ANG PAGKIKITA-KITA
MAIGI silang nagmamasid sa bawat dinadaanan. Alam nilang sa bawat oras ay maaaring sumalubong ang panganib.
"Naroroon pa rin ang malalaking halimaw na agila." Pagtuturo ni Kristine sa mga nagliliparan.
"Kanina ko pa iniisip 'yan at hindi sila aalis hangga't hindi naipaghihiganti ang napatay mo kanina." May kinuha si Sir Jude sa dalang bag. "Naibuklod ko ito kanina dahil alam kong magagamit natin." At inilabas ang mga bungang parang tulad ng isang dalandan.
Napatingin ang dalaga sa mga iyon. Nagtataka man ay tinanggap niya ang pag-abot ng lalaki sa kanya ng iilang piraso.
"Ano naman pong gagawin ko rito?" patanong niya.
"Ang bungang iyan ay may likidong kina-aayawan ng mga ibong iyon. Gamitin mo ang iyong mga kamay upang makuha ang katas niyan," paliwanag ni Sir Jude.
Pinisa iyon ni Kristine gamit ang kamay at lumabas ang berdeng katas.
"Ito na po," sambit ng dalaga.
Nakita niya iyong ipinahid ng lalaki sa mga kamay, paa at leeg.
"Gayahin mo ang ginagawa ko. Ang amoy ng bungang ito ang magtataboy upang hindi tayo kainin ng mga halimaw na ibon," paliwanag nito.
Inamoy ito ng dalaga at maihahalintulad niya iyon sa amoy ng rosas. Nagtataka siya dahil mabango naman ang katas at bakit kinatatakutan ng mga ibong iyon? Matapos ay diretsong lumakad si Sir Jude at sinundan ng dalaga. Kalmado silang dumaan at himala ngang nagsi-alisan ang mga agila.
"Kakaiba nga talaga ang mga naririto." Mangha ni Kristine habang pinagmamasdan ang paglayo ng mga malalaking ibon.
"Ilan pa lamang iyan sa mga una mong nalaman tungkol sa angking ganda at nilalaman ng Islang ito." Nagpatuloy ito sa paghakbang.
"Nilalaman?" interesadong tanong ni Kristine.
Sandaling huminto ang lalaki at nakangiting tumitig sa dalaga.
"Ikukuwento ko sa iyo." At nagpatuloy ito. "Marami noong mga mananaliksik ang nais na angkinin at kunin ang Islang ito. Hindi lang dahil sa kagandahan nito kundi sa mga kakaibang maaaring tuklasin at pag-aralan. Isa sa mga naghangad noon ay ang ama ng namayapa kong asawang si Rozell na lolo ng anak kong si Jhanjo. Pinag-aralan niya ang mga kakaibang tumutubong halaman dito. Ang taglay na amoy, epekto at maaaring iimpluwensya kung ihahalo sa ibang nilalang," tumigil ito sa pagsasalaysay nang biglang may maalala.
"Bakit po, Sir Jude?" napansin ni Kristine ang paghawak nito sa ulo.
"Lahat ng mga halimaw na nakaharap natin at makakaharap pa lang ay ilan lamang sa mga likha nilang sinasabi kong bunga ng pinagsamang epekto ng mga halamang naririto at nilalang na masinsinan nilang pinag-aaralan. Ang masaklap noon ay hindi nila mapigil ang mga ito at ginamit ang mga taong nagtutungo rito upang ipanlaban at gawing bagong nilalang." Bakas sa mukha ng lalaki ang kakaibang lungkot.
Ngayon ay talagang nauunawaan na ng dalaga ang katotohanan sa mga kakaibang halimaw na nakaharap nila. Na kung bakit walang nagtutungo sa Isla ang nakakalabas pa ng buhay.
"Wala na po bang ibang solusyon o gamot upang mapigil ang mga likhang iyon at ang mga baliw na scientist?" patanong muli ni Kristine.
"Hindi ko batid, Kristine. Tinagurian silang mga baliw dahil hindi na nila alam ang kasakimang nagagawa," tugon ni Sir Jude.
"Ngunit pa—" napitigil ang dalaga nang biglang magulat sa tumambad sa kanila.
Ang malaking ahas na nakaharap nila kanina ay wala ng buhay.
"Kinain niya kanina ang patibong nating hayop na nilagyan ng lason." Napangiti ang lalaki.
Nagpatuloy sila sa paglalakbay. Kailangan nilang magdali sapagkat alam na alam nilang nasa panganib silang lahat. Naisip ng dalaga, utak nga ang pinakamalakas na sandata upang makaligtas ka sa handog na panganib at kamatayan ng Islang kinatutungtungan nila. Palubog na ang araw at sa wakas ay tanaw na ng dalawa ang sapang dinaanan nila Jhanjo kanina.
"Tatawid po ba tayo diyan?" tanong ni Kristine.
