng lalaki.
Natanaw nila ang may kalumaan pang gusali. Nagtataka tuloy si Kristine dahil napakarami pa talagang misteryo ang Isla.
"Teka lang po, 'yong yateng sinakyan po natin? Nasaan 'yon?" tanong niya.
"Malayo iyon dito. Nasa kabilang bahagi ng isla, Kristine." At pinihit na ng lalaki ang pinto. "Marami ka pang makikita at matutuklasan sa lugar na ito." At tuluyang binuksan iyon.
Napaubo pa ang dalaga dahil sa makakapal na alikabok na naglabasan. Pumasok sila sa loob at kahit walang ilaw o lampara ay kita ang kung anong mayroon doon. May parang kawaling lutuan, pamputol ng bakal at iba pa at talagang mapag-aalamang pagawaan dito ng mga armas at sandata.
"Akin na 'yong papel na may Latin na nakasulat," wika ni Sir Jude.
Kinuha iyon ni Kristine sa bag at iniabot sa lalaki. Inilapag sa lamesang bato at pinalapit si Kristine.
"Makinig ka at tuturuan kita kung paano gawin ang mga ito," muli nitong sabi.
Lumapit si Kristine at maiging nakinig sa mga sinasabi nito. Namamangha siya dahil napakasimple lamang ng mga sangkap subalit kayang bumuo na nakamamatay na armas.
"Kung ganoon po, kailangan nating magtulungan sa paggawa at paglikha ng mga aramas at sandata," wika ng dalaga.
Tumango si Sir Jude at itinuro ang mga gagawin ni Kristine. Mayamaya pa'y inumpisahan na nila ang paglikha.
Pinaapoy ni Sir Jude ang malaking lutuan kung saan tutunawin ang mga bakal na gagawing bala at dulo sa shotgun, palaso, sibat, latigo at iba pa. Sinimulan ni Kristine na durugin at kunin ang katas ng mga dahon ng halamang pinitas kanina. Nabanggit naman ni Sir Jude kung alin doon ang nakalalason at hindi. May takip lamang ang kanyang bibig at ilong upang hindi maapektuhan sa dulot ng mga ito. Nagpatuloy sila sa paggawa at malapit na muling sumapit ang gabi.
Nakabuo ng mahigit tatlumpong bala ng palaso si Kristine, at tatlong sibat o Spear. Natapos na rin ni Sir Jude ang mga bala ng shotgun na may lason ganoon din sa latigo na may metal sa dulo at mga patalim na nakamamatay din.
"Ayos, dapat bago sumapit ang gabi ay makasunod na tayo kina Jhanjo dahil alam kong hinihintay na nila tayo roon." Iniligpit ang lahat ng dadalhin.
Ganoon din ang ginawa ni Kristine at hindi na nagsayang pa ng oras. Shotgun ang napili ni Sir Jude na hawakan para sa pagbabalik at latigo naman sa dalaga.
"Bakit iyan ang hawak mo?" nakangiting nagtataka ang lalaki.
"Kay Jhanjo po ang palaso kaya't ibabalik ko 'yon ng maayos at may mga bala na. Gusto ko pong subukan ang sandatang ito." Tinitigan ang latigong hawak.
"Bilib ako sa katapangan mo Kristine at ibang-iba ka sa mga kasamahan mo," mangha nito sa dalaga.
"Salamat po." At nagpatuloy sila sa paglabas.
Bumalik sila sa direksyong dinaanan kanina. Pinagmasdan muna sandali ni Kristine ang karagatan at huminga ng malalim. Iniisip niya ang kabaligtaran ng payapang dagat sa mapanganib na gubat.
—————————————
A/N: Nakaligtas ang ating dalawang bida. Sa kanila kayang pagbabalik, magagawa pa kaya nila? Ano ang kahahantungan mula sa kalagayan ng mga kaibigan nila Kris? 😇
BINABASA MO ANG
Mystery in Island (Completed)
Mystery / ThrillerSa pagkawala ng isang babae kasama ang grupo nito, ay siya namang pagbukas ng isang lihim mula sa lugar na hindi pa natutuklasan ng karamihan. Isang Isla na sa angkin ganda'y kabaligtaran naman ang handog na ligaya. Narinig mo na ba ang umusbong na...