"Kayen, anak, gising na! May pasok ka pa, di ba?" malumanay na sabi ng mama ni Clarence habang marahan siya nitong inuuga sa balikat. Antok na antok pa rin siya at gusto pang matulog. Nagtalukbong siya ng kumot at dumapa.
Pakiramdam niya'y pagud na pagod pa rin ang kanyang katawan at wala pa siyang maayos na tulog dahil nung gabing nakitulog siya kila Aliah ay kakaunti lamang ang kanyang naitulog. Pagising-gising din kasi siya noon dahil sa takot na makita siya ng mga magulang nito.
"Hayaan mo na 'yan, ma! Masyado mong bine-baby kaya namimihasa. Dapat matuto na siyang gumising mag-isa. Kolehiyo na eh may taga-gising pa!" sabi ng kanyang kuya Janiel. Kasama niya ang kanyang kuya sa iisang kwarto at mayroon silang tig-isang kama rito. Nasa iisang kwarto man sila, hindi pa rin sila malapit sa isa't isa dahil magkaiba ang kanilang mga hilig.
"Opo, Ma. Babangon na po," matamlay niyang sagot. Tumayo na ang kanyang mama at lumabas na ng kwarto.
"Spoiled brat!" inis na sabi ng kanyang kuya.
Inalis niya ang kumot na nakabalot sa kanya at tinignan ang kanyang kuya na noo'y nakaupo sa kama, nakasandal sa headboard, at nagbabasa ng libro. Hindi ito tumingin sa kanya. Marahan siyang bumangon at naglakad patungo sa pinto.
"Sino'ng ine-expect mong mag-aayos ng hinigaan mo? May katulong ka?" sarkastikong sabi nito.
Nilingon niya ito. "Hindi ba pwedeng umihi muna?"
Itinigil ng kuya niya ang pagbabasa at tumingin sa kanya. Walang emosyong makikita sa bughaw nitong mata na namana nito sa kanilang amerikanong ama. Ang kutis nito na mamula-mula dahil sa pagka-mestiso ay lalong namula marahil sa inis. "Ang hilig mo talagang magpalusot, ano?"
Inis na ginulo ni Clarence ang kanyang buhok at bumalik sa kanyang kama upang ayusin ito. Madalas ay sa isip na lang siya sumasagot at sa isip na lang din siya nagdadabog dahil kahit ano naman ang sabihin niya ay hindi nila pinapakinggan. 'Yun ang disadvantage ng pagiging bunso, wala kang boses sa bahay. Gusto ng mga nakatatanda na sumunod ka lang.
Pagkatapos ayusin ang kanyang kama ay lumabas na siya ng kwarto at pabagsak na isinarado ang pinto. Nagtungo siya sa dining area.
"Good morning, mamsy!" masayang bati niya sa kanyang mama na may kasamang kiss at hug. Nakatayo ito sa kusina at nagtitimpla ng kape. Ang kanyang papa nama'y tahimik na nagbabasa ng dyaryo sa harap ng hapag-kainan. "Good morning, pa!"
"Mmm," tanging sagot ng kanyang papa. Halos matabunan na ng diyaryo ang mukha nito.
"Dinadaan mo na naman si mama sa paglalambing mo," malumanay na sabi ng kanyang panganay na kapatid na si Rachel. Nakaupo ito sa tabi ng kanyang papa at kumakain na. Itinuro nito si Clarence gamit ang tinidor na hawak. "Saan ka na naman pumunta nung isang gabi?"
Hindi umimik si Clarence. Naupo na siya at naglagay ng pagkain sa pinggan. Ayaw na niyang mag-aksaya pa ng laway sa pagpapaliwanag kaya't tinatanggap na lamang niya ang bawat sermon.
"Ma, huwag ka ngang nagpapadala sa paglalambing niyan. Pagsabihan mo kasi 'yan, nasasanay eh!" dagdag ng ate niya.
"Ikaw naman, Chel, naglalambing lang ang kapatid mo. Mabuti pa nga si siya niyayakap at hinahalikan ako sa umaga. Kayo, hindi niyo naalala 'yun kahit simpleng good morning lang. At isa pa, kakagising lang ng kapatid mo kaya hayaan mo naman muna siyang kumain bago sermonan," malumanay na sabi ng kanilang mama.
Hindi na umimik si Rachel at galit na tinuhog ng tinidor ang hotdog na nasa kanyang plato. Tumayo ito at nagtungo na sa sala, pinanuod na lamang sina Naomi at Cassie na sumasayaw ng Zumba.
"Lagi mong kinakampihan 'yang anak mong 'yan, kaya lumalaki ang ulo eh," puna ng kanyang papa. Tiniklop nito ang dyaryo at ibinaling ang tingin kay Clarence. "Clarence, kolehiyo ka na. Matuto ka nang magseryoso sa buhay. Hindi 'yung ginagabi ka nang uwi dahil sa banda-banda na 'yan. Ano bang mapapala mo diyan? Nag-aaksaya ka lang ng oras sa walang kabuluhang bagay. Okay lang sana kung paminsan-minsan eh, kaso gabi-gabi na lang. Ang pagsasaya ay inilalagay rin sa lugar. Naiintindihan mo ba ako?"
BINABASA MO ANG
Breaking The Walls
Teen FictionAliah Verde was raised by her grandparents in Cebu. When her grandparents died, happiness has been a thing of the past for her. She has been preoccupied by her own sorrow and minimized her contact with people. Knowing Aliah's sorrow and depression...