ALAS DIYES na ng gabi, nakaupo si Aliah sa bermuda grass ng parke, katabi ang lalakeng ngayon lamang niya nakilala. Tulala siyang nakatingin sa malayo.
"Hindi ka ba mahihiga muna?" tanong ng lalake.
Marahang humiga si Aliah sa tabi nito. Ipinatong niya sa kanyang tiyan ang mga kamay at ipinikit ang namumugtong mga mata.
"Matulog ka muna. Huwag kang mag-alala mapagkakatiwalaan ako. Babantayan kita habang natutulog ka kaya huwag mo nang pigilin ang antok," malambing na sabi ng lalake.
Nang marinig iyon ay hinayaan na ni Aliah ang sarili na bumigay sa antok. Makakatulog na sana siya nang marinig ang tinig ng lalake. Mahina itong kumanta subalit sapat na para marinig ni Aliah ang himig nito.
Napakaganda ng kinakanta nito. Saktong-sakto para sa kanilang nararamdaman. Hindi mahilig sa mga awitin si Aliah subalit sa mga oras na ito ay hindi niya mapigilan ang mapakanta.
"If I lay here. If I just lay here. Would you lie with me and just forget the world? Forget what we're told. Before we get too old. Show me a garden that's bursting into life."
Pagkatapos kumanta ay nagkasalubong ang kanilang mga tingin. May luha sa gilid ng kanilang mga mata. Napabalikwas ng upo ang lalake. Tumalikod ito at pasimpleng pinunasan ang kanyang luha, "Talsik mo lumalaway, Miss!"
Umupo na rin si Aliah. Pinunasan ang luha niya gamit ang likod ng kanyang palad at saka inilahad ang kamay, "Umaambon ata?"
"Shit! Baka umulan, kumanta ka kasi eh!" biro ng lalake. Tumayo ito at saka hinawakan sa kamay si Aliah, "Tara na!"
"Napapagod na ako," walang ganang sabi ni Aliah.
"Baka maulanan tayo," sabi ng lalake at napakamot ito sa ulo. Nakatingin ito kay Aliah habang iniisip kung ano ang gagawin, "Hali ka, papasanin na lang kita."
"Ha? Wag na! Maglalakad na lang ako," sabi ni Aliah at marahang tumayo.
"Baka abutan kasi tayo ng ulan. Pero di bale, sasabayan na lang kitang maglakad kung ayaw mo."
Ilang sandali pa lang silang naglalakad ay narinig na nila ang ingay ng pabagsak nang ulan. Wala silang masilungan kaya't tuluyan na silang nabasa.
"Kaya mo pa ba? Papasanin na kita," nag-aalalang tanong ng lalake. Palabas pa lang sila sa park. Napansin sila ng gwardiya na noo'y nakasilong sa guardhouse. Sinita sila nito, hindi naman nila ito napansin dahil sa ingay ng ulan. Tuluy-tuloy lang silang lumabas ng gate.
"Hindi na. Masyado na akong nagiging pabigat," bulong ni Aliah habang nanginginig na sa lamig. Kumapit na ang damit nila sa kanilang balat na siyang nagbibigay ng malamig na pakiramdam sa kanila. Ang kulot na buhok ni Aliah na ipinaayos pa sa salon ay naging bagsak na dahil sa tuloy-tuloy na pagdaloy ng ulan dito. Tinangay na rin ng ulan ang kakaunting make-up na inilagay sa kanyang mukha.
"Ang tigas naman ng ulo ng babaeng 'to," bulong ng lalake.
"Ano?" iritableng tanong ni Aliah.
Nakangiting umiling ang lalake. Hindi na sila nag-imikan. Patuloy silang naglakad na tila ba walang ulan na bumabasa sa kanila. Mga ilang sandali pa ay unti-unti nang humina ang ulan hanggang sa tuluyan na itong huminto.
"Tignan mo 'tong ulan na 'to! Binasa lang tayo!" sabi ng lalake. Napatingin ito kay Aliah. Bumakat na sa basang damit ni Aliah ang underwear na suot at ang magandang hubog ng katawan. Umiling ang lalake upang mawala ang atensiyon sa basang saplot ni Aliah, "Okay ka lang?"
Bumahing si Aliah. Nakahalukikip na siya at nanginginig na sa lamig, "Okay lang ako."
"Hali ka!" hinawakan ng lalake ang kamay ni Aliah, "Ihahatid na kita sa inyo para makapagpalit ka ng damit."
BINABASA MO ANG
Breaking The Walls
Teen FictionAliah Verde was raised by her grandparents in Cebu. When her grandparents died, happiness has been a thing of the past for her. She has been preoccupied by her own sorrow and minimized her contact with people. Knowing Aliah's sorrow and depression...