CHAPTER 42

365 38 5
                                    

PAG-AALAY AT PAGSASAKRIPISYO

"KUNG hindi siya sang-ayon sa nais ni Dr. Lertez, bakit gano'n ang itsura niya? Bakit mukha siyang halimaw?" sabi ni Kristine kay Jhenn upang itanong sa salitang Latin ang kanyang mga sinabi.

Tumango ang kaibigan at humarap sa pader. Itinanong nito ang mga sinabi ni Kristine. Sandaling nagkaroon ng katahimikan bago muling nagsalita ang ama ni Dr. Lertez.

"Sinabi niya na masyado rin siya noong naging sakim. Sa dami ng kanyang nalalaman sa mga bagay-bagay at sikreto sa Islang ito ay nakalimutan niya na kung sino ang lumikha. Halos sambahin niya na ang mga kakaibang halaman. May isang nakakatakot na halimaw ang nagpakita sa kanya noon at sinabing ibibigay pa ang pinakamahalagang mga halaman kung iaalay nito ang buhay sa halimaw. Pumayag noon ang ama ni Dr. Lertez at sa isang madilim na silid ay tinupad ng halimaw o demonyo ang mga halamang mahiwaga," pagsasalin ni Jhenn sa mga sinabi ng tinig.

Nagkatinginan sila at ngayon ay alam na nila ang tunay na dahilan at kung bakit ang mga halamang iyon ay hindi maaaring sikatan ng araw ay dahil mula ito sa isang demonyo na hinilingan ng ama ni Dr. Lertez noon.

"Sabihin mo kung maaari niya ba tayong tulungan sa pagwawakas ng kasamaan ng kanyang anak? Iyong mga halaman, paano ito magagamit sa itaas ng tower?" pasabi rin ni Mrs. Cassandra.

"Oo, kung saan makikita ang tuktok ng tower at anu-ano ang mga dapat nating gawin," dagdag pa ni Kris.

Bago nakapagsalita si Jhenn ay muling umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril sa labas na nagmumula kina Sir Jude. Sandaling pumasok si Jhanjo at napatingin sa kanya ang mga kasamahan.

"Hindi pa ba kayo nakakatunton sa tuktok? Walang kaubusan ang mga bagong likha ni Dr. Lertez. Mabilis na bumabangon ang mga napapaslang namin!" pasigaw at hingal nitong sabi bago muling lumabas at nagpatuloy sa pakikipaglaban.

Dali-daling humarap muli ang dalaga sa pader at nagsalita. Itinanong niyang muli ang mga sinabi ng ina at ni Kris mula sa mahiwagang mga halaman at kung paano gamitin ang mga iyon sa pagwawakas. Tumugon ang tinig sa mga paglalahad ni Jhenn.

"Hindi niya sana nais na gawin natin ang ritwal na iyon sapagkat isa itong mapanganib na gawain. Doon sa hagdan na iyon raw ang daan upang maakyat ang tuktok ng tower na siyang lugar para isagawa ang pag-aalay nang mawakasan ang kasamaang nalikha ni Dr. Lertez. May isa roong metal na higaan at mga naglalakihang kable ng kuryente. Sa kamang iyon dapat humiga ang mag-aalay ng kanyang buhay. Sa kanyang katawan ilalagay ang mga halamang hindi nasisikatan ng araw. Tama nga ang nasa kasulatan na dapat ay bilog ang buwan bago iyon gawin nang mapagtagumpayan. Ang malakas na bultahe ng kuryente at mahiwagang mga salita kasabay ng mahiwang mga halaman ay tuluyang magwawakas ang lahat ng binago sa Islang ito," mahabang paliwanag ni Jhenn sa mga isinalaysay din ng tinig.

"Kailangang may mag-aalay ng kanyang buhay? Sino naman sa atin? Ayaw ko ng may mawala pa." Sandaling humakbang si Kristine.

"Mangyayari talaga iyon, Kristine. Wala ng iba pang ordinaryong tao rito sa Isla ng Danayon kundi tayo-tayo na lang." Tinapik sa balikat ang matalik na kaibigan.

Sandaling nanahimik ang dalaga. Lumapit na rin ang iba sa kanila.

"Sino ang handang magsakripisyo sa atin?" patanong ni Mrs. Cassandra.

"Ako na lang sigu—" napatigil si Kristine nang biglaang pumasok sina Sir Jude at Jhanjo.

"Paakyat na sila rito. Ano na ang mga nangyari?" hingal na tanong ni Sir Jude.

Mabilis pa sa mabilis ang pagpapaliwanag ni Jhenn sa mag-ama ang mga natuklasan at kailangang gawin upang mawakasan ang lahat. Ang tungkol sa kung ano ang nasa tuktok at kung paano gawin ang pag-aalay.

"Isang napakahirap na pagdedesisyon 'yan. Walang may nais talaga na mawala sa atin." Nalungkot ang mga mata ng ama ni Jhanjo.

