Chapter 02

1.6K 126 156
                                    

"Grabe namang propesor 'yun ang daming rules nakaka-istreys!" reklamo ni Hanna habang sinusuklay ng kamay ang mahabang buhok. Naglalakad na sila sa pasilyo ng pamantasan.

"Know the rules well so you could break them easily," seryoso namang saad ni Miriam habang nililinis ang eyeglass na hawak.

"Whatever, Yam!" pairap na sabi ni Hanna. Napansin nito si Aliah na nahuhuli sa paglakakad. "Ohh, Ayah, wala ka na naman sa sarili."

"Hindi ah," tugon ni Aliah.

Naupo sila sa isang mahabang upuan. Nagdidiskusyon pa rin sina Miriam at Hanna, naging libangan na ng mga ito ang magtalo at magtuksuhan. Habang si Aliah naman ay tahimik lamang na nakikinig sa dalawa at lihim na napapangiti sa mga sinasabi ng mga ito.

"Paupo, ha?"

Napalingon si Aliah nang marinig ang tinig ng isang lalaki. Naupo ito sa kanyang tabi. Ito 'yung lalaking naligaw sa kanilang silid-aralan kanina lamang. Subalit matamlay na ang itsura nito kumpara kanina. Ang mga mata nito'y tulalang nakatingin sa lupa, nasasalamin niya ang lungkot sa mga mata nito. Nakaramdam siya ng simpatiya para rito. Gusto niya itong damayan nang maibsan ang lungkot na nadarama nito at kung kakilala lamang niya ito ay hindi siya magdadalawang-isip.

Nagulat siya nang biglang lumingon ang lalaki at nagkasalubong ang kanilang mga tingin. Subalit, mabilis pa sa kisapmatang binawi ng lalaki ang tingin. Napasuklay ito sa buhok gamit ang dalawang kamay, maya-maya'y tumayo at lumakad nang palayo. Ibinaling na lamang ni Aliah ang tingin sa mga kaibigan, kahit na ang isip ay naglalaro pa rin sa malungkot na anyo ng lalaki.

Napansin ni Miriam na tulala si Aliah. "May problema ba, Ayah?"

Nagulat si Aliah nang marinig ang pangalan. "A-ako ba ang kinakausap mo, Yam?"

"Ay hindi. Kausap ko sarili ko. Baliw ako eh," pilosopong sagot nito.

***

NATAPOS na ang huling klase nila para sa araw na ito. Nasa loob pa rin sila ng silid-aralan habang ang kanilang mga kamag-aral ay isa-isa nang nagsisi-uwian.

"Uy, sali-salita rin 'pag may time! Mapapanisan ka ng laway niyan!" tukso ni Hanna kay Aliah.

"Alam mo, Ayah, dapat isinama mo sa new years resolution mo ang maging energetic. Next year, ha? Isama mo," sabi naman ni Miriam.

"Oo nga! At saka, alam mo, masuwerte ka nga nakakapagsalita ka e kaso... hindi mo ginagamit. Gusto mo sign language na lang tayo?" pabirong sabi ni Hanna at kunwaring nag-sign language.

"Tigilan mo nga 'yan. Lalo ka lang nagmumukhang psychotic," natatawang pang-aasar ni Miriam.

Tumahimik si Hanna at tumingin nang masama kay Miriam.

Natawa si Aliah sa itsura nito.

"Ayun! E, marunong naman palang tumawa nang natural 'tong kaibigan natin!" puna ni Hanna.

"At dahil diyan... ililibre ko kayo ng Mcfloat sa Jollibee!" natatawang saad ni Miriam. "Mag-celebrate tayo dahil nakakangiti na ang kaibigan natin!"

"Ay! Wit friend, Yam! May date si HannaBELLS!" excited na sabi ni Hanna sa pataas na tono, lalo na pagdating sa kanyang pangalan.

Sinimangutan ito ni Miriam.

"Wag ka nang mag-inarte diyan, Yam, na hindi naman yummy," pang-aasar ni Hanna. Tumayo na ito at sinukbit ang napakaliit na sling bag. Bag pa lamang ay alam mo na kung gaano ito ka-interesado sa pag-aaral. "Bye, girls!"

"Bye your face, psychow!" nagtatampong sabi ni Miriam.

Bago tuluyang lumabas ng pinto ay itinaas ni Hanna ang kanyang kanang kamay na naka-dirty finger at sinaluduhan si Miriam gamit ito. Ganun din ang ginawa ni Miriam.

Breaking The WallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon