Chapter 11

754 92 60
                                    

"Tara, mga pare! May battle of the bands kaming sinalihan ng mga kababata ko, nood kayo!" anyaya ni Mateo. Kakatapos lamang ng klase nila noon.

Ilang araw na rin ang nakalipas nang huling sumama si Clarence sa lakad ng mga ito. Pagkatapos kasi nang gabing nasaraduhan siya ng gate ng kanilang bahay at nakasama niya si Aliah ay nawalan na siya ng ganang magbulakbol. Lagi na lang siyang nagkukulong sa kwarto at nagmumuni-muni na para bang nananaginip ng gising. Binabalik-balikan niya ang mga sandaling nakasama niya si Aliah.

"Tara!" sagot ni Samuel at siniko si Clarence, "Sumama ka naman!"

"Anong oras ba 'yan?" tanong niya habang abalang naglalaro ng Tekken6 sa PSP. Kalaban niya si John na isa rin sa kanyang mga kaibigan. Ito ang kaibigan nilang adik sa video games. Kapag pumupunta sila sa bahay nito ay puro video games ang nilalaro nila. Maiitim ang ilalim ng mga mata nito at mapungay dahil sa kakalaro ng Xbox sa kanilang bahay. Kaya nitong mabuhay ng isang araw na walang kain-kain, video games lang.

"Alas otso umpisa. Baka matapos ng mga alas dyis?" sagot ni Mateo habang tinotono ang kanyang acoustic guitar. Tumingin si Clarence sa orasan. Alas siyete na ng gabi.

"Aalis na ba?" tanong niya. Tumango si Mateo, "Sige, pero hanggang alas nwebe lang ako. Nagpapa-good shot pa 'ko sa bahay eh."

Iniwan ni Clarence ang mga gamit niya sa locker.

***

NAKARATING na sila sa lugar kung saan gaganapin ang battle of the bands. Excited silang humanap ng pwesto. Naghanda na si Mateo at ang mga ka-banda nito. Sina Clarence, Samuel, at ang iba pa ay agad namang nakahanap ng mga bagong kakilala. Masaya silang nakipagkwentuhan at nakipag-biruan sa mga bagong kakilalang mga kababaihan.

Nag-umpisa na ang program. Pang-huling magpe-perform ang grupo nila Mateo. Sobrang gagaling ng mga kalaban nila. Mga halimaw sa tugtugan. Rock kung rock 'yung iba. Nalibang si Clarence ng husto at hindi na namalayan ang oras sa sobrang enjoy sa panunuod. Napatingin siya sa kanyang orasan. Pasado alas dyis na.

"Wel," tinapik niya si Samuel sa balikat at binulungan ito, "mauna na ako, ha? Pakisabi na lang kay Mat."

Tumango si Samuel, "Sige! Ingat, Renz!"

Nag-taxi na siya para hindi na matagalan pa sa pag-uwi. Tiyak niyang magagalit na naman ang kanyang papa o mga kapatid pag-uwi niya. Mahabang sermon na naman ito. Inihahanda na niya ang sarili sa sermong magaganap. Nagpa-plot na rin siya sa kanyang isipan ng kanyang idadahilan pagdating ng bahay. Hindi na niya nabalikan ang kanyang mga gamit sa eskwelahan dahil alam niyang sarado na rin iyon.

Ding... Dong...

Pinindot ni Clarence ang door bell. Nakasilip siya sa gate ng kanilang bahay. Kinakabahan habang hinihintay kung sino ang bubungad sa pintuan ng bahay. Hinihiling na sana'y mama niya ang makapagbukas nito. Maya-maya'y bumungad sa pinto ang kanyang ate Naomi.

"Shit! Si ate!" Bulong niya. Salubong na agad ang mga kilay nito nang makita siya.

Si Naomi, ang pangalawa niyang ate. Malapit na ito sa salitang perpekto. Siya ay beauty and brain. Madalas siyang inilalaban sa mga beauty pageants sa lugar nila at sa mga eskwelahang pinasukan nito noon. Magaling rin kasi itong sumagot sa mga Q & A. 'Yung tipong mapapa-Woah! ka sa sagot niya. "Oh? Anong oras na? Hindi ka pa rin ba natututo, Kayen?"

"May ginawa lang kami sa school, ate."

"Naku, Kayen! Nag-aral din kami pero hindi kami inaabot ng ganitong oras sa labas. May cellphone ka naman, bakit hindi ka nag-text na gagabihin ka?"

Hindi nakaimik si Clarence. 'Yung cellphone kasi niya ay iniwan rin niya sa kanyang locker. Tinalikuran na siya ni Naomi nang hindi binubuksan ang gate.

Breaking The WallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon