Epilogue

852 53 19
                                    

PINAGBIGYAN ni Aliah ang hiling ni Clarence na sa bahay na nito maghapunan. Nais daw kasi nitong ipakilala siya sa mga magulang bilang kanyang nobya.

Masaya namang sinalubong si Aliah ng pamilya ni Clarence. Bawat isa rito ay may mga katanungan sa kung paano naging sila ni Clarence, kung matino ba itong nobyo, o kung hindi ba ito pasaway. Lahat naman ng mga katanungang ito ay masayang sinasagot ni Aliah.

"Pag-pasensiyahan mo na, Ali, ha? Ngayon lang kasi nagpakilala ng nobya itong si Kayen namin e. Kaya ganito na lang ang pananabik namin na makilala ka," sabi ng mama ni Clarence.

"Ayos lang po," nakangiting sagot niya.

***

MATAPOS kumain ng hapunan ay nagtungo sila ni Clarence sa sala kung saan ay nagkaroon sila ng pagkakataong mag-usap ng silang dalawa lang. Habang sila'y nag-uusap ay naalala niya ang puting rosas na ipinabibigay ni Ronald kay Clarence.

"Renz, naalala mo ba 'yung binatilyo nung gabing nagkakilala tayo?" sabi ni Aliah habang dinudukot sa bag ang isang libro at sa pagitan ng libro ay may kinuhang puting rosas na nalalanta na. "Ipinabibigay niya pala sa'yo ito oh."

Natigalgal si Clarence nang makita ang puting rosas. Nawala ang ngiti sa labi nito, "Para sa akin 'yan?" 

Tumango siya, "Oo. Sabi nga ni Ronald ang kulay puting rosas daw ay simbolo ng respeto. Kaya iyan daw ang ibinigay niya sa'yo. Alam mo ba, sinunod niya ang sinabi mo. Nag-aral siya."

Kinuha ni Clarence ang rosas. Maya-maya'y tumulo ang luha sa mata nito. 

"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong niya.

"Ang sign!" nakangiting sabi nito bagamat may luhang dumadaloy sa mata.

"Anong sign?"

"Sign na kailangan ko nang pakawalan ang nakaraan," sabi nito at pinunasan ang luha. "May kababata akong babae noon. Masayahin siyang tao at kahit may pagka-loner ako ay nagagawa niyang basagin ang katahimikan ko at pasukin ang mundo ko. Naging malapit kami sa isa't isa. Dumating pa nga sa puntong pakiramdam ko'y nahuhulog na ako sa kanya."

May kirot na biglang gumuhit sa dibdib ni Aliah, parang isang samurai na mabilis na humiwa sa kanyang puso. Ganun pa man, hinayaan niyang ipagpatuloy ni Clarence ang kwento.

"Alam mo 'yung parang may isang tinik na nananatiling nakabaon sa puso mo? Siya 'yung tinik na iyon," sabi ni Clarence. "May mga bagay na pinapalagpas at may mga bagay na ipinaglalaban pero pinalagpas ko 'yung pagkakataon na iyon. Hindi ko man lang nasabi sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin, kung paano niya nabago ang buhay ko. Hindi ko man lang nasuklian ang kabutihan niya sa akin. At ang masakit, hindi ko na maibabalik ang panahong nasayang. Totoo pala 'yung sinasabi nila na malalaman mo lang ang halaga ng isang bagay o tao kapag nawala na ito sa'yo."

"B-bakit? Nasaan na ba siya?"

"Patay na siya," nanginginig ang mga labing sabi ni Clarence. Muling bumuhos ang luha nito. Ang magkabilang siko nito ay nakapatong sa hita habang patuloy nitong kinukusot ang mata. 

Hinaplos ito ni Aliah sa likod upang pakalmahin. Nagbadya na rin ang luha sa kanyang mga mata. Naalala niya ang sakit nang mawalan ng minamahal. 

"Wala man lang akong ginawa para sa kanya, Ali. Sarili ko lang ang iniisip ko. Hinayaan ko siyang umangkas sa motorsiklo kahit na wala siyang helmet. Sobrang kulit niya kasi, kaya't hinayaan ko na lang. Siya kasi 'yung tipo ng taong kapag gusto niya ay gusto niya. Hindi ka titigilan hanggang sa hindi ka mapapayag. Kung alam ko lang na maaaksidente kami, sana'y hindi na lang ako nagpadala sa kakulitan niya, o sana'y ibinigay ko na lang ang suot na helmet para ako na lang ang nawala. Namatay siya, Ali, at ako ang nakaligtas. Hindi ko alam kung tama ba na sa aming dalawa ay ako ang nabuhay."

"Renz, huwag mong sisihin ang sarili mo. Wala kang kontrol sa lahat ng nangyayari. Patawarin mo ang sarili mo. Sigurado ako na napasaya mo naman siya bago siya mawala rito sa mundo at alam ko na hindi siya magiging masaya kung makikita ka niyang ganyan, na sinisisi mo ang sarili mo sa pagkawala niya. Aksidente ang nangyari, Renz. Hindi mo ito ginusto."

Inangat ni Clarence ang rosas na hawak. Ngayon ay kalmado na ang itsura nito, "Noong nabubuhay pa siya, sabi niya, kapag nauna raw siyang mamatay sa akin, bigyan ko raw siya ng puting rosas na babauunin niya sa kabilang buhay. Tinanong ko  kung bakit puti. Sabi niya, it symbolizes peace."

Tumingin ito kay Aliah, ngumiti at saka humalik sa noo ni Aliah, "Alam mo ba kung ano ang sunod niyang sinabi?"

"Ano?"

"Sabi niya, ibabalik niya sa akin ang puting rosas kapag nasa mabuting kalagayan na siya. Tinanong ko kung paano niya gagawin iyon e nasa kabilang buhay na siya. Sabi niya, lahat ay posible. Maaring gawin daw niyang daan 'yung babaeng nararapat para sa akin. 'Yung babaeng tuturuan akong magmahal. At nang mamatay nga siya, pinabaunan ko siya ng puting rosas."

Tumayong bigla ang mga balahibo sa braso ni Aliah, "Ibig sabihin ba nun ako 'yung..."

Nakangiting tumango si Clarence, "Tingin ko ikaw na ang tinutukoy niya."

Hindi makapaniwalang nakatingin si Aliah kay Clarence.

Dumukot si Clarence sa bulsa at inilabas ang isang wallet. Doon ay inilabas nito ang isang larawan. Ipinakita nito ang larawan kay Aliah, "Siya si Raziel, ang matalik kong kaibigan."

Nanlambot ang mga tuhod ni Aliah nang makita ang larawan. Kumabog nang mabilis ang kanyang dibdib. 

Si Raziel, ang babae sa panaginip niya.

♥ W A K A S ♥


Breaking The WallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon