TUMULO ang luha sa mga mata ni Aliah. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Patuloy pa rin sa pagsasalita si Amanda habang ang daddy niya naman ay pilit itong pinapatigil. Idinuduro ni Amanda ang mommy niya na noo'y hinihikayat na siyang pumasok sa loob ng bahay.
Magulo na ang isip niya. Hindi na pumapasok sa utak niya ang mga naririnig at nakikita. Tinakpan niya ang kanyang tainga at tinabig ang kamay ng mommy niya. Tumakbo siya... palayo sa lugar na iyon.
"Aliah!" sigaw ng kanyang mga magulang.
Hindi siya lumingon. Hindi siya tumigil sa pagtakbo. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Kumanan. Kumaliwa. Kahit saan na lang siya lumiliko. Wala siyang pakialam kung maligaw man siya.
Kasabay ng pagtakbo ay ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata. Sobrang bigat ng kanyang nararamdaman. Sumasakit na ang lalamunan niya. Gusto niyang magwala. Gusto niyang sumigaw.
Namalayan na lamang niya na nasa isang madilim na lugar na siya. Hindi na niya halos maaninag ang daan dahil sa kadiliman at namumugtong mga mata. Nakaramdam na siya ng pagod.
Tumigil na siya sa pagtakbo dahil nananakit na ang kanyang tagiliran at mga binti. Sumasakit na rin ang ulo niya sa pag-iyak. At ang kanyang paghinga ay mas mabilis na kaysa sa normal.
Hindi niya napansin ang binatilyong tumatakbo palapit sa kanya. Nagkabanggaan sila. Natumba si Aliah.
"Hindi kasi tumitingin sa nilalakaran e!" inis na sabi ng binatilyo at agad ding umalis na hindi man lamang siya tinulungang tumayo.
Hindi na siya umimik dahil wala na siyang lakas para makipagtalo. Tumayo na lamang siya at pinagpagan ang kanyang damit.
"Hoy!"
Nagulat siya sa sigaw ng isa pang lalaki. Nakatayo ito sa 'di kalayuan at nakatingin sa gawi niya.
"A-ako?" tanging nasambit niya. Hindi na halos makalabas sa labi niya ang salitang iyon dahil sa pamamaos at panginginig sa takot.
Liwanag lamang ng buwan ang nagsisilbing tanglaw. Naaninag niya ang mukha ng lalaki, galit itong nakatingin sa kanya. Maya-maya ay mabilis itong lumakad papalapit sa kanya. Unti-unti naman siyang humahakbang palayo rito.
"Hoy! Tumigil ka!" muling sigaw ng lalaki at biglang tumakbo.
Nataranta si Aliah. Hindi niya malaman ang gagawin. Sa kanyang takot ay napapikit na lamang siya at pinangsangga ang mga braso malapit sa kanyang mukha.
Sa bawat hakbang ng lalaki papalapit sa kanya ay lalong bumilis ang kabog ng dibdib niya. Pakiramdam niya'y nagwawala na ang puso niya na ani mo'y anumang oras ay tatalon ito palabas sa kanyang tadyang.
Nabunutan lamang siya ng tinik at napalunok nang lagpasan siya ng lalaki. Iminulat niya ang kanyang mga mata at ibinaba ang mga braso. Sinundan niya ng tingin ang lalaki. Tumatakbo pa rin ito, habol ang binatilyong bumangga sa kanya.
"Tarantado ka a! Ang bata mo pa nagnanakaw ka na!" sigaw ng lalaki. Hinablot nito ang damit ng binatilyo at natumbang patihaya ang binatilyo. Lumuhod ang lalaki sa harap ng binatilyo, kinwelyuhan niya ito, at inambahan ng suntok.
"Huwag po! Huwag po!" pagmamakaawa ng binatilyo habang nakasangga ang mga kamay nito.
"Nasaan na 'yung ninakaw mo?" tanong ng lalaki.
Nanginginig namang dinukot ng binatilyo ang bulsa at inabot sa lalaki ang hinihingi nito. Isang cellphone at isang kwintas. Nagulat si Aliah sa nakita at napahawak sa kanyang leeg. Wala na ang kwintas na regalo ng daddy niya.
"Pasalamat ka ako lang ang nakabangga mo. Kung hindi, bugbog ka! Huwag ka nang magnakaw. Wala kang magandang kahihinatnan diyan!"
Itinayo ng lalaki ang binatilyo. Nakayuko naman itong tumayo.
BINABASA MO ANG
Breaking The Walls
Teen FictionAliah Verde was raised by her grandparents in Cebu. When her grandparents died, happiness has been a thing of the past for her. She has been preoccupied by her own sorrow and minimized her contact with people. Knowing Aliah's sorrow and depression...