"Oo," tugon nito. "'Ayun sila Jhanjo." Nakita nilang naghihintay ang mga iyon sa isang malaking puno na nasa kabila.
"Mukhang kanina pa po nila tayo hinihintay," may ngiting sabi ni Kristine.
Sumigaw sila upang marinig nila Mrs. Cassandra at nasulyapan naman sila ng mga ito.
"Ama!" sigaw din ni Jhanjo at mababakas sa mukha nito ang saya sapagkat nakabalik ng ligtas ang mga ito.
"Paano kayo nakatawid sa mapanganib na sapang ito?" Pasigaw din ni Sir Jude upang marinig sa kabila.
Nagtaka si Kristine nang mapansing wala sa kanila ang kaibigang si Andrei. Nakita niya sa mga mata ni Jonelyn at Mrs. Cassandra ang kakaibang lungkot at alam niyang may nangyaring hindi maganda. Napatingin siya sa umaagos na tubig sa sapa at ibinalik ang titig sa kabila.
"Gumamit na lamang tayo ng lubid ama upang mapabilis ang pagtawid ninyo rito!" sigaw na tugon ni Jhanjo.
"Teka lang," pagpipigil ng dalaga. "Nasaan si Andrei?" bigla niyang tanong at kinakabahan siya.
Muling humagulhol ng iyak si Jonelyn at hindi napansin ni Kristine na bigla rin siyang napaluha. Nakita niya sa ekspresyon ng kaibigang nagsasabing wala na ito.
"Hindi, hindi! Andrei..." hagulgol din ng dalaga.
Naunawaan ni Sir Jude ang nangyari. Alam niyang sa sapang ito napahamak ang sinasabing kaibigan.
"Kristine." Tinapik nito ang likod ng dalaga nakaluhod sa lupa. "Kailangan mong maging matatag at isipin mong ang pagkawala nila ay sakripisyo bilang pagiging isang bayani sapagkat nagtungo sila para sa isa n'yo pang kaibigan," salaysay ng lalaki.
"Ngunit hindi ko na po maisip kung ligtas pa rin ba sina Kris kasama ang mga kaibigan naming sina Stephanie. Litong-lito na po ako." Patuloy ito sa pag-iyak.
"Kaya't sinasabi ko sa iyong dapat mo silang ipaghiganti at iligtas. Nandito tayo noon para sa nawawala ninyong kaibigan at nakikipagsapalaran ngayon para sa iba." Ngumiti ang lalaki at pinatayo ang dalaga.
Tumango si Kristine at muling nabuo ang loob niya. Sang-ayon na sila Jhanjo sa kabila at malakas na inihagis ang may kahabaang lubid na may bato patungo sa kanila. Mabilis naman iyong nasalo nila Kristine.
"Handa ka na ba? May isang nilalang sa tubig na ito ang kakaiba kung pumaslang. Tulad ng pugita ang anyo nito subalit higit na mas malaki at kinatatakutan." Salaysay ni Sir Jude at sabay silang humawak ng mahigpit sa lubid.
Sa kabila ay mahigpit din itong hinawakan nila Jhanjo, Jonelyn at Mrs. Cassandra.
Buong tapang na humakbang sa tubig ang dalawa at ramdam nila ang lamig doon. Unti-unti itong lumalalim at umabot na sa baywang nila.
"Hahatakin namin ama ang lubid kung nasa malalim na kayong bahagi," paalala ni Jhanjo.
Hindi pa man umaabot sa dibdib ang lalim ng tubig ay naramdaman na nila Kristine at Sir Jude ang ungol na nagmumula sa ilalim. Nagpatuloy sila sa paghakbang. Nagulat at napanganga sila mula sa mga naglalakihan at nagtataasang galamay na umangat sa kanilang harapan.
"Huh?" halos hindi makagalaw ang dalaga sa kinatutungtungan.
Nanlaki ang mga mata ng tatlong nasa kabila. Bumula ang tubig at sunod na lumabas ang ulo ng halimaw.
"S-sir J-jude..." nanginginig ang boses ni Kristine.
Mabilis na pagkuha sa shotgun ang ikinilos ng lalaki at walang alinlangan itinutok at pinaputok sa nilalang na nasa harapan. Rinig pa nila ang ungol nito at muling pumailalim sa tubig.
"Kristine, kumapit ka ng mabuti. Jhanjo, hatakin n'yo na ang lubid!" halos isigaw na pagkakasabi ni Sir Jude.
Mabilis iyong sinunod nila Jhanjo at agad na pumailalim ang dalawa sa tubig.
—————————————
A/N: Let's support them. 😂
BINABASA MO ANG
Mystery in Island (Completed)
Mystery / ThrillerSa pagkawala ng isang babae kasama ang grupo nito, ay siya namang pagbukas ng isang lihim mula sa lugar na hindi pa natutuklasan ng karamihan. Isang Isla na sa angkin ganda'y kabaligtaran naman ang handog na ligaya. Narinig mo na ba ang umusbong na...