"Nais ko—" magsasalita sanang muli si Kristine ngunit pinigil siya ni Kris.

"Hindi ikaw ang dapat na magsakripisyo. Kayrami mo ng nagawa upang marating natin ang lugar na ito. Isa ka sa pinakamatapang na handa noong mag-alay ng buhay alang-alang sa buhay din ng iba pa." Tumitig si Kris sa kanyang mga kasamahan. "Magtungo na tayo sa itaas at ako na ang mismong magsasakripisyo para matapos na ang lahat," dagdag niya pa.

Niyakap ito ni Kristine ng sobrang higpit kasabay ng pagluha. Hindi luha ng kalungkutan kundi hikbi ng kaligayahan muli sa mga sinabi ng nobyo ngunit hindi niya matatanggap na ang kanyang mahal pa ang dapat mawala.

"Hindi, Kris! Huwag lang ikaw." Patuloy nitong pag-iyak.

Niyakap na rin ito ng binata ngunit buo na ang desisyon nito na siya nalang dapat mag-alay. Hinimas niya ang dalawang pisngi ni Kristine at pinunasan ang mga luha kasabay ng pagngiti ng matamis.

"Ang isang buhay ko ang magliligtas ng napakarami pang mga buhay." Tuluyan na ring napaluha ang binata. "Magkakaroon din naman ng kapalit ang lahat ng ito." At humarap si Kris sa ibang kasamahan.

Grabe na rin ang pagtangis ng mga ito mula sa pagsasakripisyo ng binata para sa lahat.

"Sigurado ka na ba?" patanong ni Sir Jude.

Hindi pa man nakakatugon si Kris ay maririnig na mula sa pinto ang mga dabog na galing sa mga bagong likha ni Dr. Lertez. Sandali silang napatingin doon.

"Opo, buo na ang desisyon ko. Tara't baka hindi natin magawa ang pag-aalay." At nauna ng humakbang patungo sa mababang hagdan habang hawak ng mahigpit ang kamay ni Kristine.

Bumukas ang pinto at nag-uunahan sa pagpasok ang mga gutom na halimaw.

"Kris, bilis!" pasigaw ni Jhanjo.

Agad na binuksan din ng binata ang maliit na pinto paitaas at unang pumasok doon kasunod ng iba pa. Medyo nahuli si Sir Jude at may humawak pa sa kanyang mga paa. Iniangat niya ang shotgun at mabilis iyong pinaputukan sa ulo. Sa wakas ay nakaakyat na silang lahat sabay sarado sa pinto.

Lumakad sila at inilibot ang mga mata sa paligid. Kita nila sa kristal na mga pader ang labas ng tower. Madilim na pala ang kalangitan at ramdam nila ang lamig ng paligid sapagkat nasa pinakatuktok na sila. Sa pinakagitna ay makikita ang sinasabi ng ama ni Dr. Lertez. Isang metal na higaan at mga naglalakihang kable ng kuryente. May dalawang malalaking poste na nakakonekta sa pinakamataas o pinakamahabang tuktok ng Tower. May tig-iisang kable rin doong nakakabit.

Lumapit doon si Kris at ngumiti. Inalala niya sandali ang mga masasayang pinagdaanan nila at paglalakbay upang harapin ang mga kakaibang halimaw para lamang tuluyang makarating sa tower at tuktok nito.

"Kaysarap isipin at sana'y manatili ako sa mga isip at puso ninyo," madamdaming pahayag ng binata at nagsimula ng maglapitan ang lahat ng kanyang kasamahan.

Muli siyang niyakap ni Kristine at ng iba pa.

"Hihintayin na lamang natin na maghatinggabi upang isagawa ang ritwal." At inilatag ni Sir Jude ang kasulatan.

Nakasulat doon ang mga mahihiwagang salita na nabanggit ng tinig at kung paano mapagtatagumpayan ang pag-aalay para tuluyang mawakasan ang lahat. Tumango na ang iba at sandaling nagpahinga.

Sina Kris at Kristine ay nasa pinakagilid habang magkayakap na nakaharap sa kristal na pader. Pinagmamasdan nila ang kabuuan ng Isla dahil tanaw nila ang malawak nitong lupain. Kita nila mula sa kinauupuan ang mapayapang dagat.

"Tandaan mo na may nag-iisa kang minahal. Si Kris, ang taong handang mag-alay ng sariling buhay para sa kanyang minamahal." Ngiting sabi ng binata bago halikan sa labi si Kristine.

Maglalabas na sana ng luha ang dalaga ngunit pinigil iyon ni Kris. Ito na yata ang pinakamasakit na mangyayari sa kanyang buhay, ang mawala ang kanyang pinakamamahal.

"Kris..." At patuloy pa rin sa pagtitig ang dalaga.

Muli na lamang siyang niyakap ng binata ng sobrang higpit.

—————————————
A/N: Very emotional. Naiiyak uli ako. Sana hindi nalang si Kris. 😭

Mystery in Island (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon