PAUWI na si Clarence sa kanilang bahay. Malaki ang ngiting nakaguhit sa kanyang mukha at napakagaan ng kanyang pakiramdam. Bawat bagay na kanyang makita ay tila ba napakaganda na siyang nagbibigay sa kanya ng kakaibang saya. Pakiramdam niya ay napakasarap huminga, napakasarap mabuhay.
"High ka ba?" tanong ng kanyang ate Naomi pagpasok niya sa kanilang bahay. Nakaupo ito sa carpet, may hawak na isang maliit na bowl at kutsara, at nasa aktong kukuha ng ice cream na noo'y nasa ibabaw ng center table. Ang iba pa niyang kapatid ay nakaupo sa sofa at lahat ay nakatingin sa kanya.
Ngumiti siya sa mga ito, "Hindi lahat ng masaya ay high."
"Ohh! In love?" komento ng kanyang ate Cassy. Hindi na iyon pinansin ni Clarence at dumiretso na sa kwarto. Nagkatinginan ang kanyang mga kapatid. May pagtataka sa kanilang mga mata at saka ibinaling na lamang ang atensiyon sa pinapanuod.
Pagkapasok ng kwarto ay dahan-dahang nahiga si Clarence sa kama, suot pa rin ang kanyang sapatos. Nakangiti at parang lutang na nakatingin sa kisame. Kinuha niya ang isang unan at itinakip sa kanyang mukha habang hindi pa rin maalis ang ngiti sa mga labi. Sobrang saya niya ngayong araw na ito at walang mapaglagyan ang sayang iyon.
***
"Para kay Alice." Nakangiting sabi ni Clarence habang inaabot kay Aliah ang isang pack ng Whiskas (cat food). Walang pasok si Aliah tuwing Thursday kaya't dumalaw na lamang siya sa bahay nito.
"Clarence, baby pa si Alice. Baka hindi pa niya kayang kainin ito?" mahinahong sagot ni Aliah matapos abutin ang Whiskas.
"Ganun ba?" malungkot na sabi ni Clarence.
"Di bale, itatago ko na lang muna para kapag medyo malaki na siya, ito na ang ipapakain natin."
Nakangiting tumango si Clarence, "Sige."
Nasa sala sila ng bahay nila Aliah. Magkatabi silang nakaupo sa couch habang ang kuting na si Alice nama'y nasa kandungan ni Aliah na patuloy naman nitong hinahaplos sa likod habang natutulog.
"Uhm... Ali, pwede ka pa bang lumabas ng bahay? Papayagan ka kaya nila tito? Gusto ko kasi sanang mamasyal tayo."
Ibinaling ni Aliah ang tingin kay Clarence, "Saan naman tayo mamamasyal?"
"Kahit saan lang tayo dalhin ng mga paa natin."
"Wala kang plano?" dismayadong tanong ni Aliah.
"Wala e," kakamot-kamot na sabi ni Clarence. "Hindi naman kailangan laging nakaplano, di ba? Minsan, kailangan mo lang huminga, magtiwala, at tignan kung anong mangyayari. Sa ganung paraan, mas makakaiwas ka sa disappointment."
Sa pagiging malaya ng kaisipan ni Clarence ay napahanga si Aliah. Para bang kaya niyang gawin ang kahit na ano nang walang pag-aalinlangan. "Ano payag ka na, Ali?"
Ngumiti si Aliah, "Ipaalam mo ako kila daddy."
Abot-tainga ang ngiti ni Clarence. Ipinagpaalam niya si Aliah sa daddy nito. Matapos magtanong ng ilang impormasyon tungkol sa kanilang lakad at kung anong oras sila uuwi ay pumayag din ang daddy ni Aliah.
Pumunta silang muli sa park. Napaka-memorable ng park na ito sa kanilang dalawa dahil ito ang lugar na nagpakalma sa kanilang mga kalooban nung gabing pakiramdam nila'y tinalikuran sila ng mundo. At tanging ang isa't isa na lamang ang kanilang naging sandalan. Hinawakan niya sa beywang si Aliah at marahang kinabig palapit sa kanya, "Naaalala mo ba ang lugar na ito?"
Itinuro niya ang mala-banging lugar kung saan tanaw ang mga gusali sa malayong distansiya. Tumango si Aliah habang namamangha sa nakikita at nakangiting inilibot nito ang mga mata.
BINABASA MO ANG
Breaking The Walls
Teen FictionAliah Verde was raised by her grandparents in Cebu. When her grandparents died, happiness has been a thing of the past for her. She has been preoccupied by her own sorrow and minimized her contact with people. Knowing Aliah's sorrow and depression...