MATAAS ang sikat ng araw. Ang init na taglay nito ay tila nakapapaso ng balat. Naghanap ng isang malilim na lugar si Aliah. At sa silong ng isang puno, nakita niya ang isang upuan na yari sa katawan ng puno. Nagtungo siya roon at naupo. Wala pang isang minuto ang nakalilipas, may tumabi sa kanyang babae. Sa gilid ng kanyang mga mata, napuna niya ang maputing kulay ng balat nito at maiksing buhok. Nag-alangan siyang tingnan ang babae nang direkta dahil hindi naman niya ugaling tumingin sa mukha ng ibang tao.
"Kung sino man ang unang lalaking lalabas doon," umpisa ng babae at tumuro, "gusto kong turuan mo siya."
Bagama't may pag-aalinlangan kung siya ba ang kausap ng babae, sinundan na lamang niya ng tingin ang itinuturo nito. Hindi niya masiguro kung ang tinutukoy nito ay iyong bulwagan ng pamantasan o iyong pasilyo lamang. Makaraan lamang ang ilang segundo, may isang matangkad at kayumangging lalaki ang patakbong lumabas ng bulwagan. Huminto ito sa eksaktong lugar na itinuro ng babae. Ang kanang bahagi lamang ng mukha at katawan ng lalaki ang natatanaw ni Aliah. Malayo ang tingin nito na tila ba may hinahanap at tinatanaw sa malayo.
Sa mga sumunod pang sandali ay unti-unti nang naglaho ang mga nakikita ni Aliah. Napalitan ito ng kadiliman kasabay ng isang tinig na tumatawag sa kanya.
"Ayah! Ayah!"
Nagising siya mula sa pagyugyog sa kanyang balikat ng kaibigang si Miriam. Bahagya niyang inangat ang kanyang mukha na noo'y nakasubsob sa likmuan ng upuan. "B-bakit?" antok pang tanong niya. Inilibot niya ang tingin. "Nasaan tayo?"
"Hala?" natatawa namang sabi ng kanyang kaibigang si Hanna. "Nakakatol ka ba, Ayah?"
Inayos ni Aliah ang kanyang upo, kinusot ang mga mata, at humikab. "Ano'ng nangyari?"
"Nakatulog ka lang naman po sa klase!" sagot ni Miriam.
Gulat na napatingin dito si Aliah. "Totoo?"
Sabay na tumango sina Hanna at Miriam.
Tinignan niya ang kanyang orasan at saka kunot-noong tumingin sa dalawa. "Bakit hindi niyo ako ginising?"
"Ginigising ka kaya namin kaso. . . mukhang enjoy na enjoy ka pang managinip. Pero huwag kang mag-alala, si Hanna na ang tumaas ng kamay para sa attendance mo. At saka alam mo ba, super duper nakakairita ang propesor na 'yun. Late na nga siyang dumating tapos wala pang ibang ginawa kundi ang maglimlim ng eggs sa upuan. First meeting, hindi man lang nagpakitang gilas," dismayadong lahad ni Miriam.
Lutang namang tumango si Aliah. Sa dami ng sinabi ni Miriam ay kakaunti lamang ang naintindihan niya rito dahil biglang gumulo sa isip niya ang kanyang napanaginipan. Sino nga ba 'yung lalaki at babae sa panaginip niya? Ano ang gusto ng babae na ituro niya sa lalaki?
"Ayah!" pukaw ni Hanna. "Hindi ka pa ba tapos managinip?"
Gulat siyang napatingin. "May sinasabi ka, Han?"
"Wala. Nevermind. Sabi ko ang ganda ko," wika nito at nanalamin na lamang.
Tatanungin pa sana niya ito nang maramdaman niya ang panginginig ng kanyang cell phone sa bulsa. Tumatawag ang mommy niya. "Hello?"
"Honey, good luck sa unang araw ng klase mo. Pasensiya na hindi kita naasikaso sa pagpasok. Alam mo namang sobrang busy si mommy ng ganitong buwan. Hope you understand. By the way, baka late na kaming makauwi ng dad-"
"Okay!" sagot ni Aliah at ibinaba na ang tawag. Inis niyang inilagay sa bag ang cell phone.
"The who?" tanong ng dalawa.
"Wrong number."
Sina Hanna at Miriam ang tanging mga kaibigan ni Aliah. Tatlong taon na silang magkakaibigan at magkakamag-aral simula nang sila ay tumungtong ng kolehiyo. Hindi lubos maisip ni Aliah kung paanong natitiis ng mga ito ang makisama sa kanya sa kabila ng kanyang pagiging tahimik at malungkutin.
BINABASA MO ANG
Breaking The Walls
Teen FictionAliah Verde was raised by her grandparents in Cebu. When her grandparents died, happiness has been a thing of the past for her. She has been preoccupied by her own sorrow and minimized her contact with people. Knowing Aliah's sorrow and depression...