Chapter 16

650 79 39
                                    

THURSDAY, hindi mapakaling nagpalakad-lakad si Seth sa kanyang dorm. Hindi siya mapalagay sa tuwing naiisip niyang iba ang kasama ni Aliah ngayon. Para bang gustong kumawala ng kanyang puso sa kaba. Sinisisi niya ang sarili sa pagpayag sa ganung setting.

"Ang yabang mo kasi, Seth," sabi niya sa sarili. Tatlong buwan na rin ang lumipas simula nang makita niyang muli si Aliah at dalawang buwan nang mag-umpisa siyang manligaw rito.

Ngunit sa bawat araw na alam niyang si Clarence ang kasama nito ay may kung anong kirot siyang nararamdaman. Sa totoo lang, ayaw niya ng may kaagaw. Subalit ngayon, wala na siyang magawa kung hindi ang sumunod na lamang sa agos. Dahil ito na lamang ang natitirang paraan upang masabi at mapatunayan niya kay Aliah ang kanyang pagmamahal. Handa niyang ipaglaban ito.

Maraming isinakripisyo si Seth para lamang makitang muli si Aliah, ang babaeng simula pagkabata pa lamang ay minahal na niya. Alam niya sa sarili na hindi ito puppy love lang dahil habang tumatagal ay lalong umuusbong ang pagmamahal niya kay Aliah.

Sadyang naging mapaglaro lamang ang tadhana para kay Seth. Kung kailan siya nakahanap ng pagkakataon upang magtapat kay Aliah ay saka naman dumating si Clarence. Napapabuntong-hininga na lamang siya sa tuwing naiisip ang karibal na si Clarence.

"May the best man win!" Ito ang katagang binitawan niya kay Clarence nung gabing sinaraduhan sila ng gate ni Aliah. Ngiti lamang ang itinugon ni Clarence. Isa sa mga bagay na ikinaiinis niya kay Clarence ay ang pagiging kampante nito. Para bang napakadali lamang ng lahat para rito. 

***

TUMUNOG ang kanyang cellphone. Dinukot niya iyon sa kanyang bulsa. Tumatawag ang mommy niya. "Mame, bakit po?"

"How's my boy?"

"Me, di na ako bata!"

Humalakhak ito, "I know! So, are you coming home for your dade's birthday?"

"Marami pa po akong inaasikaso sa school. But I'll try, mame." 

Panganay si Seth sa tatlong magkakapatid. Dahil nga siya ang unang tumungtong ng kolehiyo sa kanilang pamilya at malayo pa siya sa mga ito ay nag-aalala nang husto ang kanyang mommy. Walang araw na lumilipas na hindi ito tumatawag sa kanya.

"Okay, bye. Love you, anak. Ingat ka diyan."

Hindi ibinababa ng mommy niya ang tawag hangga't hindi siya sumasagot, "Love you too, mame." 

***

TINIIS ni Seth ang lahat ng hirap nang pag-iisa para lamang kay Aliah. Hindi siya sumuko sa paghahanap dito dahil kung susuko siya, para na rin niyang isinuko ang pag-asa niyang sumaya. At habang buhay niyang pagsisisihan iyon.

Noong araw na nakita niya si Aliah, 'yun ang araw na ipinahinga muna niya ang sarili sa paghahanap. Sadyang may mga bagay talagang magpapakita lamang sa'yo, when you stopped searching for it.  

Sumama siya noon sa mga kaklase at napagkatuwaan nilang kumanta. Habang kumakanta ay nahagip ng kanyang tingin si Aliah. Hindi pa siya sigurado noon na si Aliah nga ang nakita niya kaya't pinagmasdan muna niya ito nang ilan pang sandali. Malaki na rin kasi ang ipinagbago ni Aliah.

Nakilala niya ito sa hindi makabasag pinggan na kilos, sa labi nito na marahang bumubuka sa tuwing siya'y nagsasalita, at sa buhok nito na maganda ang bagsak na kahit humarang ang ilang hibla sa mukha nito ay maaliwalas pa ring pagmasdan ang maganda nitong mukha. Labis ang kanyang tuwa noon nang matagpuan na si Aliah.

***

NAKARAMDAM na siya ng pagod sa palakad-lakad. Naupo siya sa kanyang kama at pabagsak na humiga doon habang ang mga paa'y nanatiling nakatapak sa sahig. Magulo pa rin ang kanyang kama at may mga damit pang nakakalat dito. Tulala siyang nagmumuni-muni.

Breaking The WallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon