Chapter 28

371 34 12
                                    

THURSDAY, nagtungo si Clarence sa classroom nila Aliah, hawak ang isang supot ng pagkain at dala ang pag-asang magugustuhan ni Aliah ang almusal na niluto sa tulong ng kanyang mama. Sumilip siya sa pinto ng classroom at nakita roon ang tatlong magkakaibigan na masayang nagkekwentuhan.

"Ali! Ali!" tawag niya. 

Unang lumingon si Hanna. Siniko nito si Aliah at saka siya inginuso. Sumulyap naman si Aliah sa kanyang kinatatayuan subalit muli nitong ibinaling ang tingin sa mga kaibigan. Sinubukan niya itong tawaging muli subalit hindi na ito lumingon.

Napaisip siya, ano ba ang nagawa niya? Bakit hindi siya pinapansin ni Aliah? Naghintay siya ng ilan pang minuto subalit parang walang balak si Aliah na kausapin siya.

"Happy thoughts. Huwag kang mag-isip ng negatibo, Clarence. Huwag," sabi niya sa sarili.

Ilang kaklase na ni Aliah ang dumating at pumasok sa classroom. Bawat isa ay may pagtatakang napapatingin sa kanya. Tinignan niya ang kanyang relo, male-late na siya. Hinawakan niya sa balikat ang isang kaklaseng lalake ni Aliah na noo'y papasok na sana sa room. 

"P're, pakibigay naman kay Aliah. Salamat!" sabi niya rito at inabot ang supot.

Tumango naman ang lalake at kinuha ang supot. Hindi na niya sinundan ng tingin ang lalake. Dismayado na lamang siyang lumakad palayo. Akala pa naman niya ay maipagmamalaki na niya kay Aliah ang niluto niyang tapsilog na paborito nito.

***

"Ayah, bakit hindi mo pinansin si Clarence?" tanong ni Miriam.

"Yam," sabi ni Aliah, "di ba kapag gusto mo talaga ang isang bagay, pagsisikapan mo iyong makuha?"

"Oo?"

"At magiging tapat ka kung pursigido ka talagang makuha iyon?"

"Oo? Ahmm. Tungkol ba ito kay Clarence?"

Yumuko si Aliah, "Nakita ko kasi siya na may kasamang ibang babae," muli siyang tumingin kay Miriam, "at hindi lang iyon, kasama pa niya ang buong pamilya nung babae!"

"Oh my gee! You sounds jelly-jelly!" natatawang sabi ni Hanna.

"Hindi 'no! Naiinis ako kasi... kasi hindi siya naging honest! May girlfriend na pala siya, tapos..."

Natawa ang dalawa, "Nagseselos ka nga, Ayah girl!"

"Paano mo naman nasabing jewa niya 'yung girl?" tanong ni Hanna.

"Hindi pa ba sapat na ebidensiya 'yung nagdi-dinner siya kasama ng family nung girl at mukhang at home na siya?"

"Malay mo naman kamag-anak niya?" sabi ni Miriam.

"Yeah, tama, baka naman kamag-anak," dugtong ni Hanna.

"Mestisa 'yung babae, girls. Amerikana!"

"Amerikana? Ay friend, quit na! Wala ka ng laban diyan!" natatawang sabi ni Hanna. Pinandilatan ito ng mata ni Miriam kaya't napatigil ito sa pagtawa, "Jokening only!"

"Aliah, pinabibigay sa 'yo," sabi ng kaklase nilang lalake.

"Ano yan?" tanong ni Aliah nang hindi kinukuha ang supot.

"Aba, malay ko!" sabi nito at nagkibit-balikat. Inilapag na lamang nito ang supot sa armchair ni Aliah.

Nag-uunahan namang tinignan iyon nila Hanna at Miriam. Sa loob ng supot ay isang kulay asul na baunan, agad nilang binuksan iyon at nangamoy ang tapsilog na laman nito. Nakahugis puso ang tapa sa ibabaw ng kanin. Maging ang sunny-side-up egg ay nakahugis puso.

Breaking The WallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon